Inday TrendingInday Trending
Minaliit Niya ang Piniling Propesyon ng Kaniyang Pinsan; Ito pa pala ang Magsasagip sa Kaniya sa Panahon ng Kapahamakan

Minaliit Niya ang Piniling Propesyon ng Kaniyang Pinsan; Ito pa pala ang Magsasagip sa Kaniya sa Panahon ng Kapahamakan

“Kumusta? Ang laki mo na, Aldrin! Huling kita ko sa’yo, binatilyo ka pa lang!” namimilog ang matang niyakap siya ng tiyuhin.

Ngumisi si Aldrin sa kaniyang Tito Warren na ngayon lamang nagbalik-bansa matapos ang halos isang dekada nitong pagtatrabaho roon.

“Siyempre naman po. Ang tagal niyo ring nawala, binata na ako ngayon. Ikaw naman Tito, medyo marami na ang puting buhok mo, ha!” pabirong buska niya sa tiyuhin, na sinagot nito ng isang malutong na halakhak.

Ilang sandali pa silang nagkumustahan bago ito nagpaalam sa kaniya upang salubungin ang mga bagong dating nilang kamag-anak.

Nang magyaya itong kumain ay namangha siya dahil umaapaw ang mesa sa dami ng masasarap na pagkain.

“Wow! Ang dami naman nito, Tito Warren!” namamanghang komento niya.

“Pinaghandaan ko talaga ito dahil ngayon na lang tayo ulit nagkasama-sama. Ang tagal na nung huli kong uwi,” nakangiting tugon naman nito.

Masaya silang kumakain nang tila may maalala ang matanda.

“Meron pang kulang sa inyo. Si Kino, nasaan?” paghahanap nito sa isa pa nilang pinsan.

“Papunta na po. Malapit na raw po siya,” magalang na tugon ni Alfred, isa sa kanilang mga pinsan.

Tama nga ito dahil maya-maya lamang ay nakita niya na parating si Kino. Agad itong nagmano sa matanda.

“Pasensya na po. Medyo abala lang po. May sunog po kasi, kailangang rumesponde,” paliwanag nito at umupo sa bakanteng upuan sa kaniyang harap.

“Sunog? Ano naman kung may sunog? Ano ba ang trabaho mo, hijo?” tila naguguluhang usisa ng kanilang tiyuhin.

“Bumbero ho.”

Kitang-kita niya ang pagkunot ng noo ng kanilang tiyuhin at ang pagbubulungan ng iba pa nilang kamag-anak.

“Akala ko ba ay mag-aabogado ka? Anong nangyari?”

Tama ito. Alam nilang lahat na iyon ang gusto ni Kino noon ngunit sa ‘di nila malamang dahilan ay hindi nito itinuloy.

“Wala naman po. Napagtanto ko lang na hindi para sa’kin ‘yun. Mas gusto ko ‘tong trabaho ko,” prente nitong sagot.

“Pero hijo, hindi ba’t mababa ang sweldo mo riyan?”

Agad naman itong sumagot na sapat naman ang kinikita nito para matustusan ang pangangailangan nito at ng pamilya nito.

Palihim siyang nagdiwang nang makita na hindi kumbinsido ang iba pa nilang kamag-anak ngunit hindi siya nagsalita.

Napunta tuloy ang usapan nila sa kung anong mga trabaho nila ngayon. Kani-kaniyang sagot ang kaniyang mga pinsan.

Nang siya na ay tumikhim siya at taas noong sinagot ang tiyuhin.

“Ako po ang nagpapatakbo ng negosyo namin ngayon, Tito. Malaki ang kinikita ko, siyempre. Hindi kagaya ng iba riyan. May bahay ako, sasakyan at maraming ipon.”

Hindi niya pinalagpas ang pagkakataon na paringgan ang pinsan. Noon pa man ay silang dalawa na ang pinagkukumpara kaya naman natanim na sa isip niya na kailangan niyang daigin ito sa lahat ng pagkakataon.

Iyon rin ang dahilan kung bakit lumayo ang loob nila sa isa’t-isa.

“Sabihin mo na kung ano mang gusto mong sabihin, basta ako masaya ako sa trabaho ko. Hindi ko kailangan ang napakalaking sahod na ‘yan,” naiiling naman na tugon nito, tila tinamaan sa pasaring niya.

