Pinangunahan ng Biyenan ang Pangungutang para sa Binyag ng Apo; Nang Mangailangan ang Mag-Asawa ay Wala Silang Mahugot
“Mela, anak, itanong mo nga riyan sa asawa mo kung may balak ba siyang pabinyagan ‘yang anak n’yong si Khloey. Aba’y limang buwan na iyan pero hindi pa rin nabibinyagan!” sita ni Aling Ising sa kaniyang panganay na anak.
“Balak po kasi namin ni Larry na isabay na sa unang kaarawan ni Khloey ang binyag niya. Para sana isang gastusan na lang daw sabi ni Larry,” tugon naman ni Mela.
“At pumayag ka naman? Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao, anak? Bukod tanging si Khloey ang apo ko na hindi bininyagan kaagad. Saka alam mo naman ang kasabihan ng mga matatanda tungkol sa mga hindi pa binibinyagang bata. Mas malapit sila sa usog at sa mga elementong hindi nakikita,” dagdag pa ng ina.
“‘Nay, makabagong panahon na po ngayon. Saka ano naman ang pakialam ng kapitbahay natin kung hindi pa kami magpabinyag? E hindi naman sila ang gagastos,” depensa naman ni Mela.
“Alam mo, ikaw, Mela, nahahawa ka na sa kakuriputan ng asawa mo! Tingnan mo pati ang kaisa-isa n’yong anak ay tinitipid n’yo pa! Mabuti pa ang nakababata mong kapatid. Iniraos niya ang binyag at kaarawan ng kaniyang anak ng may magandang handaan. Aba’y hanggang ngayon ay hindi pa rin makalimutan ng ilang kaibigan ko ang piging na iyon. Tuwang tuwa sila at ang mga apo nila,” pahayag pang muli ni Aling Ising.
“Bahala na po, ‘nay. Gustuhin ko man pong mabinyagan na si Khloey ay hindi pa rin naman sapat ang naipon naming pera,” tugon pa ng anak.
Mahilig makialam at manghimasok sa mga desisyon ng kaniyang mga anak itong si Aling Ising. Lalo na pagdating sa panganay niyang si Mela. Hindi kasi siya bilib sa napangasawa nitong si Larry na isang tricycle driver lamang daw.
Linggo-linggo yata simula nang isilang ang batang si Khloey ay wala nang binanggit ang matanda kung hindi kailan ito pabibinyagan. Kaya nakukulitan na rin ang kaniyang anak na si Mela.
Kinagabihan ay kinausap na niya ang asawang si Larry tungkol sa pagpapabinyag ng kanilang anak.
“Hindi naman sa ayaw kong pabinyagan si Khloey. Gusto ko rin, Mela. Pero ayaw n’yo namang pumayag ng nanay mo na binyagan lamang si Khloey at magkaroon ng simple lamang na handaan. Marami tayong kailangang pagkagastusan at hindi basta-basta lang para sa atin ang maglabas ng malaki para lamang sa handaan,” sambit ni Larry sa asawa.
“May ipon naman tayo. Saka sabi ni nanay may malalapitan din daw siya na pwede nating hiraman ng pera kung nagkataon. Sayang naman kasi at kaisa-isang anak natin itong si Khloey tapos ay hindi natin maibigay sa kaniya ang dapat,” wika naman ni Mela.
“Inuuna nga ang mga pangangailangan niya kaya nga hindi mapagbigyan ang gusto n’yong bonggang binyagan. Minsan tuloy ay nanliliit ako sa sarili ko dahil hindi ko kayo mapagbigyan. Pero kung ako lang ang masusunod kahit na may pera tayo ay gagawin ko pa ring simple ang binyag. Ang mahalaga naman ay mabasbasan siya na maging isang Kristiyano. Ang pera na gagamitin sa malaking handaan ay ilalaan ko na lamang para sa mas mahalagang bagay tulad ng ilang pangangailangan niya o hindi naman kaya ay sa pag-aaral. Sana ay nauunawaan n’yo ako, Mela. Ayaw kong mangutang para lamang sa handaan,” muli pang sambit ni Larry.
“Pabibinyagan natin si Khloey sa lalong madaling panahon pero simple lamang ang handaan,” dagdag pa ng ginoo.
Nang malaman ni Aling Ising ang balak na ito ng kaniyang manugang ay agad niyang kinausap ang isa pa niyang anak.
“Tulungan mo nga ang ate mo na mangutang doon sa kakilala mo nang sa gayon ay maging maganda ang handaan sa binyag ng anak niya. Nakakahiya sa mga kapitbahay at sa ilang kakilala kung hindi sila maiimbitahan,” saad ni Aling Ising sa kaniyang anak.
Kaya lingid sa kaalaman ni Larry ay nangutang ang kaniyang biyenan sa ngalan ng mag-asawa.
Nang araw ng binyag ay nagulat na lamang ang mag-asawa nang pag-uwi nila ay marami nang handa at maraming bisita.
“Hindi ba mga ninong at ninang lang ang inimbitahan natin? Naunawaan naman ng iba ang nakayanan natin. Saan nanggaling ang lahat ng ito?” pagtataka ni Larry.
