Inday TrendingInday Trending
Nawawalan na ng Pag-Asa sa Buhay ang Ulilang Binatilyo; Isang Ginoo ang Kaniyang Makikilala na Magpapabago ng Kaniyang Buhay

Nawawalan na ng Pag-Asa sa Buhay ang Ulilang Binatilyo; Isang Ginoo ang Kaniyang Makikilala na Magpapabago ng Kaniyang Buhay

Masaklap ang dinaranas sa buhay ng binatilyong si Jerick. Bata pa lamang siya ay nasanay na siyang mag-isa. Ang kaniyang ama kasi noon ay napagbintangan at nap@tay. Limang taon ang lumipas ay nagkaroon ng malubhang karamdaman ang kaniyang ina. Dahil wala siyang kakayahang ipagamot ito, umasa na lamang sila sa mga tulong na kanilang natatanggap. Hanggang sa tuluyan nang binawian ng buhay ang kaniyang pobreng ina.

Sa kalsada na napiling manirahan ni Jerick. Kahit na mag-isa na lang sa buhay ay pilit niyang itinataguyod ang kaniyang sarili. Marami mang kabataan ang humihikayat sa kaniya sa maling daan, mas pinili na lamang niyang mag-aral. Pangako kasi niya sa kaniyang yumaong ina na magtatapos siya sa pag-aaral at makakaahon sa kinasasadlakang kahirapan.

Pinagsasabay niya ang pag-aaral at ang pamumulot ng basura. Sa umaga ay pumapasok siya sa paaralan at sa hapon naman ay lumilibot siya para makakuha ng kalakal. Kahit na tampulan ng tukso itong si Jerick, hindi niya ito inalintana. Ang mahalaga ay may mailaman siya sa kaniyang sikmura.

Isang araw habang abala sa pangangalakal ng basura si Jerick ay nakapulot siya ng isang pitaka. Agad niya itong binuksan upang malaman niya ang pagkakakilanlan ng may-ari. Palingon-lingon siya at tila naghihintay ng taong babalik at maghahanap ng nasabing pitaka.

Nang makita niya ang isang ginoo na kamukha ng larawan na nasa loob ng pitaka ay tinangka niya itong lapitan. Ngunit hindi pa man nakakapagsalita si Jerick upang isauli ang pitaka ay agad na kinuha ng lalaki ang pitaka sa kaniyang kamay.

“Magnanakaw ka! Siguro ay inumit mo ang pitaka ko sa bulsa ko, ano? Wala talaga akong tiwala sa mga kabataang tulad mo! Mga perwisyo kayo sa lipunan!” bulyaw ng lalaki.

Pilit na nagpapaliwanag si Jerick sa lalaki ngunit hindi siya nito pinapakinggan.

“Sumama ka sa akin sa pulisya at doon ka na magpaliwanag! Lulusot ka pa!” sambit muli ng lalaki.

Nang akmang kakaladkarin ng lalaki itong si Jerick ay agad na lumapit ang isang ginoo. Ito si Mang Bernie, ang nagtitinda ng lugaw sa tabing kalsada.

“Bitiwan mo ang batang iyan kung hindi ikaw ang ipapadampot ko. Madalas kong makita dito ang binatilyong iyan at nakita ko rin na napulot lang niya ang pitaka mo! Nagmamagandang-loob na nga ang bata ay tinatakot mo pa! Dapat pala ay hindi na lang niya binalik ‘yang pitaka mo!” saad pa ni Mang Bernie.

Dahil sa labis na takot ay napaiyak na lamang si Jerick. Labis ang kaniyang pasasalamat sa ginoo dahil sa pagtatanggol na ginawa sa kaniya.

“Mabuti na lamang po at narito kayo. Kung hindi ay baka kung ano na pong masama ang nangyari sa akin. Nais ko lang naman pong maghanapbuhay para may ipanglaman sa sikmura ko. Hindi ko po magagawa ang magnakaw,” paliwanag ni Jerick.

“Alam ko naman ‘yun, bata. Tumahan ka na at wala na ‘yung siraulong lalaking ‘yun. Hayaan mo kapag bumalik at pinadampot ka ay ako ang haharap sa kanila,” wika pa ng ginoo.

Sa unang pagkakataon ay naramdaman muli ni Jerick ang magkaroon ng isang magulang.

“Gusto mo bang kumain muna ng lugaw? Tara at ililibre kita. Ako mismo ang nagluto nito,” saad pa ni Mang Bernie.

Simula noon, sa tuwing nagugutom si Jerick ay nagpupunta na siya kay Mang Bernie upang makapagmeryenda. Nahabag si Mang Bernie sa kaniya nang malaman ang kaniyang buhay kaya naman sa tuwing may pagkakataon ay tinutulungan niya si Jerick.

“Pumunta ka minsan dito at tulungan mo na lang ako sa pagtitinda. Tapos ay bibigyan na lang kita ng sahod nang hindi ka na nangangalakal. Baka mamaya ay mapagbintangan ka ulit. Ayos lang kung lagi kitang natatanaw,” saad ni Mang Bernie kay Jerick.

Pagtapos ng klase ay tumutulong si Jerick kay Mang Bernie. Dahil sa likas na mabait at masipag itong si Jerick, inalok siya ni Mang Bernie na sumama na lamang sa kaniya.

