Niloko ng Ginang ang Mabuti at Tapat Niyang Asawa; Pagsisisihan Niya nang Lubos ang Ganti ng Tadhana
“Bert, hindi ko na kaya ang ganitong buhay. Payagan mo na akong mangibang bansa nang sa gayon ay matugunan natin ang pangangailangan ng mga bata. Lumalaki na sila at hindi na kakayanin ng pagtatanim mo ng palay na mapaaral sila. Kung dalawa tayong magtatrabaho ay mas maitataguyod natin ang mga bata,” saad ni Liezel sa kaniyang asawa.
“Pasensya ka na kung hindi ko pa kayang ibigay sa ngayon ang buhay na gusto mo. Pero nagsisikap naman ako, Liezel. Nangangamba lang kasi ako kung sino ang mag-aalaga sa mga bata kung malalayo ka. Tapos ako rin ay nasa bukid. Saka malayo ang ibang bansa, baka mamaya ay kung ano pa ang mangyari sa iyo do’n,” pag-aalala nama ng mister.
“Kapag nasa ibang bansa na ako ay ako na ang magpapadala ng panggastos niyo sa araw-araw. Hindi mo na kailangan pang magbabad sa bukid. Pwede mo nang paupahan na lang ang pitak ng lupa natin nang sa gayon ay matingnan mo pa rin ang mga bata,” mungkahi naman ni Liezel.
“Pero hindi pa rin ako komportable na ikaw ang nagtatrabaho at ako ang nasa bahay. Ako ang lalaki at ako dapat ang nagbabanat ng buto. Bigyan mo pa ako ng konting panahon, Liezel. Kung kulang talaga ang naibibigay ko ay hahayaan na kita sa gusto mo,” saad pa ng ginoo.
Sa totoo lang ay ginagawa naman ni Bert ang lahat para lang matugunan niya ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang pamilya. Bukod sa pagtatanim sa bukid ay umeekstra pa rin siya sa pagkakarpintero kung kinakailangan. Tumatanggap din siya ng ibang mga gawain sa kanilang baryo. Siya ang laging tinatawag kung mayroong kailangang kumpunihin.
Ngunit kahit na ibinibigay ni Bert ang lahat ng kaniyang sahod sa kaniyang asawa ay tila hindi pa rin sapat para sa kaniyang misis na si Liezel. Una pa lang ay sumama lang naman talaga siya kay Bert dahil wala na siyang mapuntahan noong pinalayas siya ng kaniyang mga magulang. Tanging si Bert lamang ang kumalinga sa kaniya noong mga panahong nagdurusa siya.
Hanggang sa may mangyari na nga sa kanila at napilitan siyang magpakasal sa ginoo upang makaiwas sa kahihiyan.
Ayos namang asawa at ama itong si Bert ngunit laging tila may hinahanap itong si Liezel. Minsan ay nararamdaman na ni Bert ang panlalamig sa kaniya ng asawa.
Napansin ito ng ilang kasamahan sa bukid ni Bert lalo na ang matalik nitong kaibigang si Ramon.
“Hayaan mo at kakausapin ko ang asawa mo nang malaman natin kung ano talaga ang problema,” hindi na naiwasan pa ni Ramon ang makialam sa problema ng mag-asawa.
Kaya ito nga ang kaniyang ginawa. Kinausap niya nang masinsinan ang kumareng si Liezel. Tinanong niya kung ano ba talaga ang pagkukulang ni Bert.
“Wala man lang akong makuhang excitement kay Bert. Oo nga at mabait siya pero nakukulangan pa rin ako. Hindi ko pa rin nakukuha kasi ang mga gusto ko. Lagi na lang sakto ang pamumuhay namin,” saad ni Liezel sa kumpare.
“Kaya nga nais ko sanang lumayo muna nang sa gayon ay makapag-isip-isip din ako sa pinasok kong buhay. Gusto kong mapatunayan na siya nga ang gusto ko,” dagdag pa ng ginang.
Ang hindi alam ng mag-asawa ay may lihim na pagtingin itong si Ramon kay Liezel. Kaya gano’n na lang ang pangingialam nito. Sinamantala niya ang magulong sitwasyon ng mag-asawa.
