Inday TrendingInday Trending
Ikinahiya ng Mahirap na Dalagita ang Kaniyang mga Magulang; Natauhan Siya nang Malaman ang Buhay ng Mayaman Niyang Kaklase

Ikinahiya ng Mahirap na Dalagita ang Kaniyang mga Magulang; Natauhan Siya nang Malaman ang Buhay ng Mayaman Niyang Kaklase

“Galingan mo, anak! Proud na proud na kami ng Tatay mo sa’yo, ngayon pa lang!” pahayag ng kaniyang ina. Sa mukha nito ay nakita niya ang pagkasabik.

Palihim na umismid si Carissa. Minasdan niya ang sarili mula sa salamin. Suot niya ang napakagarang uniporme ng isang prestihiyosong eskuwelahan na papasukan niya. Nagawa niyang makapasok doon dahil sa scholarship.

Ngayong araw ang unang araw ng pasok niya sa eskwelahan. May pampasadang jeep ang kaniyang ama kaya naman ipinilit nito na ihatid na siya, kahit sinabi niya na magko-commute na lang siya papasok.

Todo ang pagsimangot niya nang makita ang kasuotan ng kaniyang mga magulang. Ang kaniyang ina ay suot ang uniporme nito na pang-kasambahay samantalang ang ama niya naman ay nakasuot ng isang pantalong maong na kupas na kupas na.

“‘Nay, ‘Tay, wala ba kayong ibang damit?” inis niyang puna sa dalawa. Sana man lang ay presentable ang suot ng mga ito, hindi ba?

Ngumiti lamang ang kaniyang Tatay. “Ayos lang ito, anak. Pagkagaling kasi namin sa eskwelahan mo, ihahatid ko si Nanay mo sa amo niya, at diretso pasada na ako,” paliwanag nito.

Wala naman siyang magagawa kundi hayaan ang mga ito kahit na ang totoo ay hiyang-hiya siya dahil ang mga kamag-aral niya ay nakikinita niya nang ihahatid ng mga naggagandahang sasakyan. May mga sariling yaya at mga drayber na kasama.

Hindi tulad niya na sakay ng isang bulok na jeep na minaneho ng sarili niyang ama.

Imbes tuloy na maging masaya ay para siyang kinakain ng hiya sa tuwing mapapatingin ang mga estudyante sa kanila.

“Mag-ingat ka anak, ha. Galingan mo. Heto nga pala, ipinaghanda kita ng baon,” sabi ng kaniyang ina, sabay abot ng isang maliit na supot.

Napipilitan na tinanggap niya iyon saka pilit na tinapos ang kanilang usapan.

“Sige na po. Una na ako, hahanapin ko pa kung saan ‘yung klasrum ko, eh,” mabilis niyang paalam, bago siya kumaway at tumakbo paalis.

Bago magsimula ang mga aralin ay ipinakilala nila ang mga sarili sa klase. Natural na binanggit ng mga ito ang trabaho ng kani-kanilang mga magulang. Hindi na siya nagulat nang malaman na pawang mararangya ang buhay ng mga ito. Mula sa anak ng politiko, sikat na artista, doktor, abogado, at mga negosyante.

Hindi niya maiwasan na kabahan lalo na nang tawagin siya ng guro. Gayunpaman ay nagpakilala siya sa lahat.

“Ako si Carissa Fuentes. Nag-iisang anak lang ako, at ang paborito kong gawin ay magpinta.”

Walang kahit na isa sa mga kaklase niya ang nagpahayag ng reaksyon. Napansin iyon ng guro nila kaya naman inudyukan siya nito na dagdagan pa ang sasabihin.

“Hindi kagaya niyo, hindi ako mayaman. Ang nanay ko ay isang kasambahay at ang tatay ko nagmamaneho ng jeep at pumapasada araw-araw.”

Kitang kita niya kung paano magpalitan ng makahulugang tingin ang mga kaklase. Yumuko siya sa labis na kahihiyan na nadarama.

Halos buong araw nakapako ang kaniyang mga mata sa sahig. Tila walang nagnanais na pumansin sa kaniya kaya naman wala siyang makausap.

Hanggang isang magandang babae ang lumapit sa kaniya at nagtanong.

“Ikaw yung kanina ‘di ba? ‘Yung hinatid ng jeep?” tanong ng babae.

