Itinago ng Ginoo ang Katotohanan sa Kaniyang Ampon; Isang Hindi Inaasahang Pangyayari ang Magbubunyag ng Lahat
“Bernie, hindi mo pa rin ba sinasabi d’yan sa ampon mo ang katotohanan? Nagbibinata na ‘yang si Gerald. Mas masakit kapag sa iba pa niya malalaman na hindi mo siya tunay na anak!” sambit ni Lucy sa kaniyang nakababatang kapatid.
“E, kumukuha pa ako ng tiyempo, ate. Hindi ko kasi alam talaga kung paano sasabihin sa kaniya ang buong katotohanan. Lalo pa at nasa kalagitnaan na siya ng kolehiyo. Baka maapektuhan pa ang pag-aaral niya,” saad naman ni Bernie sa kapatid.
“Naku, Bernie, sinasabi ko sa’yo. Habang maaga ay sabihin mo na d’yan sa anak-anakan mo ang totoo dahil mas masakit para sa kaniya kapag pinatagal mo pa!” napapailing na sambit muli ng kaniyang Ate Lucy.
Araw-araw ay binabagabag itong si Bernie kung paano niya ipagtatapat sa kaniyang anak-anakan ang katotohanan. Buong buhay kasi ni Gerald ay alam nitong tunay siyang anak ni Bernie at ang kaniyang ina ay umalis na lang basta ng bahay at hindi na nagpakita. Dahil nga naghahanap ng pigura ng ina itong si Gerald ay pinakita ni Bernie ang larawan ng isa sa kaniyang mga kaibigan sa pag-aakalang dito na matitigil ang pangungulit ng binata.
Ngunit nagkakamali si Bernie. Ang hindi niya alam ay simula noon ay tinago ni Gerald ang larawan ng itinuturing na ina sa pagbabakasakaling isang araw ay matagpuan niya ito. Nais niyang humingi ng paliwanag kung bakit sila nito iniwan.
Isang gabi ay napansin na lamang ni Bernie na tila may bumabagabag sa anak na si Gerald Tinabihan niya ito upang kausapin.
“Anak, may problema ka ba? Bakit parang ang napakalalim naman ng iniisip mo? Tandaan mo na kahit ano pa yan ay pwede mong sabihin sa akin,” saad ni Bernie sa anak.
“‘Tay, naiisip ko lang po kasi si nanay. Nasaan na po kaya siya at bakit n’ya po tayo iniwan? Hindi po ba ako sapat sa kaniya para manatili siya sa pamilyang ito?” nalulungkot na tugon naman ni Gerald.
Nagulat si Bernie sa sinabi ng kaniyang anak. Marahil ay pagkakataon na ito upang sabihin niya ang totoo. Bago pa man siya magsalita ay biglang may tinuran ulit ang binata.
“Hindi ko alam kung napopoot ba ako o naiinis ako sa kaniya. Namimiss ko siya at gusto ko siyang makita pero ayaw ko ng nararamdaman kong ito. Siguro nga ay mas mabuti pang ibaon ko na lang siya sa limot nang sa gayon ay hindi ko na siya maisip kailanman. Tutal, wala rin naman siya sa mga panahong kailangan ko ng ina. Marapat na kalimutan ko na lang si nanay,” saad muli ni Gerald.
Dahil sa nakitang galit sa mga mata ng binata ay hindi na makapagsalita pa si Bernie. Ngunit ang totoo ay inuusig na siya ng kaniyang konsensya.
Kinabukasan ay agad na humingi ng payo itong si Bernie sa kaniyang Ate Lucy.
“Masakit talagang marinig ang katotohanan, Bernie. Pero huwag mo nang dagdagan ang paghihirap niyong mag-ama. Sabihin mo na sa kaniya ang totoo nang makalaya ka na rin sa bigat ng dala mo. Tutal minahal mo naman talaga ‘yang si Gerald na parang sa’yo nanggaling. Sa tingin ko ay sapat na iyon para hindi ka niya iwan,” payo ni Lucy sa kapatid.
