Inday TrendingInday Trending
Batugan at Iresponsable ang Padre de Pamilya; Sa Huli ay Pagsisisihan Niya ang Kaniyang Ugali

Batugan at Iresponsable ang Padre de Pamilya; Sa Huli ay Pagsisisihan Niya ang Kaniyang Ugali

Hindi na magkandaugaga itong si Hilda sa dami ng kaniyang ginagawa. Bukod kasi sa mga gawaing bahay ay umeekstra rin sa pagnenegosyo ang ginang upang mayroon silang panggastos sa pang araw-araw. Wala kasing permanenteng trabaho itong si Lino. Madalas mang sumasama ang loob ni Hilda sa kaniyang asawa ay inuunawa na lamang niya ito nang hindi sila mag-away.

Ngunit imbis kasi na tumulong itong si Lino ay pabigat pa siya kay Hilda. Madalas ay ginagabi na ito ng uwi dahil daw naghahanap ng trabaho. Ngunit pag-uwi naman ay nangangamoy tsiko ang mister.

“Napadaan lang naman ako kila Pareng Ramil. Pinainom ako nang kaunti. Alangan namang tanggihan ko ang tao baka mapahiya sa mga kaibigan niya,” depensa ni Lino sa kaniyang misis.

“Wala namang kaso sa akin kung nakainom ka nang bahagya, Lino. Ang sa akin lang ay kailangan kita dito sa bahay. Tutal wala ka pa namang trabaho ay tulungan mo na lang ako. Halos hatiin ko na nga ang sarili ko sa pag-aalaga ng mga bata at sa mga gawaing bahay. Kailangan ko pang gumawa nitong mga longganisa dahil may order ako para bukas. Sayang din kasi ang kikitain ko dito,” pahayag ni Hilda sa kaniyang asawa.

“Sinusumbat mo ba sa akin na ikaw ang nagdadala ng pera dito sa bahay? Akala mo naman ay malaki ang kinikita mo sa pagtitinda ng longganisang iyan kung makapagsalita ka! Parang sandali lang naman ako nawala ay puro kuda na naman ‘yang bunganga mo!” galit na sambit ni Lino.

“Hindi na ako makikipagtalo pa sa iyo, Lino, dahil hindi mo naman ako talaga nauunawaan. Kailangan ko ng tulong mo sa panahong ito. Kung hindi ako kikilos ay wala tayong kakainin,” paliwanag pa ng ginang.

“Oo na! Oo na! Ikaw na ang magaling sa pamamahay na ito! Tingnan mo lang kapag ako na ang nagtatrabahong muli baka ipalamon ko sa’yo ang lahat ng longganisang ginagawa mo!” bulyaw pa ng asawa.

Napapailing na lamang si Hilda. Hindi na siya sumagot pa dahil alam niyang walang kwenta kung makikipagtalo pa siya sa isang lasing.

Kinabukasan ay maagang gumising ang ginang upang magluto ng agahan at ihanda ang mga kailangan ng kaniyang mga anak. Maiiwan kasi sa pangangalaga ng kaniyang asawa ang dalawang bata dahil maghahatid siya ng mga order.

“Nakapaligo na ang mga bata, Lino. Kumain na rin sila. Bantayan mo silang maigi dahil ubod ng kulit ang mga iyan. Huwag mo silang aalisan ng tingin. Maya-maya ay padedehin mo nang makatulog,” bilin ni Hilda sa kaniyang asawa.

Ngunit tila hindi nakikinig itong si Lino at abala sa kaniyang selpon.

“Lino, naririnig mo ba ang sinasabi ko? Ikaw na muna ang bahala sa mga bata, a. Huwag mo silang pababayaan. Habaan mo rin ang pasensiya mo sa kanila dahil sadyang makukulit ang mga bata. Bibilisan ko lang ang paghahatid nitong mga longganisa nang sa gayon ay makauwi ako kaagad,” walang patid sa pagpapaalala ang ginang.

“Oo na! Kanina ka pa paulit-ulit. Alam ko naman ang gagawin ko dahil mga anak ko ‘to. Akala mo ay ikaw lang ang marunong mag-alaga ng mga bata! Bilisan mo na lang umuwi nang ako naman ang makaalis. Pupunta ako kila Pareng Ramil dahil may trabaho raw na naghihintay sa akin nang hindi mo na ako sinusumbatan!” sambit naman ni Lino.