“Si nanay kasi. Ipinangutang niya tayo. Bale may utang tayong dalawampu’t limang libong piso. Pwera pa ang dalawang libong tubo raw na kailangan nating bayaran sa katapusan,” nahihiyang sambit ni Mela sa asawa.
Nabigla si Larry sa kaniyang narinig. Ang dapat sana ay masaya at pribadong pagdiriwang ay napalitan ng inis. Hindi na nakatiis pa si Larry at kinompronta ang kaniyang biyenan.
“Bakit hindi n’yo muna ito sinabi sa amin? Hindi po ba ay nag-usap na tayo na simpleng handaan lamang ang mangyayari? Bakit po pinangunahan n’yo kami?” naiinis sa wika ni Larry sa kaniyang biyenan.
“Aba’y dapat nga magpasalamat ka pa sa akin dahil kung hindi dahil sa akin ay baka langawin itong party n’yo. Baka laman na kayo ng tsismisan dahil sa kakaunti n’yong handa!” bulyaw naman ni Aling Ising.
“Paano po akong magpapasalamat, ‘nay? Ginawan n’yo kami ng utang para lang pakainin ang mga kapitbahay at mga bisita n’yo? Ni wala kaming gano’ng kalaking pera. Paano namin mababayaran ang inutang n’yo?” saad pa ng ginoo.
“Dapat kasi ay kumuha kayo ng may kayang mga ninong at ninang nang malaki ang pakimkim. Hindi kayo tumulad sa isa kong anak kaya nakabayad sila kaagad. Pipitsugin kasi ang mga kumare at kumpare n’yo!” sambit muli ni Aling Ising.
Napailing na lamang si Larry sa mga tinuran ng kaniyang biyenan. Habang si Mela naman ay nakayuko na lamang at hiyang-hiya sa sagutan ng kaniyang asawa at ina.
Imbis na humingi ng tawad ay nagmalaki pa itong si Aling Ising.
Dahil nga kailangang makabayad agad ng mag-asawa sa pagkakautang kung hindi ay lalaki ang tubo nito’y napilitan silang ilabas ang lahat ng kaniyang ipon. Nakuha tuloy ding isanla ni Larry ang kaniyang tricycle.
Akala ni Larry ay matatapos na ang lahat ng sakit ng ulo ngunit isang araw ay bigla na lamang inaapoy ng lagnat ang kanilang anak na si Khloey.
“Ayaw talaga bumaba ng lagnat ni Khloey, Larry. Dalhin na natin siya sa ospital,” saad ng nag-aalalang si Mela.
Sinalat ni Larry ang kaniyang bulsa at wala man lamang itong kalaman-laman. Ngunit kahit gano’n ay agad pa rin nilang sinugod ang bata sa ospital.
Sa kasamaang palad ay tinamaan ng dengue ang kanilang anak at kailangan itong salinan ng dugo.
“Paano na ‘yan ngayon? Ni singko ay wala ako. Hindi ko rin alam kung saan mangungutang dahil nagkanda baon-baon na tayo sa utang dahil tumutubo nang tumutubo ang inutang ng nanay mo!” wika ni Larry.
Nang malaman ni Aling Ising ang nangyari sa kaniyang apo ay wala rin itong magawa dahil wala rin naman itong pera. Wala na rin itong mautangan dahil sa kaniyang sandamakmak na utang.
Sa puntong iyon ay nais na sana ni Larry na mawalan ng pag-asa ngunit dumating ang kaniyang kapatid at pinautang siya. Dahil doon ay natugunan ang lahat ng pangangailangan ni Khloey sa ospital.
Sising-sisi at hiyang-hiya si Mela dahil sa pakikinig niya sa kaniyang ina. Kung hindi sana naubos ang kanilang ipon dahil lamang sa binyag ay hindi na nila kailangan pang mahirapan sa pagpapagamot sa anak.
“Pasensiya ka na sa nagawa ng nanay ko, Larry. Pasensya ka na rin sa akin dahil hindi ko siya nagawang pigilan. Hindi ako naging mabuting asawa sa’yo at responsableng nanay kay Khloey. Dapat ay sumang-ayon ako sa desisyon mo. Hinding-hindi na mauulit ang bagay na ito, pangako,” wika ni Mela sa asawa.
“Ang nais ko lang naman ay maging handa lalo sa mga oras na katulad nito. Hindi importante sa akin ang sasabihin ng ibang tao kung hindi man tayo maghanda. Ang importante sa akin ay natutugunan ko ang mga pangangailangan niyo ng anak natin. Doon lang ay masaya na ako at alam kong naging mabuti akong padre de pamilya,” wika naman ni Larry.
Sa wakas ay nawala na ang sama ng loob ni Larry sa kaniyang asawa. Hindi man siya nakatanggap ng paumanhin mula sa kaniyang biyenan ay pinatawad na rin niya ito. Ngunit hindi na nila hinayaan pang mag-asawa na makialam ito sa kanilang buhay.
Tuluyan nang gumaling si Khloey at naiuwi na rin nila ito sa ospital. Ngayon ay muling babangon mula sa pagkakautang ang mag-asawa. Nangako silang pag-uusapan muna nang maayos ang lahat lalo na sa usapang pinansyal bago gumawa nang anumang aksyon.