Isang araw ay sunud-sunod na nagkasakit ang tatlong anak ng mag-asawa. Lahat ng kanilang ipon ay kanilang nagastos at nakapangutang pa sila sa kapitbahay maipagamot lamang ang mga bata. Dahil dito ay binuksan ulit ni Liezel ang kaniyang plano sa kaniyang asawa na siya ay mangingibang bansa.
“Aminin mo na kasi sarili mo na hindi mo kaming kayang buhayin ng mga anak mo! Kailangan ko nang magtrabaho nang sa gayon ay maitaguyod natin ang mga bata! Aalis ako kahit ayaw mo!” giit ng ginang.
Wala nang nagawa pa si Bert kung hindi pumayag dahil sa rin sa panunumbat ni Liezel.
Sa mga unang buwan na nagtatrabaho si Liezel sa ibang bansa ay nagpapadala naman ito ng pera para sa kaniyang pamilya. Hanggang sa makalipas ang ilang buwan ay hindi na ito nagparamdaman pa.
Alalang-alala naman si Bert nang wala man lamang tawag mula sa kaniyang asawa. Gumawa ito ng paraan upang makausap ang ginang. Ngunit talaga yatang hindi mo matatagpuan ang taong ayaw magpakita.
Ilang linggo ding hindi makatulog nang maayos itong si Bert dahil hindi niya alam kung nasaan na ang asawang si Liezel. Hanggang sa mabalitaan na lamang niya na nakabalik na pala ito sa Pilipinas.
Nagulat na lamang siya sa biglaang pag-uwi ni Liezel.
“Akala ko ay kung ano na ang nangyari sa’yo, Liezel. Salamat sa Diyos at narito ka na,” saad ni Bert sa kaniyang asawa.
“Pinagsamantalahan ako ng amo ko. Pilit lang akong tumakas, Bert, para makauwi ako nang buhay dito sa inyo. Ngunit may malaki akong problema, buntis ako!” pagtangis ni Liezel sa asawa.
“Sobrang kahihiyan ang nangyaring ito sa akin, Bert. Sana ay hindi na lang ako umalis! Patawarin mo ako!” patuloy sa pag-iyak ang ginang.
“Huwag kang mag-alala, Liezel, ako na ang bahala sa iyo. Pananagutan ko ang bata. Walang ibang makakaalam ng nangyari sa’yo! Ako ang magpoprotekta sa’yo!” saad pa ng ginoo sabay yakap sa asawa.
Ngunit lingid sa kaalaman ni Bert ay may itinatagong lihim itong si Liezel. Marami na siyang naririnig na balita na madalas nilang makita si Liezel at ang kanilang kumpareng si Ramon na magkasama. Kahit na naging tampulan ng tukso itong si Bert ay hindi niya pinakinggan ang mga bali-balita. Tanging kay Liezel lamang siya nagtitiwala.
Hanggang sa lumabas na ang bata. Laking pagtataka ni Bert na kung pinagsamantalahan si Liezel ng kaniyang amo ay dapat mukhang banyaga ang bata. Ngunit mukha itong purong Pilipino.
Kung anu-ano na lamang ang sinasabi ni Liezel na dahilan upang paniwalain ang kaniyang mister.
Hanggang isang araw, habang nagtatabas ng dayami itong si Bert ay napansin niya si Liezel sa hindi kalayuan. Pupuntahan sana niya ito upang tanungin kung ano ang ginagawa sa lugar na iyon nang makita niya ang kumpareng si Ramon na naroon din at kinakausap ang kaniyang asawa.
“Humahanap lang ako ng tiyempo, Ramon. Kahit ikaw naman ay hindi mo rin maiwan ang asawa mo! Saka mahal naman ni Bert ang anak natin! Tanggap niya ang bata!” wika ni Liezel sa kalaguyo.
“Hindi na ako makapaghintay na makasama ka nang malaya, Liezel. Wala na akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao para magsama na tayo sa iisang bubong. Magpakalayo-layo tayo kasama ng anak natin,” tugon naman ni Ramon.