Agad niyang naaalala na Julia ang pangalan nito at anak ito ng isang sikat na negosyante. Tumango siya sa kaklase.

“‘Yung mga kasama mo kanina? Yun ba ang mga magulang mo?”

Tumango siya. Inaasahan niya na na pagtatawanan siya ng kaklase kaya naman nagulat siya sa sunod na sinabi nito.

“Nakakainggit naman! Mabuti ka pa hinahatid ng magulang mo! Sana ako rin!” komento nito.

Agad siyang napatingin dito na nakakunot ang noo.

“Seryoso ka? Ano namang nakakainggit dun? Kita mo nga ang jeep namin, bulok. Nakakahiya,” nakangiwing tugon niya sa kaklase. Halos mapairap siya nang maisip na naman niya kung gaano kalayo ang agwat ng buhay niya sa ibang kaklase.

“Hindi kaya! Ang swerte mo nga, eh.”

Hindi niya na pinatulan pa ang mga komento nito. Marahil ay nang-aasar lang ito.

Kaya nga nagulat siya nang mapagtanto niya na mabait si Juli. Mabilis niya itong nakapalagayan ng loob. Nang tanghalian na ay inaya siya nito na sabay silang kumain. Pumayag siya ngunit sa kaniyang pagkamangha ay sa isang mamahaling restawran sila pumasok!

“Hindi ako bibili, ha. Mahal dito, saka may baon ako,” nahihiyang bulong niya sa kaklase.

Inilabas niya ang pagkain na niluto ng kaniyang ina para sa kaniya.

Muli ay ginulat siya ng naging komento ni Julia.

“Hala, adobong manok! Paborito ko ‘yan! Pwedeng akin na lang ‘yan tapos bilhan na lang kita ng kung anong gusto mo? Miss ko na kasi ang mga lutong bahay, eh,” pakiusap nito.

Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito pero tumango na rin siya at hinayaan ito. Mukha namang gustong-gusto talaga nito ang pabaon ng nanay niya.

Habang kumakain sila ay nagsalita si Julia.

“Alam mo, ang swerte swerte mo. Naiinggit ako sa’yo,” komento nito.

Mulagat na napatitig siya sa kaklase. Inisip niya na nagbibiro lamang ito ngunit kaseryosohan ang nabanaag niya sa mukha ng kaklase.

“Bakit naman? Hindi ba’t dapat ako ang nagsasabi niyan?” nawiwirduhang usisa niya sa kaklase.

“Kasi ikaw, hinahatid ka ng mga magulang mo. May masarap na baon ka pa. Sana ako rin,” malungkot na anas nito.

“Hinahatid ka rin naman, hindi ba? Ang ganda pa nga ng sasakyan nito. At eto, nakakakain ka ng masarap sa mamahaling restawran!” aniya nago itinuro ang masarap na pagkaing binili nito kapalit ng baon niya.

“Sinong naghahatid sa akin? Drayber. Mag-isa lang ako kumakain parati kasi wala naman ang mga magulang ko. Para ngang hindi nila mamamalayan kung mawala ako, eh. Alam mo ba kung gaano kalungkot ‘yun?” naiiyak na pagkukwento nito.

Hindi niya masagot ang tanong ni Julia. Hindi niya kasi alam kung gaano kalungkot ang mamuhay nang nag-iisa dahil buong buhay niya, laging nakaalalay ang kaniyang Nanay at Tatay.

Noon siya may napagtanto. Tama ito, maswerte nga siya.

Hinawakan niya ang kamay ng kaklase na noon ay tahimik nang lumuluha. Nakaramdam siya ng awa sa kaklase. “‘Wag kang mag-alala. Simula ngayon, hindi ka na mag-iisa. Dahil magkaibigan na tayo.”

Nang makauwi si Carissa nang araw na iyon ay sinalubong niya ng mahigpit na yakap ang kaniyang Tatay at Nanay.

“Maraming salamat po dahil lagi kayong nasa tabi ko,” madamdaming wika niya.

Isang malaking aral ang natutunan niya mula sa buhay ng kaibigan na si Julia. Walang anumang materyal na bagay ang makahihigit sa pagmamahal at pag-aaruga ng mabubuting magulang. Kaya mahalin natin sila!

Advertisement