Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Lola ng Dalaga sa Manliligaw Nito; Nang Malamang Magkikita ang Dalawa ay Huhulihin Niya sa Akto Ngunit Siya Pala ang Magugulat

Ayaw ng Lola ng Dalaga sa Manliligaw Nito; Nang Malamang Magkikita ang Dalawa ay Huhulihin Niya sa Akto Ngunit Siya Pala ang Magugulat

Matagal nang nanliligaw si Joel kay Candy at gusto rin ng dalaga ang binata ngunit tutol na tutol sa pagmamahalan nila ang lola ni Candy na si Lola Insiang.

“Puwede ba, umuwi ka na, lalaki? Tsupi, tsupi! Ayokong malahian mo kami, dem*nyo ka, layas!” nagngingitngit na sabi ng matanda.

“P-pero, l-lola…”

Hindi na nakapagsalita pa ang binata sa galit ni Lola Insiang nang muli itong humirit.

“Wala nang pero-pero, alis! Alerdyik ako sa iyo kaya layas na sabi, eh!”

“O-opo, aalis na po!” kakamut-kamot sa ulo na tugon ni Joel. “Nagpapakatao akong pumunta rito pero…hmppp…” gigil nitong sambit sa isip.

Dahil sobrang higpit ay hindi pinapayagang gumamit ni Lola Insiang ng selpon o anumang gadget ang apo upang wala itong maging komunikasyon sa binata subalit ang hindi alam ng matanda ay sadyang mautak si Joel dahil mayroon itong alagang ibon na turuan.

“O, Chuby boy, ibigay mo itong liham ko kay Candy, ha?” bulong niya sa alagang kalapati.

Pinalipad na niya ang ibon at umaasang gagawin ang iniutos niya.

Ilang minuto lang ay lumanding na ang alaga ni Joel sa bintana ni Candy. Nang makita ito ng dalaga ay laking tuwa nito.

“May dala ka sa akin, Chuby?”

Binasa niya ang liham. Nakasulat doon na gustong makipagkita ni Joel at ang tagpuan nila ay sa likod bahay ng kapitbahay nilang si Aling Tenyang sa pagsapit ng hatinggabi. Iyon ang paraan ng binata para may komunikasyon pa rin sila.

Sa tulong ng kalapating si Chuby ay nagkita ang dalawa at ‘di nagtagal ay naging magkasintahan.

“Mabuti na lang at meron akong alagang ibon na turuan kundi ay ‘di tayo magiging magdyowa,” sabi ni Joel sa nobya.

“Oo nga, eh, salamat kay Chuby. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit galit sa iyo ang lola ko?” tanong ni Candy.

Nagulat ang dalaga nang sabihin ni Joel ang dahilan…

“Ano? Naging dyowa ng Lolo Budong mo ang lola ko?!” gulat nitong tanong.

“At dinenggoy daw ng lolo ko ang lola mo kasi iba ang napangasawa ng lolo ko at hindi ang lola mo, kaya pati ako’y damay sa galit niya,” hayag ng binata.

Napa-iling na lang ang dalawa na hinayang na hinayang. Kung wala lang sanang atraso ang lolo ni Joel sa lola ni Candy ay ayos na sana ang lahat.

Nang sumunod na araw ay may iniuwing ibon si Lola Insiang sa bahay.

“Aba, kalapati, lola at ang cute!” sambit ni Candy nang makita ang ibon.

“Oo. Bigay sa akin ni Mang Bruno. Nagandahan ako kaya tinanggap ko na. Aalagaan ko para kapag wala ka rito sa bahay ay hindi ako naiinip. Dahil babae itong kalapati ay papangalanan kong ‘Lala’,” sagot ng matanda.

Kinahapunan, may hatid uling liham si Joel para kay Candy ngunit tila may isip ang alagang ibon ng binata at bigla itong dumapo sa bintana ng kuwarto ni Lola Insiang. Nakita kasi nito ang alagang kalapati ng matanda na nakakulong sa hawla. Kung iisipin ay parang nanliligaw ang ibon ni Joel sa ibon ni Lola Insiang kaya nakalimutan nitong ibigay kay Candy ang liham at nahulog iyon sa may bakuran.

Maya maya ay napansin iyon ni Lola Insiang.

“Teka, liham ito ah! Para kanino kaya ito at bakit dito lang iniwan?”

