Inday TrendingInday Trending
Palaging Sinesermunan ng Ginang na Ito ang Anak na Pabigat, Nabaliw Siya nang Mawala Ito

Palaging Sinesermunan ng Ginang na Ito ang Anak na Pabigat, Nabaliw Siya nang Mawala Ito

“Hoy, Rolando! Ano, wala kang balak na magbanat ng buto? Hindi ka na nga nag-aral, ayaw mo pang magtrabaho! Ano ba talagang gusto mong mangyari sa buhay mo, ha? Hirap na hirap na ako sa iyo!” sermon ni Aling Vic sa kaniyang anak na hanggang ngayon ay natutulog pa rin, isang tanghali pagkauwi niya galing sa paglalako ng isda.

“Mama, naghahanap naman po ako ng trabaho, eh, wala lang po talaga akong makitang trabaho dahil bukod sa hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral, mahina pa po ang utak ko,” tugon nito sa kaniya saka nag-inat sa kartong hinihigaan.

“Kasalanan ko ba ‘yan, ha? Kung inatupag mo ang pag-aaral noon, edi, sana, may maayos kang trabaho ngayon kahit walang laman ang utak mo!” sigaw pa niya rito saka ito binato ng hawak niyang bilao.

“Mama, nasasaktan po ako,” nakatungong wika nito matapos na tumayo upang makaiwas sa pagbato niya.

“Kung nasasaktan ka, nahihirapan naman akong bumuhay ng isang pabigat na katulad mo! Kapag nga may bagyo, ikaw na lang ang ilalagay kong pabigat sa yero, tiyak, hindi ‘yon liliparin dahil sa bigat mo!” sambit niya pa rito saka ito pinagbababato ng kung ano mang mahawakan niya. Natatamaan niya man ito at nasasaktan, wala siyang pakialam.

Mag-isang binubuhay ng ginang na si Vic ang kaniyang tatlong anak sa pamamagitan ng paglalako ng mga isdang inaangkat niya mula sa mga kapitbahay nilang mangingisda. Mahirap man ang trabahong ito, tinitiis niya lahat para matugunan ang responsibilidad sana ng asawa niyang piniling mangibang-bubong nang sila’y maghirap na.

Dati siyang isang mang-aawit sa Japan na talaga nga namang nagpaalwan ng kaniyang buhay. Dito siya labis na nakaipon, nakabili siya ng bahay at lupa para sa kaniyang mga magulang, nakabili ng sasakyan at nakapag-ipon ng malaking halaga ng pera.

Kaya lang, nang siya’y umuwi rito sa Pilipinas at mabuntis ng isang lulong sa bisyong lalaki, roon na unti-unting nawala lahat ng kayamanan niyang ito hanggang bigla na lang itong umalis at iniwan silang mag-iina.

Lalo pa siyang namoblema nang dumating na sa tamang edad ang anak niyang panganay na siyang kaniyang inaasahang makatulong sa kanilang mga gastusin. Pakiramdam niya kasi, tinatamad lang ito dahilan para hindi ito kumilos at umasa na lamang sa kaniya.

Walang araw na hindi niya ito binubungangaan. Kahit saan man niya ito makita, kaniya itong binubulyawan at pinapahiya para lamang kumilos ito.

Noong araw na ‘yon, sa pagod niya, ganoon na lamang siya labis na nagalit sa anak niyang ito. Pagkatapos niya itong utusang magsaing at bumili ng ulam, inutusan niya naman itong mag-igib ng tubig sa poso.

Kaya lang, labis siyang nagtaka nang sumapit na ang hapon at hindi pa rin ito nakakauwi.

“Mukhang tumambay na naman sa kanto ang loko, malalagot talaga sa akin ‘yon!” inis niyang sambit.

Ngunit bago pa man siya makalabas ng kanilang bahay upang sunduin ang binatang ito, nakuha ng isangnakabukas na notebook sa kanilang lamesa ang kaniyang atensyon.

Sulat ito ng kaniyang anak na nagsasabing siya muna ay aalis ngunit walang tiyak kung kailan babalik. Sabi pa nito, “Ayoko na pong maging pabigat sa inyo. Hindi ko na po alam ang gagawin ko, gusto ko nang umakyat sa langit,” na labis niyang ikinataranta.

“Anak ko! Tulungan niyo akong hanapin ang anak ko!” iyak niya sa kaniyang mga kapitbahay. Sa kasamaang palad, sa buong magdamag niyang paghahanap, ni anino ng kaniyang anak, hindi niya naaninag.

Dasal niya habang siya’y rumoronda sa kanilang lugar kasama ang ilang mga opisyal ng barangay, “Panginoon, pauwiin Mo lang ang anak ko, pangako hindi ko na siya susumbatan at sasaktan, pakiusap, dinggin Mo ako!” Tumagal ng halos isang linggo ang paghahanap nila sa kaniyang anak. Nagawa na niya ngang manawagan sa social media para lamang matagpuan ito.

Hanggang sa isang araw, may isang matandang lalaki nag-uwi sa kaniyang anak sa kanilang bahay. Natagpuan daw nito ang kaniyang anak na naglalakad patungong Maynila upang maghanap ng trabaho dahilan para labis na madurog ang puso niya.

Mahigpit niya itong niyakap at humingi ng tawad.

“Hindi ko kayang mawala ka, anak, patawarin mo ang mama,” hagulgol niya habang yakap-yakap ito.

Simula noon, imbis na bungangaan ang anak, ganoon niya ito kinukumbinsing maghinay-hinay sa buhay at magdasal. Sa pagkawala nito, labis siyang napagtantong ‘di bale nang mahirapan siyang kumilos, basta kumpleto ang kaniyang mga anak na kaniyang mga natatanging yaman.

Advertisement