Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap ang Mayamang Ginoo na may Sakit at Wala nang Pera; Malalaman Niya kung Sino ang Handang Tumulong sa Kaniya

Nagpanggap ang Mayamang Ginoo na may Sakit at Wala nang Pera; Malalaman Niya kung Sino ang Handang Tumulong sa Kaniya

Halos araw-araw kung magpuntahan ang mga kamag-anak ni Carlos sa kaniyang bahay. Sa kanilang pamilya kasi ay ito ang pinakamayaman. Marami itong pag-aaring lupa sa probinsya at marami siyang mga negosyo. Dahil nga walang sariling pamilya ay sinasamantala ito ng ilang kaanak at mga kapatid.

Isang araw, maaga pa lang ay naroon na ang kapatid na si Thelma kasama ang anak nitong dalagang si Amy.

“Ipaghanda mo ang Tiyo Carlos mo ng almusal,” utos ng ginang sa anak.

“Bakit parang ang aga n’yo naman dito, Ate Thelma? May kailangan ba kayo?” pagtataka ni Carlos.

“Ikaw naman, kapag ba nandito ay may kailangan agad? Nabalitaan kasi naming aalis ka raw bukas at pupunta sa probinsiya para tingnan ang ipagbibili mong lupa. Narito kami ng pamangkin mo para bantayan muna itong bahay mo. Saka kami na rin ang bahala sa ibang gawaing bahay,” saad pa ng nakatatandang kapatid.

“Hindi na kailangan kasi sandali lang naman ako doon at uuwi din ako kaagad. Ayos lang na wala nang tao dito sa bahay. Ayaw ko ring makaistorbo pa sa inyo,” saad muli ng ginoo.

Maya-maya ay napansin ni Thelma na tila may hinihintay itong si Carlos.

“May inaasahan ka bang bisita, Carlos? Napansin ko kanina ka pa tingin nang tingin sa selpon mo at kanina ka pa patingin-tingin din sa labas,” pansin ng ginang.

“Hinihintay ko lang ang pamangkin nating si Angelica. Ang sabi ko kasi sa kaniya ay pumunta siya ngayon para ibigay ko ang allowance niya. Baka nasa eskwelahan pa,” tugon ni Carlos.

“Hanggang ngayon ba ay ikaw pa rin ang nagpapaaral d’yan sa batang iyan? Wala na tayong responsibilidad sa kaniya dahil ang nanay naman niya ang pilit naglayo sa batang iyan sa atin. Simula nang sumakabilang buhay ang kapatid nating si Hector ay dapat pinutol na rin natin ang ugnayan natin sa mag-inang iyan. Hindi mo alam baka mamaya ay sinasamantala ka na lang nila!” sulsol naman ni Thelma.

“Sa tingin ko ay hindi naman gano’n si Angelica at ang nanay niya. Hanggang maaari nga ay hindi siya humihingi sa akin ng kahit magkano. Ako pa ang nangungulit sa kaniya na bigyan ko siya. Kahit paano ay may responsibilidad din naman ako sa kaniya dahil pamangkin ko siya,” paliwanag naman ni Carlos.

Bata pa lamang kasi si Angelica ay yumao na ang ama nito na kapatid nila Carlos at Thelma, si Hector. Anak siya ng ginoo sa isang kasambahay na si Lita. Dahil hindi maganda ang pakikitungo ng ilang kamag-anak sa mag-ina ay napilitan na lamang ang ina ni Angelica na lumayo. Gayunpaman, madalas pa rin ang pangungumusta ni Carlos sa dalaga dahil nais niya itong tulungan.

Sa totoo lamang ay malaking dahilan itong si Thelma sa paglayo ni Lita sa kaniyang anak. Pinamukha kasi ni Thelma na wala silang karapatan sa lahat ng pagmamay-ari ng kanilang pamilya at isang bastarda si Angelica. Ngunit ang totoo ay malaking banta para sa kanila si Angelica dahil malapit ang loob ni Carlos dito.

Ilang sandali pa ay dumating na si Angelica.

“Tiyo, pasensiya na po kayo at ngayon lang ako. Sa totoo lang po ay hindi ko naman kailangan ng allowance dahil binibigyan na po ako ng eskwelahan. Narito lang po ako para makita kayo at para ibigay rin sa inyo itong biko na luto ni nanay,” saad ni Angelica sa kaniyang tiyuhin.

Dahil sa mga ginagawang ito ni Angelica ay lalong napapalapit ang loob ni Carlos sa kaniya.

“Nakakatuwa ka talagang bata ka. Nakikita ko talaga sa iyo ang mukha ni Kuya Hector. Tanggapin mo pa rin itong ibibigay ko sa iyo kahit hindi mo kailangan. Bilhin mo ang nais mong bilhin. O kaya naman ay ibigay mo sa iyong ina nang sa gayon ay may dagdag kayong panggastos sa araw-araw,” sambit pa ng ginoo.

Laking pasasalamat na rin ni Angelica dahil malaking tulong ang bigay ni Carlos para sa kanilang ina.

Pagtalikod ni Carlos ay agad na pinuntahan ni Thelma ang dalaga.

“Kung akala mo ay mabibilog mo at ng nanay mo ang ulo ng kapatid ko ay nagkakamali kayo. Gagawin ko ang lahat nang sa gayon ay wala na kayong mahita pa kay Carlos,” banta ni Thelma sa dalaga.