Dito ay naging buo na ang damdamin ni Bernie na ipagtapat na ang lahat sa kaniyang anak.
Samantala, pauwi na si Gerald nang hindi inaasahan ay makita niya ang babaeng itinuturing niyang ina. Galing ito sa isang mall kasama ang tunay nitong pamilya. Habang masayang naglalakad ang ginang kasama ang kaniyang mag-anak ay nilapitan siya ni Gerald at doon sinimulang sumbatan.
“Kaya pala hindi ka na umuwi sa amin ni tatay kasi masaya ka na sa bago mong pamilya. Ilang taon kitang hinanap, dito lang pala kita matatagpuan!” naiiyak na sambit ni Gerald sa ginang.
“A-anong sinasabi mo riyan, hijo? Ngayon lang kita nakita. Hindi kita kilala!” pagtataka naman ng ginang.
“Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Hindi ba ikaw si Esther? Ako ito, si Gerald! Ako ang anak na iniwan mo na lang basta sa Tatay Bernie ko! Wala kang kasing sama! Nakaya mong balewalain kami ni tatay para lang sa sarili mong kaligayahan!” panggagalaiti pa ng binata.
“Ako nga si Esther. Pero wala akong anak sa Bernie na ‘yan. Hindi kita kilala. Wala pa akong ibang pamilya bukod sa pamilya kong ito. Iisang Bernie lang ang kilala ko sa buhay ko. Ang tinutukoy mo ba ay si Bernie Romulo?” sambit pa ng ginang.
Nang makita ng asawa ni Esther ang nangyayari ay agad itong napasugod.
“Hinaharas ka ba ng binatang ito, Esther? Sino ba iyan at ano raw ang kailangan?” galit na sambit naman ng ginoo.
“Love, ako na ang bahala dito. Pumasok na kayo sa sasakyan ng mga bata. Susunod na lang ako,” tugon naman ni Esther.
Nang makaalis na ang ginoo ay kinausap muli ni Esther ang binata.
“Sagutin mo nga ako, si Bernie Romulo ba ang tatay mo?” muling tanong ng ginang kay Gerald.
Napatango na lamang ang binata.
“Gerald, hindi ako ang nanay mo. Sa tingin ko ay kailangan mong kausapin ang Tatay Bernie mo. Naguguluhan din ako ngunit nagsasabi ako ng totoo. Hindi ako ang nanay mo,” mariing sambit ni Esther.
Nanlumo si Gerald sa tinuran ng ginang. Hindi niya ngayon alam kung sino ba ang nagsasabi ng katotohanan.
Agad siyang umuwi sa kanilang bahay upang pagpaliwanagin ang kaniyang ama. Pagpasok pa lang nito sa bahay ay agad na bumungad ang umiiyak sa galit na mukha nito.
Dahil dito ay labis na naalarma ang magkapatid na Bernie at Lucy.
“A-anak, ano ang nangyari sa’yo? May nakaaway ka ba sa eskwela?” tanong agad ni Bernie sa anak.
“Wala akong nakaaway, ‘tay! Kayo ang problema ko! Hanggang kailan n’yo balak itago sa akin ang katotohanan? Nakita ko si Esther, nakita ko ang babaeng sinasabi n’yong nanay ko. Pero nang makausap ko siya ay itinanggi niyang anak niya ako! Ano ba ang totoo, ‘tay? Sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo? Sino ba ang nanay ko?” umiiyak na sambit ng binata
“Marahil nga ay kailangan mo na talagang malaman ang katotohanan. Gerald, anak, hindi ako ang tunay mong ama. Hindi ko rin alam kung sino ang mga magulang mo pero kahit hindi ka sa akin nanggaling ay mahal kita. Tunay na anak ang turing ko sa’yo. Patawarin mo ako kung tinago ko ang lahat ng ito sa’yo dahil takot akong baka umalis ka o kaya ay maapektuhan ang pag-aaral mo. Pero alam ng Diyos na sa araw-araw ng buhay ko’y wala akong hinangad kung hindi ipanalangin na sana’y sa akin ka na lang nanggaling!” hindi na rin napigilan ni Bernie ang maluha.