“Sa totoo lang wala akong asawa at anak at sa tanda kong ito ay tanggap ko nang hindi na ako makakapag-asawa pa. Kung gusto mo, ako na lang ang magiging tatay mo at ikaw na lang ang magiging anak ko,” saad muli ng ginoo.

Hindi makapaniwala itong si Jerick sa sinabi ni Mang Bernie. Mula noon ay itinuring na si Jerick na anak ng ginoo.

Bilang ganti naman ay lalong sinipagan ni Jerick ang pag-aaral. Lalo siyang nagkaroon ng inspirasyon na umasenso sa buhay upang maibalik niya ang mga kabutihan ng kaniyang Tatay Bernie.

Isang araw, isang sasakyan ang nawalan ng preno at bumangga sa tindahan ni Mang Bernie. Nakita ito ng matanda na paparating kaya nakaiwas siya dito. Ngunit sa kasamaang-palad, tumapon sa kaniyang katawan ang mainit at kumukulong lugaw. Nalapnos ang balat ng pobreng matanda.

Dahil dito, hindi na muling nakapagtinda pa si Mang Bernie.

“Ako po yata ang malas, Tatay Bernie. Dati po ay nawala na ang mga magulang ko. Ayaw ko pong pati kayo ay mawala rin sa akin,” umiiyak na sambit ni Jerick sa ginoo.

“Huwag kang magsasalita ng ganiyan. Hindi ka malas! Kaunting sugat lang ‘to, anak. Gagaling din ito,” wika naman ni Mang Bernie.

Upang makatulong, nagdesisyon si Jerick na siya na lamang ang magtitinda ng lugaw habang hindi pa kaya ni Mang Bernie. Nag-aaral siya sa umaga at nagtitinda ng lugaw pag-uwi galing sa paaralan,

“Tatay Bernie, huwag na lang po kaya akong mag-aral sa kolehiyo? Ayoko po kasing dagdagan pa ang mga pasanin ninyo. Aalagaan ko na lang po kayo,” saad ni Jerick kay Mang Bernie.

“Iyan ang huwag na huwag mong gagawin, anak. Kahit mahirap ay pagsikapan mo. Kaya ko namang alagaan ang sarili ko. Saka nais ko na kahit paano ay may maiwan ako sa’yong pamana. Iyon ay ang edukasyon,” tugon naman ng ama-amahan.

Dahil sa tinuran ni Mang Bernie ay pinagsikapan ni Jerick ang makapagtapos ng pag-aaral. Natupad naman iyon at siya ay naging seaman.

“Tatay, aalis na muna po ako. Sigurado po ba kayong ayos lang po ang kalagayan n’yo?” wika ni Jerick sa ginoo.

“Ayos lang ako dito, anak. Huwag kang mag-alala sa akin. Masaya ako na unti-unti mo nang natutupad ang mga pangarap mo,” wika pa ni Mang Bernie.

Sa pag-alis naman ni Jerick ay kantiyaw mula sa mga kapitbahay ang laging sumasalubong dito kay Mang Bernie.

“Hindi ka na babalikan ng alaga mo dahil napagtapos mo na, e. Baka nga mag-asawa na ‘yun at hindi ka na intindihin pa,” saad ng ilang kapitbahay.

Ngunit pinatunayan ni Jerick na mali ang mga ito.

Tuwing ika-anim na buwan ay sinisikap ni Jerick na makauwi sa kaniyang Tatay Bernie. Palagi rin siyang nagpapadala ng panggastos nito upang hindi na ito magtinda pa ng lugaw. Ipinaayos din niya ang bahay nito nang sa gayon ay mas komportable ang kaniyang ama. Lumipas ang panahon ay nakapag-asawa na itong si Jerick. Kahit na may asawa na siya, kasama pa rin nila ang ama-amahan sa bahay.

“Hindi ka ba nagsasawa na kargo mo na ako habang buhay kahit hindi mo naman ako kaano-ano? Sa totoo lang Jerick, pwede mo naman na akong pabayaan dahil sanay naman akong mag-isa,” saad pa ng kaniyang Tatay Bernie.

“Noong mag-isa po ako at walang kahit sinong masasandalan ay kinupkop n’yo ako. Pinakain, binihisan, at binigyan ng matutuluyan kahit hindi n’yo ako kaano-ano. Kinuha n’yo ang responsibilidad ng pagiging magulang para lang sa isang palaboy na gaya ko. Kahit kailan ay hindi kayo magiging pabigat sa akin dahil wala ako sa kinaroroonan ko ngayon kung hindi dahil sa inyo. Kulang pa ang lahat nang ito kung tutuusin, Tatay Bernie. Kaya hanggang kaya ko ay itataguyod ko kayo dahil ganito rin ang ginawa n’yo para sa akin!” tugon naman ni Jerick.

Isang mahigpit na yakap na lamang ang naging tugon ni Mang Bernie sa kaniyang anak-anakan. Nagpapasalamat siya sa Panginoon dahil nakilala niya ang isang mabait at masipag na batang si Jerick.

Pinangako ni Jerick na sasamahan niya ang kaniyang Tatay Bernie sa pagtanda nito.

Advertisement