Patuloy na sinisiraan ni Thelma ang mag-ina kay Carlos ngunit hindi na lang niya ito pinakikinggan.

Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Thelma at ng kaniyang anak na inatake sa puso itong si Carlos. Agad silang nagtungo sa bahay nito. Doon nga ay nadatnan nila ang ginoo sa kalunos-lunos na kalagayan.

“Kami na ang bahala sa iyo, Carlos. Gagawin namin lahat ng kaya namin para bumalik ang lakas mo,” wika pa ng nakatatandang kapatid.

“Maraming salamat, ate. Alam kong sa oras ng pangangailangan ay ikaw ang maasahan ko,” saad naman ni Carlos.

“A-anong ibig mong sabihin, Carlos?” pagtataka ni Thelma.

“Kaya ako inatake sa puso ay dahil sa sobrang pag-iisip. Nalugi kasi ang lahat ng aking negosyo. Naloko din ako sa lupang binebenta ko. Lahat ng mayroon ako ay wala na sa akin. Hindi ko alam kung paano magsisimula dahil pati ang bahay na ito ay nakasangla na at kukunin na rin ng bangko. Hindi na ako makakabangon pang muli,” paliwanag ni Carlos sa kapatid.

Nagulat si Thelma sa narinig niya kay Carlos. Ang ibig sabihin pala ng ginoo ay ipasasagot ni Carlos kay Thelma lahat ang pag-aalaga pati ang kaniyang pagpapagamot. Biglang nagdalawang-isip si Thelma at napaatras.

“Hindi ko kayang sagutin ang lahat ng iyan. Dapat kasi ay pinaghandaan mo ang mga ganitong pangyayari. Hindi ko kayang akuin ang lahat, Carlos! Pasensiya ka na pero marami pa akong kailangan gawin sa bahay!” saad pa ni Thelma.

Agad nitong niyaya ang anak pauwi ng bahay. Nakasalubong nila si Angelica na humahangos din nang mabalitaan ang nangyari sa kaniyang tiyuhin.

“Wala kang mapapala sa tito mo ngayon! Kung gusto mo ay ikaw na ang mag-alaga sa kaniya. Basta huwag mo na kaming tatawagan at iistorbohin para lang sa kalagayan niya,” muling giit ng ginang.

Nang makita ni Angelica ang kalagayan ng tiyuhin ay hindi ito nagdalawang-isip na alagaan ito. Sinabi rin ni Carlos kay Angelica ang tunay niyang sitwasyon ngunit balewala lamang ito sa dalaga.

Iuuwi ko muna po kayo sa amin, tiyo, para may makasama kayo. Pabayaan n’yo na po itong bahay n’yo. Huwag n’yo rin po munang isipin ang mga negosyo kasi makakasama iyan sa inyo. Kapag tuluyang maayos na po ang lagay n’yo saka na lang kayo bumawi sa mga negosyo. Makakabangon kayong muli, Tito Carlos. Naniniwala po ako sa kakayahan niyo. Ngunit ngayon ay kailangan muna po ninyong magpalakas,” pahayag ng ginoo.

Napangiti si Carlos sa tinuran ng kaniyang pamangkin. Niyakap niya ito at nagpasalamat.

“Maganda ang pagpapalaki sa iyo ng iyong ina. Hindi ako nagtataka kung bakit nahulog ang loob ng kapatid kong si Hector sa nanay mo. Mabuti ang inyong mga kalooban,” saad ni Carlos sa pamangkin.

Lumipas ang mga araw at labis ang pagtataka si Thelma nang malaman niyang hindi naman kinumpiska ng bangko ang bahay ni Carlos. Sa katunayan nga ay doon na nakatira sina Angelica at ina nitong si Lita.

“A-anong ibig sabihin ng lahat ng ito, Carlos? Akala ko ba ay may sakit ka?” sambit ni Thelma sa kapatid.

“Dahil maraming kamag-anak ang handang tumulong sa akin dahil may ibibigay akong kapalit kaya naisip kong magpanggap na inatake sa puso. Sinabi kong wala na akong mga negosyo at mga ari-arian dahil nais kong malaman kung sino ang tunay na nariyan para sa akin. Nakakalungkot dahil sa oras pala ng kagipitan ay hindi mo ako masasamahan,” sambit naman ni Carlos sa kapatid.

“Tanging si Angelica lang at ang kaniyang ina ang tunay na nag-alala sa akin. Handa silang kupkupin ako, pakainin at alagaan kahit na wala naman akong maibibigay sa kanila. Simula ngayon ang lahat ng akin ay kay Angelica na rin. Lahat ng mga kayamanan ko ay isasalin ko na sa kaniyang pangalan nang sa aking paglisan ay siya na ang mag may-ari ng lahat ng ito. Dahil alam kong iingatan niya ang lahat ng maiiwan ko sa kaniya,” saad pa ni Carlos.

Napatulala na lamang si Thelma sa nalaman niyang katotohanan. Labis siyang nahihiya at nagsisisi dahil sa pagtalikod niya sa kapatid sa oras ng pangangailangan nito. Ngayon ay ni singko ay hindi na sila makahingi pa kay Carlos.

Napatunayan ni Carlos na mayroon talagang mga taong gagamitin ka lamang hanggang may napapala sila sa iyo at iiwan ka kung wala ka nang maibibigay. Ngunit mayroon ding mga taong tulad ng kaniyang pamangkin na si Angelica na handang tumulong kahit walang kapalit.

Advertisement