Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ng Bag na Naglalaman ng Pera ang Ginoo, Isauli Niya Kaya Ito Katulad ng Ginagawa ng Iba?

Nakapulot ng Bag na Naglalaman ng Pera ang Ginoo, Isauli Niya Kaya Ito Katulad ng Ginagawa ng Iba?

“Mahal! Tingnan mo, dali!” sabik na sabik na sambit ni Jerick sa kaniyang asawa, isang umaga nang siya’y dumaan sa kanilang bahay sa gitna ng kaniyang pamamasada.

“Ano ‘yon, Jerick? Ang aga-aga, ang ingay-ingay mo! Magigising ang mga bata wala na naman akong magagawa rito sa bahay!” inis na saway nito sa kaniya dahil bahagyang nag-unat ang bunso nilang anak.

“O, tama na, huwag ka na magalit! May maganda akong balita sa’yo!” ngiting-ngiti niya pa sambit. “Ano ba ‘yon?” tanong ng kaniyang asawa.

“May isang matandang babaeng nakaiwan ng bag na ito sa pinasada kong jeep! Grabe, o, tingnan mo kung gaano karaming pera ang laman nito!” balita niya saka ipinakita ang laman ng hawak niyang bag.

“Diyos ko, isauli mo ‘yan! Baka panggamot ng matanda ‘yang perang ‘yan!” agad na utos ng kaniyang asawa.

“Anong isauli? Biyaya na sa atin ito ng Diyos, mahal! Ito na siguro ang pangbawi niya sa pagkawala ng trabaho ko! Sa wakas, hindi na ako ulit magpapasada para kumita apat na raang piso kada araw!” pangangatwiran niya saka nagtatatalon sa saya.

“Mahal, isauli mo ‘yan. Tiyak…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nang nag-aalangan niyang asawa.

“Tiyak na ang paggaan muli ng buhay natin dito!” sabat niya saka agad nang kumuha ng limang libong piso sa naturang bag, “O, mag-grocery ka na!” utos niya rito saka agad itong tinulak palabas ng kanilang bahay.

Limang buwan na simula nang mamasada ng jeep na kaniyang nirerentahan araw-araw ang padre de pamilyang si Jerick. Lingid man ito sa kagustuhan niya dahil nga bukod sa mabibilad siya sa init, mababa pa ang kita, wala naman siyang ibang maisip na pangkabuhayan upang maitaguyod ang kaniyang buong pamilya.

Mayroon naman talaga siyang maayos na trabaho noon sa Maynila bilang isang bellboy sa isang sikat na hotel doon. Kaya lang, nang may kumalat na nakakahawang sakit, isa siya sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pagkalugi rin ng naturang kumpanya.

Simula noon, araw-araw na siyang naghanap ng pagkakakitaan. Sinubukan niyang maging delivery man, pumasada ng pedicab, nagkargador sa palengke hanggang sa makahanap siya ng ipapasada niyang jeep. Kahit na mahirap at delikado ang trabahong ito dahil nga nakakasalamuha siya ng iba’t ibang tao, hindi niya ito alintana dahil ang kagustuhan niya lamang, magkaroon ng pagkain ang kanilang hapag-kainan.

Kaya naman, nang mapansin niyang may isang bag na naiwan sa kaniyang pinapasadang jeep, agad siyang umuwi sa kanilang bahay at doon niya napatunayang pera nga ang lulan nito.

At dahil nga sa tingin niya, biyaya ito ng Panginoon, agad niya itong pinangpuhunan sa isang maliit na negosyo, pinaayos niya ang barung-barong nilang bahay, binili niya ng mga damit, gatas at masusustasiyang pagkain ang kaniyang mga anak at siya’y nagbayad ng kaniyang mga utang na talaga nga namang nagbigay nang taos-pusong saya sa kaniya.

Buong akala niya’y tuloy-tuloy na ang biyayang darating sa kaniyang pamilya. Kaya lang, isang araw, habang siya’y nagpapahinga at nagbababad sa social media, bigla niyang nakita ang larawan niya at ng kaniyang jeep sa isang post dito. Pinaghahanap siya ng pamilya ng naturang matanda na ngayo’y nasa ospital dahil sa kumakalat na sakit.

Sabi sa naturang post, “Kahit kalahati lang ng perang inipon ng nanay ko ang ibalik mo. Parang awa mo na, gusto pa naming madugtungan ang buhay niya,” na talaga nga namang nagbigay ng labis na kaba sa kaniya.

Bago pa siya makatayo mula sa kaniyang pagkakahiga, bigla na niyang narinig ang sigaw ng kaniyang asawa mula sa labas at pagtingin niya, naroon na ang pamilya ng matanda at ilang mga pulis.

Dahil nga wala na siyang maibibigay na pera, agad siyang nagdesisyong tumakbo palayo para makatakas. Ngunit imbis na siya’y makatakas at maabsuwelto, dahil sa kaniyang ginawa, nabaril pa siya sa paa ng isang pulis at siya’y may patong-patong na kaso pa.

“Ano ba itong ginawa mo, Jerick? Sinabi ko naman kasi sa’yo, eh!” iyak ng kaniyang asawa na talaga nga namang nagbigay kirot sa kaniyang puso.

“Gusto ko lang namang mapaayos ang buhay natin,” katwiran niya.

“Pero dapat sa mabuting paraan! Kaya noong una pa lang, kabado talaga ako roon sa perang ‘yon, eh!” hagulgol pa nito habang sila’y nasa ambulansya.

Wala na siyang ibang maramdaman noon kung hindi matinding pagsisisi. Ni hindi niya mainda ang sakit ng bala sa kaniyang paa dahil alam niyang pagkatapos niyang maoperahan, hindi na niya makakasama ang kaniyang iniingatang pamilya.

Labis siyang naawa sa kaniyang asawang mag-isang magbabayad sa kaniyang kalokohan. Iyak niya sa Panginoon, “Ako na lang po ang parusahan Niyo, pag-ingat Mo lang ang mag-iina ko. Patawarin Mo ako.”

Advertisement