Ipinagmalaki ng Ginang ang Anak Niya na Ubod nang Talino; Hiya ang Naramdaman Niya sa Ginawa Nito sa Harap ng Maraming Tao
Napakalaki ng ngiti ni Amanda habang nasa entablado siya kasama ang anak na tumatanggap ng sangkatutak na medalya.
Sigurado siya na inggit na inggit na naman ang mga kasabayan ng anak niya. Halos ito lang kasi ang tumanggap ng lahat ng parangal sa araw ng pagtatapos.
Sinalubong sila ng sunod-sunod na papuri.
“Grabe mare, ang galing ng anak mo! Sigurado ako na magtatagumpay ‘yan!” tuwang tuwang wika ni Myrna, isa sa mga kapitbahay nila.
Hindi maiwasan ni Amanda na mapangisi.
“Salamat, mare! Congrats din kay Eden, hindi ba may nakuha rin siyang parangal?” usisa niya sa kapitbahay, habang nakapaskil ang isang pekeng ngiti sa kaniyang labi.
“Naku, oo! Binigyan ng titser nila dahil mabait at masunurin daw,” pagmamalaki naman nito.
Lihim siyang napairap sa sinabi ng kapitbahay. Mabait? Masunurin? Ano naman ang mararating ng anak nito kung hindi ito matalino kagaya ng anak niya?
“Ang galing naman, mare,” komento na lang niya para naman hindi ito mapahiya.
“Punta kayo sa bahay namin, mare ha. May bonggang handaan,” pag-aaya niya rito.
“Sige, hindi ko tatanggihan ‘yan, mare! Sakto hindi rin kami nakapaghanda dahil kapos sa pera. Simple nga lang din ang regalo ko sa anak ko,” tugon nito.
Pag-uwi nila ay sinalubong sila ng maraming bisita na pawang puring-puri rin ang anak niyang si Analyn.
“Amanda, sigurado na na may abogado ka makalipas ang ilang taon! Napakagaling naman pala ng anak mo eh,” natutuwang puri ni Kapitan Roberto, ang namumuno sa kanilang maliit na baryo.
“Salamat, Kap! Kaya nga ho, proud na proud ako dito sa anak ko, halos hinakot lahat ng medalya,” nagmamalaking tugon niya sa lalaki.
Ilang sandali pa silang nag-usap bago niya iniwan ang kanilang kapitan para estimahin ang iba pa nilang kapitbahay na dumalo sa masayang okasyon na iyon.
Pumunta siya sa mesa ng mga kumareng sina Myrna, Erlinda, at Susan. Kaklase ng mga anak ng mga ito ang anak niya.
Subalit ang anak ng kaniyang mga kumare ay pawang walang mga laman ang utak! Sa tingin niya ay puro pagpapaganda lamang ang alam ng mga anak ng mga ito kaya alam niya na naiinggit ang mga ito sa kaniya.
“Analyn!” tawag niya sa anak.
Nakasimangot naman na lumapit ito.
“Alisin mo ang simangot sa mukha mo,” bulong niya sa anak. Naghihimutok ito dahil gusto na nitong tanggalin ang mga medalyang nakasabit dito.
Ayaw niyang ipaalis iyon dahil gusto niya pang ibandera iyon sa mga kapitbahay nila.
Halos umabot sa tainga ang ngiti ni Amanda nang muling ulanin ng papuri ang kaniyang anak.
Isang tipid na ngiti naman ang isinukli nito sa kanilang mga kapitbahay.
“Analyn, makiupo ka muna rito sa mga kaklase mo,” malumanay na utos niya sa anak. Agad naman itong tumalima.
Masaya silang nagkwentuhan.
“O ano bang plano ng mga anak ninyo, mga mare? Si Analyn kasi, alam niyo na, mag-aabogado,” usisa niya sa mga kapitbahay.
Hindi maiwasan nina Susan at Erlinda na mapangiwi. Kilala kasing pariwara ang anak ng dalawa.
“‘Yung anak ko, hindi man katalinuhan ay napakagaling sa pagsusulat! Kaya pababayaan ko na siya mamili ng kurso niya sa kolehiyo,” sagot ni Susan.
