Inday TrendingInday Trending
Nilapitan ng Isang Negosiyante ang Abogadong Ito, Tanggapin Niya Kaya ang Kasong Bigay Nito?

Nilapitan ng Isang Negosiyante ang Abogadong Ito, Tanggapin Niya Kaya ang Kasong Bigay Nito?

“Magandang umaga, Atty. Simone! Balita ko, nasa malubhang lagay ang mga magulang mo dahil sa kumakalat na sakit, ha? Totoo ba ‘yon? Mabuti at hindi ka nahawa,” bati ng isang mayamang negosiyante sa kaniya, isang umaga nang sadyain siya nito sa inuupahan niyang apartment sa Maynila.

“Oo nga po, eh. Dito na kasi naninirahan sa Maynila, ilang buwan na rin akong hindi nakakauwi roon dahil sa mga kasong pinaglalaban ko sa korte. Nakakalungkot nga pong pati ang mga kapatid ko, nahawa rin. Mabuti na lang po may trabaho ako ngayon para sa mga gastusin at gamot nilang lahat,” kwento ni Simone rito.

“Naku, kawawa ka naman pala! Edi, wala ka nang ipon sa ngayon?” tanong nito sa kaniya.

“Mayroon pa naman po, pero hindi na ganoon kalaki. Kaya nga po, nagdodoble kayod ako ngayon,” tapat niyang sambit.

“Tamang-tama, may kaso ang anak ko ngayon. Ikaw na ang humawak doon. Titriplehin ko ang bayad sa’yo at ako na bahala sa gastusin ng pamilya mo. Nadala lang naman siya ng emosyon kaya niya binawian ng buhay ang kaniyang tatlong anak at asawa. Madali lang naman ‘yon, hindi ba?” kumpiyansadong sambit nito na labis niyang ikinagulat, “O, ito, paunang bayad, aasahan kita, ha? Magkita tayo bukas,” wika pa nito saka naglagay sa kaniyang lamesa ng hindi bababa sa isang daang libong piso na labis niyang ikinatulala.

Wala nang mas sasaya pa sa binatang si Simone nang tuluyan na siyang maging isang ganap na abogado. Pangarap niya ito simula nang siya’y nasa hayskul pa lamang.

Nasaksihan niya kasi noon ang walang awang pagbawi ng isang hindi kilalang lalaki sa buhay ng kaniyang lolo at lola. At kahit nagsampa ng kaso ang kaniyang mga magulang sa suspek sa naturang kr*men, hindi nila ito nagawang maipakulong dahil wala silang pera pangbayad sa isang abogado katulad ng lalaking iyon na labis niyang dinamdam.

Doon niya pinangako sa sariling balang-araw, siya’y magiging abogado ng mga naaapi. Wika niya pa, “Kahit meryenda lang ang ibigay ng mga magiging kliyente ko, basta maipaglaban ko lang ang kanilang karapatan at hustiya!” na talaga nga namang kaniyang naging inspirasyon sa ilang taong pag-aaral ng mga batas.

Nang siya’y maging isang ganap ng abogado, tinupad niya nga ang pangako niyang ito. Ginagawa niya lahat upang maipatanggol ng patas ang mga naaapi at hindi siya ganoon kalaki maningil na talaga nga namang naging dahilan upang siya’y hangaan at parangalan bilang isa sa mga magagaling na abogado.

Kaya naman, ganoon na lang siya natulala sa kwentong narinig mula sa mayamang negosiyanteng iyon na para bang isang ipis lamang ang nawalan ng buhay dahil sa anak nitong nais na mapawalang-sala.

Desidido siyang isauli ang perang iyon at hindi tanggapin ang naturang kaso kaya lang, mayamaya, bigla siyang nakatanggap ng mensahe sa kaniyang kapatid na nagsasabing kailangan nito ng dalawang daang libong piso para makalabas na ng ospital ang kanilang mga magulang.

“Diyos ko, limangpung libong piso na lang ang pera ko sa bangko,” problemado niyang wika dahilan para ganoon na lang niya tanggapin ang kasong iyon.

Nakipagkita nga siya sa naturang negosiyante kinabukasan at nang sabihin niyang kailangan nang makalabas ng ospital ang kaniyang mga magulang, agad itong muling nagbigay ng malaking halaga ng pera na naging tanda rin ng pagtanggap niya sa naturang kaso.

At dahil nga ang kliyente niya naman talaga ang may sala, wala siyang makitang ebidensya na makakapagpawalang-sala nito kaya naman, siya’y gumawa-gawa na lamang ng kwento at ebidensya sa tulong ng mayamang negosiyante. Kasabay ng paglabas ng kaniyang mga magulang ay ang pakikipagbakbakan niya sa korte kasama ang naturang binatang patawa-tawa lang na parang walang konsensya.

Ngunit hindi niya akalaing napakagaling ng abogado ng kabilang kampo dahilan upang sabunin siya nito ng katotohanan at doon nahalungkat ang ginawa niyang ebidensya na wala namang katotohanan. Wika pa nito sa kaniya, “Hindi ka ba natatakot na mawalan ng lisensya para lang sa malaking halaga ng pera?” na labis niyang ikinakaba.

Napatunayan ito ng naturang abogado sa korte at dahil ito ang katotohanan, wala na siyang ibang magawa kung hindi ang manahimik sa isang tabi habang galit na galit na ang negosiyanteng nagbigay ng malaking halaga ng pera sa kaniya.

“Lumaban ka, Simone!” sigaw nito at siya’y napaiyak na lang nang siya’y tanggalan ng lisensya ng korte dahil sa katiwaliang ito.

Nalaman ito ng kaniyang mga magulang at ganoon na lang naawa sa kaniya. Sambit niya, “Dapat lang po ito sa akin, hayaan niyo pong pagbayaran ko ang maling ginawa ko,” saka siya labis na umiyak dahil sa pagsisisi.

Advertisement