Inday TrendingInday Trending
Siga sa Kanilang Paaralan ang Dalagang Ito, Hindi Niya Inakalang may Makakatapat Siya

Siga sa Kanilang Paaralan ang Dalagang Ito, Hindi Niya Inakalang may Makakatapat Siya

“Glenda! Dalian mo naman mag-ayos! Mahuhuli na tayo sa klase! Ayoko nang mag-ehersisyo sa initan, ano!” sigaw ni Kira sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang sunduin niya ito sa bahay at maabutan niya itong nagkakape pa lamang.

“Makapagmadali ka riyan! Trenta minutos pa naman bago ang pasukan natin!” sagot ni Glenda saka kinuha na ang kaniyang tuwalya.

“Aba, siyempre, maghihintay pa tayo ng masasakyang jeep sa kanto! Kapag tayo nakisabay sa mga ibang estudyante, tiyak isang oras tayong mahuhuli sa klase!” inis na tugon ng kaniyang kaibigan habang pilit na siyang tinutulak papasok ng kanilang banyo.

“Naku, Kira! Kahit kailan ka talaga! Baka nakakalimutan mo kung sino ang kasabay mong pumasok. Kayang-kaya ko pababain ang mga estudyanteng nakasakay sa jeep para lang makasakay tayo at makapasok sa tamang oras. Kaya, kumalma ka riyan kung ayaw mong masampal,” nanlalaking mata niyang wika rito habang siya’y nagpupuno ng tubig.

“Mananakot ka na naman ng mga estudyante? Kapag talaga may nagsumbong sa’yo, wala akong alam d’yan, ha?” paninigurado nito na kaniyang ikinatawa.

“Kahit kailan, duwag ka talaga! Ang tanda-tanda mo na, natatakot ka pa sa gan’yan!” sigaw niya dahilan para irapan siya ng kaniyang kaibigan saka na sita tuluyang pumasok sa banyo at mabilis na naligo.

Palaging nagsisiga-sigaan ang dalagang si Glenda sa pinapasukan niyang paaralan kung saan kahit siya’y nasa kolehiyo na, pati mga estudyanteng nasa hayskul, kaniyang nakakasalamuha. Sama-sama sa paaralang ito ang iba’t ibang antas ng pag-aaral sa sobrang laki ng paaralan ito. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya magyabang sa mga nakababatang estudyante sa kaniya.

Palagi niyang panakot sa mga nakababatang estudyante, lalo na sa mga nasa unang taon sa hayskul sa tuwing siya’y mababangga, “Kilala mo ba kung sinong binabangga mo? Baka gusto mong masaktan, hija?” dahilan para ganoon na lang siya katakutan ng mga estudyante rito.

May pagkakataon pa ngang may pinahiya siyang estudyante nang unahan siya sa paborito niyang upuan sa kanilang kantin. Kahit na isang taon lang ang tanda niya rito, hindi niya ito pinalampas at agad-agad niyang hinila patayo para siya’y makaupo. Wika niya pa noon, “Maghanap ka ng sarili mong upuan, huwag kang mang-agaw kung ayaw mong malagasan ng buhok!”

Ilang beses man siyang pagsabihan ng mga nakatataas na guro roon dahil sa dami ng nagrereklamo sa kaniyang estudyante’t mga magulang, nagkikibit-balikat lamang siya at patuloy pa rin iyong ginagawa.

Palagi niyang katwiran, “Pinagtatanggol ko lang naman ang sariling karapatan ko! Itong mga baby damulag na mga ito, palaging nakasumbong!”

Noong araw na ‘yon, kinse minuto bago ang kanilang pasukan sa paaralan, matagumpay silang nakarating sa sakayan ng jeep ng kaniyang kaibigan.

Saktong paalis na ang nag-iisang jeep na naroon ngunit, ito ay puno na. Sa kagustuhan niyang huwag silang mahuli sa klase, sinigawan niya ang dalawang estudyanteng nasa bukana at pilit na pinababa ang mga ito.

“Kami po ang nauna rito, ate, maghintay na lang po kayo ng susunod na jeep. Mahuhuli po kami sa klase, eh,” mahinahong paliwanag ng isang estudyanteng kaniyang pinapababa.

“Wala akong pakialam. Kapag sinabi kong bumaba kayong dalawa, bumaba kayo!” bulyaw niya rito saka niya hinila ang kamay nito pababa.

“Hoy, tama na ‘yan! Huwag kang siga riyan!” saway ng drayber na lalo niyang ikinainis.

“Huwag kang mangialam, manong, hindi kita kinakausap!” bulyaw niya rito, “Baba na!” sigaw niya pa sa estudyanteng iyon saka buong lakas itong hinila pababa, “Sakay na, Kira!” utos niya sa kaniyang kaibigan.

Muli niyang pinababa ang isa pang estudyante upang makasakay din siya. Kahit na nakita niyang napadapa ang dalawang ito sa kalsada dahil sa ginawa niya, tinawanan niya lang ang mga ito saka sinigawan ang drayber upang umandar na.

Saktong alas otso ng umaga, sila’y nakarating sa kanilang paaralan. Nagawa niyang mauna sa kanilang propesor dahilan para hindi sila parusahan nito.

Ngunit, imbis na ang propesor nila ang dumating sa kanilang silid, ang kanilang pinakamataas na tagapamahala ang siyang dumating dahilan para lahat sila’y magulat at mapatayo upang bumati.

“Sino sa inyo si Glenda Amor?” tanong nito, agad naman siyang tumaas ng kamay, “Pakitawagan ang nanay mo at sumunod ka sa akin sa opisina,” dagdag pa nito na labis niyang ikinagulat.

Sinunod niya ang utos nito at doon niya nalamang apo pala nito ang dalagang kaniyang pinababa sa jeep at ito’y napilayan.

“Sa dami ng nagrereklamo sa’yo, kailangan na talaga kitang tanggalin sa paaralang ito,” sambit nito sa harap nilang mag-ina dahilan para labis na magalit ang kaniyang ina.

Sa sobrang inis nito, pagkauwi nila sa kanilang bahay, agad siya nitong napagsalitaan at napagbuhatan ng kamay habang umiiyak.

“Ikaw na lang ang pag-asa ko tapos gan’yan ka pa?” hagulgol nito na labis niyang ikinakonsensya.

Hindi man niya alam kung saan magsisimula, nangako naman siya sa sariling magbabago na para sa kaniyang mga magulang na talagang naghihirap para sa kaniya.

Advertisement