Dahil sa gulong-gulo ang isip ni Gerald ay basta na lang itong umalis ng bahay. Nais man itong sundan ni Bernie ay pinigilan siya ng kapatid.
“Hayaan mo na lang muna siyang mapag-isa. Ako na ang bahala sa kaniya. Hahanapin ko siya at kakausapin ko. Magpalamig ka rin muna dito,” malunanay na sambit ni Lucy.
Alam ni Lucy kung saan magtutungo itong si Gerald. Walang iba kung hindi sa tambayan nito malapit sa ilog. Doon ay natagpuan niya ang binata na walang patid sa pag-iyak.
“Gerald, anak,” bungad ni Lucy.
“Pwede ba akong tumabi sa’yo? Alam kong nais mong mapag-isa ngunit may nais lamang akong sabihin sa’yo. Alam mo bang noon pa man ay nais nang sabihin sa’yo ni Bernie ang katotohanan? Kaso natitigilan siya dahil ayaw ka niyang masaktan. Hindi tama na itinago n’ya ito nang matagal na panahon pero maniwala ka na ang kapakanan mo lang ang iniisip niya,” wika pa ng tiyahin
“Nagtatrabaho dati sa paggawaan ng paputok sa probinsya ang Tatay Bernie mo. Nang isang araw ay may narinig siyang iyak ng isang bata. Nang tuntunin niya ay doon niya natiyak na isang sanggol nga iyon. Hindi nagdalawang-isip ang kapatid ko na kunin ka at iuwi dahil malamig ang gabi. Simula noon ay tinuring ka na niyang parang tunay na anak. Hindi na siya nag-asawa pa dahil alam niyang ibinigay ka ng Diyos sa kaniya upang mayroon siyang makasama. Kaya huwag kang magalit sa Tatay Bernie mo kung tinago niya sa’yo ang katotohanan. Hindi ka man galing sa kaniya ay napakalaki naman ng puwang mo sa puso niya,” paliwanag pa ni Lucy.
Napayakap na lamang si Gerald sa kaniyang tiyahin.
Ilang sandali pa ay umuwi na ang dalawa upang tingnan din ang nag-aalalang si Bernie.
Pagkakita pa lang nito kay Gerald ay niyakap niya ito agad.
“Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo ako! Pangako ko sa’yo simula ngayon ay wala na akong ililihim pa sa’yo!” pagsusumamo ng ginoo.
“Tatay Bernie, patawad din po kung nagalit ako. Hindi ko po ito sinasadya. Maraming salamat po dahil hindi n’yo ako pinabayaan. Ginawa n’yo ang responsibilidad ng isang magulang sa akin kahit hindi n’yo ako kadugo. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo!” pagtangis naman ng binata.
Mula noon ay nakahinga na nang maluwag itong si Bernie dahil nasabi na rin niya sa wakas ang katotohanan. Kahit na hindi nito tunay na anak si Gerald ay wala namang sandali na ipinaramdam ito ng ginoo.
Naging masaya muli ang pagsasama ng mag-ama. Sa pagkakataong ito ay lalong tumibay at naging matatag ang pagmamahal nila sa isa’t isa.
Nakatapos ng pag-aral si Gerald at nakahanap ng magandang trabaho. Naging maayos ang takbo ng kaniyang buhay hanggang sa siya ay makapag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya.
Lahat ng magagandang bagay na nangyari sa kaniyang buhay ay ipinagpapasalamat niya dahil hindi siya pinabayaan ng kaniyang Tatay Bernie.