Nang basahin nito ang nilalaman ng liham ay nawindang ang matanda.

“Aha? Magtatagpo pala kayo ha? Humanda kayo sa akin!” galit na sabi ni Lola Insiang nang malaman na magkikita ang kanyang apo at si Joel.

Bumuo ng plano ang matanda. Maaga palang ay pupunta na siya sa tagpuan ng magkasintahan para mahuli sa akto ang mga ito.

Sumapit ang hatinggabi, nagmamadaling gumayak si Lola Insiang at pinuntahan na ang lugar kung saan magkikita ang apo at ang kinamumuhian niyang lalaki. Pagdating niya roon ay madilim ang lugar. Nakalimutan pa niyang magdala man lang ng flashlight. May naaninag siyang taong nakatayo sa gilid ng puno. Sa isip niya ay ito na ang buwisit na manliligaw ng apo niya. Buong tapang niya itong nilapitan.

“Hoy, ikaw ba si Joel ha?” tanong niya.

Nagsalita ang nilalang na nagtatago sa dilim.

“Ikaw ba si Candy? Ipinasasabi ni Joel na hindi siya makakapunta rito sa tagpuan ninyo dahil masama ang pakiramdam niya,” wika ng isang lalaki.

“Ha? Ganoon ba? Akala ko’y ikaw si Joel, eh, sino ka ba?” gulat na tanong ni Lola Insiang.

May dalang flashlight ang lalaki at nang buksan nito iyon ay laking gulat nilang dalawa.

“I-Insiang?”

“B-Budong?”

At nagkakilanlan ang dating magkasintahan.

“Di ko akalaing tayo ang magkikita rito. O, Insiang, patawarin mo ako, ‘di ko sinasadyang magpakasal sa iba. Pinikot lang ako noon ni Monina, pinilit din akong ikasal sa kanya ng aking mga magulang. Sinubukan kong takasan ang kasal na iyon ngunit nang malaman kong kasal ka na sa ibang lalaki ay hindi na kita ginambala pa kaya ayun, pinakisamahan ko na lang si Monina na naging mabuti namang maybahay sa akin,” wika ng matandang lalaki.

“A-ano? Sinong may sabing kasal na ako sa ibang lalaki? Ikaw lang ang lalaking minahal ko, Budong. Sobra akong nasaktan nang nagpakasal ka sa iba kaya nagalit ako sa iyo at sa buong angkan mo na inakala kong mga manloloko. Nang mawala ka sa buhay ko’y dumating naman si Onorio na minahal ako kaya sa kanya ako ikinasal at nagkaroon kami ng isang anak,” hayag naman ni Lola Insiang.

Napag-alaman ng dalawang matanda na siniraan pala sila ng kani-kanilang mga magulang sa isa’t isa para hindi sila magkatuluyan dahil hindi boto ang mga ito sa kani-kanilang pamilya. Napagtanto nila na naging b*ktima lang sila ng mapaglarong pagkakataon. Naramdaman nila na ang pa-ibig nila sa isa’t isa ay hindi pa rin pala nawawala sa paglipas ng panahon kaya naisip nila na wala nang hahadlang pa sa totoong itinitibok ng kanilang mga puso.

“O, Insiang ko, ‘di ko inasahan na makalipas ang limangpung taon ay tayo pa rin sa huli,” wika ni Lolo Budong sa minamahal.

“Pinaka-iibig kita habang akoy nabubuhay, aking Budong,” malambing na tugon ni Lola Insiang.

At nagyakap nang mahigpit ang dalawa.

Dahil ayos na ang lahat ay malaya na ring ipinagpatuloy nina Joel at Candy ang kanilang pag-iibigan. Samantala, dahil pareho nang balo ay muling ikinasal sina Lola Insiang at Lolo Budong. Tuwang-tuwa ang magkasintahan sa pag-iisang dibdib ng dalawang pusong pinaghiwalay man ay pinagtagpong muli ng tadhana.

‘Di nagtagal ay sina Joel at Candy naman ang ikinasal. Ang alagang ibon ni Joel na si Chuby at ang alagang ibon ni Lola Insiang na si Lala ang mga ibong pinakawalan nila sa labas ng simbahan.

‘Di ba, pati mga alaga nilang kalapati ay may happy ending din?

Advertisement