Tuluyan nang umalis si Hilda ngunit nagmamadali siya sapagkat nais niyang makauwi agad. Hindi kasi siya kumpyansa sa pag-aalaga ng kaniyang asawa.

Kahit naman ilang beses binilin ni Hilda ang dapat gawin ng kaniyang asawa ay sadyang walang tiyaga itong si Lino.

Habang nag-iiyakan ang kaniyang mga anak ay wala siyang patid sa pakikipag-text sa kaniyang telepono. Mayroon pala kasi itong bagong kilalang babaeng kaniyang binobola.

Dahil hindi tumitigil sa pag-iyak ang dalawang anak ay hindi na napigilan pa ni Lino na sigawan ang mga ito.

“Lintek naman! Hindi ba kayo titigil na dalawa? Ano ba ang gusto n’yo? Bakit kasi iniwan-iwan pa kayo ng nanay n’yo sa akin, e! Magsitulog nga kayo!” bulyaw ng ginoo sa kaniyang mga anak.

Imbis na tumahan ay lalo pang nag-iyakan ang mga ito. Nang hindi na siya makatiis ay ginawan niya ng dede ang kaniyang mga anak. Nang sandaling manahimik ang mga bata ay kumain siya ng tanghalian habang walang patid sa pakikipaglandian pa rin sa babaeng kapalitan ng text.

Nang makita ni Lino na tumatawag ang babae ay hindi niya napigilan na kiligin. Sa pagmamadali na masagot niya ang tawag ay natabig niya ang kaniyang mga kubyertos at nalalaglag ang mga ito sa sahig. Tiningnan lamang niya ang mga ito at saka siya lumabas upang makausap nang malinaw ang kaniyang babae.

Ang hindi alam ni Lino ay gising pa ang mga bata. Pumunta ang dalawa sa nahulog na kubyertos at pinaglaruan nila ang mga ito. Maya-maya ay natanaw nila ang saksakan ng kuryente at saka sila lumapit.

Habang abala pa rin sa pakikipag-usap itong si Lino sa kaniyang telepono ay siya namang dating ni Hilda.

“Tulog ba ang mga bata at narito ka?” humahangos na wika ni Hilda.

Hindi na nito hinintay pa ang sagot ni Lino at tumakbo na ito sa loob ng bahay upang tingnan ang mga bata.

Sakto ang kaniyang dating sapagkat kung nahuli man siya ng isang segundo ay naisaksak na ng bata ang kubyertos sa saksakan ng kuryente! Nilundag ni Hilda ang bata upang mapigilan sa balak nitong gawin.

“Napakairesponsable mo talaga, Lino! Muntik nang makuryente ang mga anak natin dahil sa kapabayaan mo! Paano na lamang kung hindi ako agad dumating? Aabutan ko na lang na walang buhay ang mga anak ko? Sawang-sawa na ako sa’yo, Lino! Umalis ka na sa bahay na ito at hindi na kita gustong makasama pa! Hindi ka na nga nakakatulong ay mapapahamak pa ang mga anak ko nang dahil sa kapabayaan mo!” galit na galit na sambit ni Hilda.

Natigilan si Lino nang malaman niya ang nangyari. Maging siya ay kinabahan sa muntik na disgrasyang nangyari sa kaniyang mga anak.

Mula noon ay tuluyan nang hiniwalayan ni Hilda ang kaniyang asawa. Kahit na pilit na nagbabago itong si Lino at nakikiusap ay hindi na ito muli pang tinanggap ni Hilda.

“Nadala na ako sa pakikisama ko sa’yo, Lino. Wala na akong tiwala pa sa katulad mo. Gawin mo na ang gusto mong gawin at pabayaan mo na lang kami ng mga anak ko. Kung guguluhin mo pa kami ay mapipilitan akong sampahan ka ng kaso dahil sa iyong pagpapabaya,” matapang na wika ni Hilda.

Pilit na kinaya ni Hilda na buhayin ang kaniyang mga anak sa tulong na rin ng kaniyang mga magulang. Mas pipiliin pa ni Hilda na mahirapan sa pagkayod para sa kaniyang mga anak nang mag-isa kaysa makasama ang batugang si Lino.

Advertisement