“Mahirap talaga ang gan’yan, mare. Kapag hindi talaga matalino, kaunti lang ang pagpipilian,” naiiling na komento niya, hindi alintana ang damdamin ng kaniyang mga kumare.
“Hindi naman siguro ganoon ‘yun, mare. Ang mahalaga lang naman talaga ay masiguro natin na magiging mabubuting tao ang mga anak natin,” tugon naman ni Erlinda, na tila nainsulto sa sinabi niya.
“Mahalaga pa rin na may laman ang utak. Kasi paano na ‘yan, edi hindi na aasenso pa ang buhay ng mga anak niyo?” hindi papatalong pagpatol niya kay Erlinda, na noon ay nakasimangot na.
Magsasalita pa sana ito ngunit sumabat na si Myrna. Marahil ay ayaw nito na lumaki pa ang pagtatalo nila at magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan sa gitna ng masayang okasyon na iyon.
“Mga mare, tama na ‘yan. Nandito ang mga anak natin ngayon. Bakit hindi natin ibigay sa mga anak nating nagsipagtapos ang mga regalo natin para sa kanila?” maya-maya ay suhestiyon ni Myrna.
“Hala, ‘Nay, may regalo ako?” tuwang-tuwang sabat ni Eden, na anak na Myrna.
Napangisi na lamang si Amanda sa narinig. Tiyak kasi siya na mas lalong magkakainggitan kapag nakita ng mga ito ang regalo niya sa kaniyang anak.
Iniabot niya sa anak ang kaniyang regalo. Gayundin ang ginawa ng kaniyang mga kumare.
Tuwang-tuwa ang anak ng kaniyang mga kumare sa payak na regalo na natanggap ng mga ito – sapatos, bag, at bestida.
“Salamat po, Nanay!” halos magkakapanabay na wika ng tatlong dalagita.
Nalipat ang tingin niya sa anak niya, na noon ay nabuksan na ang regalo niya.
Nagtaka siya nang imbes na tuwa ang bumalot sa mukha nito ay pagkainis ang nabanaag niya. Hindi ba nito gusto ang regalo niyang cellphone?
“‘Nak, may problema ba?” takang tanong niya sa anak na nakabusangot.
Isang matalim na tingin ang ipinukol nito sa kaniya.
“Mama, ano ba naman ‘to? Ayoko nito, ang luma luma na ng ganitong modelo!” bulalas nito. Padarag na ibinagsak nito sa lamesa ang kaniyang regalo.
Napahiya man ay hindi siya nagpahalata sa mga kumare, na noon ay takang-taka nakatingin sa anak niya.
“Bakit, h-hindi mo g-gusto?” nauutal na tanong niya.
“Ayoko nito! Hindi ito ang pinabibili ko!” pasigaw na sagot nito, bago nagdadabog na naglakad palayo.
Tigagal siyang napatingin sa kaniyang paligid. Pahiyang-pahiya siya sa inasta ng kaniyang anak.
Tumayo siya upang sundan ang anak. Mas lalo siyang napahiya nang marinig ang bulungan ng iilan.
“Grabe, ayos na ako sa anak ko. Hindi man katalinuhan, eh marunong naman makuntento at magpasalamat.”
“Grabe naman ang batang ‘yun! Parang hindi naturuan ng mabuting asal!”
“Naku, matalino nga, salbahe naman! ‘Di bale na lang!”
Ilang masasakit na komento pa ang narinig niya.
Nanlalambot na napaupo si Amanda nang makapasok siya sa loob ng bahay. Napagtanto niya ang kaniyang maling pananaw. Hindi sapat na matalino lamang ang anak niya. Kailangan na matuto rin itong makuntento at magpasalamat sa biyaya.
Matapos niyang sermunan nang matagal ang kaniyang anak ay buong pagpapakumbaba siya na humingi ng tawad sa kaniyang mga kumare na nasaktan ng matalas niyang pananalita.
Tama naman ang mga ito. Aanhin niya nga naman ang isang matalinong anak kung ni hindi man lang ito marunong gumalang?