“Wala ka namang mapapala sa pagiging bumbero. Bibihira na mangyari ang sunog. Samakatuwid, hindi mahalaga ang trabaho mo,” matigas na sagot niya sa pinsan.

Bago pa man ito makasagot ay inawat na sila ng mga matatanda.

Ngunit hindi nakaligtas sa pandinig niya ang sunod-sunod na papuri ng kanilang Tito Warren, at ng iba pa nilang kamag-anak.

Masaya si Aldrin dahil sa wakas, mukhang nadaig niya na ito. Malinaw na mas matagumpay ang buhay niya rito.

Naging abala siya sa pag-aasikaso ng negosyo. Tuloy-tuloy ang pasok ng pera, ‘yun nga lang ay talagang nakakapagod lalo’t halos wala na siyang pahinga.

Ilang araw na siyang walang tulog kaya naman hindi maiwasan na sumama ang kaniyang pakiramdam.

“Sir Aldrin, bakit hindi po muna kayo umidlip dito? Ako na po ang tatapos ng mga dokumento na kakailanganin natin bukas,” suhestyon ng kaniyang sekretarya.

Dahil tiwala siya rito ay ‘yun nga ang kaniyang ginawa. Yumukyok siya sa kaniyang lamesa para saglit na mamahinga ngunit matapos ang mahigit isang oras ay nagising siya dahil sa maalinsangan na paligid.

Nang idilat niya ang kaniyang mata ay nagulat siya nang makitang balot na ng makapal na usok ang paligid.

Naalarma siya nang mapagtanto niya kung anong nangyayari. Nasusunog ang establisyemento!

Pilit niya na tinunton ang pinto para subukang lumabas ngunit hindi niya na magawa dahil hirap na siya sa paghinga at hindi niya na makita ang daan dahil sa usok.

Nawawalan na siya ng pag-asa ngunit bago siya mawalan ng malay ay nakita niya ang isang pigura na papalapit sa kaniya. Nakasuot ito ng isang uniporme.

“Ayos ka lang? Kumakalat na ang apoy, kailangan na natin makalabas agad!” sabi nito bago nito itinakip sa ilong niya ang isang basang tela na bahagyang nagbigay ginahawa sa kaniya.

Inakay siya nito hanggang sa tuluyan na silang makalabas sa natutupok na gusali. Agad siyang ginamot ng mga rumespondeng doktor, habang abala pa rin ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy.

Kahit hirap ay nagawa niya pa rin magtanong kung kumusta ang iba niyang empleyado.

“Ayos naman, Sir. Nailabas lahat nang ligtas, ‘wag kayong mag-alala. Mabuti na lang at nakita ka kaagad ng isa naming kasama at nailabas ka. Kundi ay kasama ka na sa natutupok ngayon,” naiiling na komento ng isang bumbero doon.

Kinilabutan si Aldrin. Malaki ang utang na loob niya sa taong nagligtas sa kaniya! Agad na tinanong niya kung sino ang tinutukoy nito para mapasalamatan niya.

“Ah! Si Kino po. Ayun!” tinuro nito ang lalaking nakatalikod.

“Kino?” sa loob loob niya.

Nang lapitan niya ang bumbero ay nakumpirma niya ang hinala. Ang lalaking nagligtas sa kaniya ay ang pinsan niya na si Kino!

“Ayos ka lang?” agad na tanong nito.

Tumango siya. Agad niyang naalala ang mga sinabi niya ukol sa propesyon ng pinsan. Labis ang naramdaman niyang hiya at pagsisisi.

“Maraming salamat, Kino. Niligtas mo at ng mga kasama mo ang buhay namin. Sa mga nasabi ko noon, humihingi ako ng tawad. Pasensiya ka na kung minaliit ko ang trabaho mo at nagmayabang ako,” sinsero niyang paghingi ng paumanhin.

Ngumiti ito at tinapik ang kaniyang balikat.

“Wala ‘yun, pinsan. Tungkulin namin na tulungan ang nangangailangan.”

Noon may tumawag rito kaya dali-dali itong nagpaalam at bumalik sa pag-aapula ng apoy. Pinanood niya ito mula sa malayo.

Noon ay natutunan niya na huwag manghamak ng kahit anong trabaho o propesyon. Dahil hindi man natin masyadong nakikita ay may mga taong higit sa pera o magandang titulo ang hangad – ang sinserong pagtulong at pagsagip sa buhay ng iba.

Advertisement