Sa puntong iyon ay hindi na naiwasan ni Bert na tumulo ang kaniyang mga luha dahil sa poot at lungkot dala ng panloloko sa kaniya ng kaniyang asawa. Ang malala pa roon ay pinasagot pa sa kaniya ang anak mula sa kalaguyo nito.
Napahigpit ang hawak ni Bert sa karet na kaniyang dala. Nais sana niyang gawan ng masama si Ramon ngunit nagliwanag ang kaniyang isip nang maalala niya ang tatlo pa niyang mga anak.
Agad siyang nagpunta sa ilang kapitbahay na matagal nang nagsasabi na nakikita nila sina Ramon at Liezel na magkasama. Hanggang ang asawa mismo ni Ramon ang nagsabi ng buong katotohanan kay Bert.
“Matagal na ang relasyon nila, Bert. Bago pa man umalis patungong ibang bansa ang asawa mo ay may relasyon na sila ni Ramon. Ilang buwan pa lamang ang asawa mo isang bansa ay umuwi siya. Si Ramon pa nga ang sumundo sa kaniya sa paliparan. Umupa sila ng isang kwarto at doon ay namuhay na parang mag-asawa. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag. Matagal na akong naghihinala na may pinupuntahan ang asawa ko kaya sinundan ko at doon nga ay nakita ko sila ng asawa mo na magkasama. Walang kasing sakit ang ginawa nila. Umuwi ‘yang asawa mo dahil walang sasagot ng ipinagbubuntis niya. Ang kapal ng mukha na ipinasagot pa sa’yo ang bata. Hindi na ako nagsalita pa dahil akala ko ay mananatili itong lihim. Ngunit hindi sila huminto sa kanilang relasyon,” pahayag ng asawa ni Ramon.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa itong si Bert dahil sa kaniyang narinig. Wala naman siyang masamang ginawa kay Liezel ngunit niloko pa rin siya nito. Dahil sa lahat ng kaniyang nalaman ay namulat na siya sa katotohanan.
Ilang sandali pa ay umuwi si Liezel sa kanilang bahay na tila walang nangyari.
Gulat na gulat ang ginang nang makita niya sa kanilang bahay ang asawa ni Ramon. Halos nauutal si Liezel at hindi alam ang kaniyang sasabihin.
“Umalis ka na lang dito, Liezel. Hindi ko na kaya pa ang panloloko mo. Oo nga at hindi ko kayang ibigay ang buhay na nais mo pero kahit kailan ay hindi kita niloko o sinaktan. Ang masakit pa ay pinagpalit mo kami ng mga anak mo sa kumpare ko. At pinaako mo pa sa akin ang anak n’yo! Wala kayong kasing sama! Umalis ka na lang dito dahil ayaw na kitang makita pa,” saad ni Bert kay Liezel.
“At kung sa tingin mo ay hahayaan ko si Ramon na makasama ka ay nagkakamali ka. Sasampahan ko kayo ng kaso at sisiguraduhin kong kung hindi man kayong dalawa ay isa sa inyo ang makukulong sa piitan upang hindi kayo maging maligaya,” wika naman ng asawa ni Ramon.
Nagsusumamo itong si Liezel sa paghingi ng tawad ngunit matigas ang puso ni Bert at asawa ng kaniyang kalaguyo.
Dahil na rin malaking iskandalo ang nangyari ay masama na ang tingin ng lahat ng mga taga-baryo kay Liezel. Wala na siyang mukha pang maihaharap sa mga ito.
Hindi naging madali ang buhay ni Liezel lalo na at kalat na ang nangyari sa kaniya. Hindi na rin naman siya pinanagutan pa ni Ramon dahil sa takot sa mga banta ng tunay na asawa nito.
Madalas kung maisip ni Liezel ang kaniyang buhay noon kasama si Bert. Doon niya napagtanto na kung nagpakabuti lamang siya ay maayos sana ang kaniyang buhay. Ngunit kahit anong pagsisisi pa ang kaniyang gawin ay huli na ang lahat. Pinipilit nang bumangon ni Bert mula sa sakit na dinulot ng mismong asawa.