Pinagtatawanan ang Binata dahil sa Pangarap Niyang Makarating ng Maynila; Hindi Nila Inaakala ang Swerteng Kaniyang Matatagpuan
“Ano kaya talaga ang itsura ng Maynila, ano, Uro? Matagal ko nang pangarap kasi na pumunta ro’n. Totoo kaya ang sinasabi nila na gaganda ang buhay mo kapag nakapagtrabaho ka sa Maynila?” pahayag ng binatilyong si Atan sa kaniyang kaibigan habang nanunguha sila ng mga panggatong sa kakahuyan.
“Aba’y hindi ko rin alam, Atan, dahil hindi pa naman ako napapadpad sa Maynila. Ngunit ang tanging alam ko lang kapag pupunta kami sa bayan ni tatang ay marami ding taga-Maynila ang namamangha sa lugar natin at nais na dito manirahan. Kung tunay na maganda sa Maynila ay bakit pa nila nais na tumira dito?” tugon naman ni Uro.
“Basta ako, Uro, kapag may pagkakataon ay pupunta talaga ako sa Maynila at magtatrabaho ako roon. Malay natin baka iyon na ang pagkakataon ko para para maiahon ang pamilya ko sa hirap,” dagag pa ni Atan.
Ilang sandali lang ay papalapit na ang tiyahin ni Atan na si Mercy at narinig nito ang pinag-uusapan ng magkaibigan.
“Hoy! Bilisan mo riyan at kanina ka pa namin hinihintay para sa mga panggatong! Para kang babae kung kumilos, napakabagal mo! Saka mo na isipin ang pagpunta sa Maynila kung may pinag-aralan ka dahil hindi mabubuhay do’n ang mga walang narating sa buhay! Sumunod ka na sa akin at mangunguha pa kayo ng tiyuhin mo ng buko!” saad pa ni Aling Mercy.
Kaya agad na sumunod si Atan sa kaniyang tiya at umalis na silang magkaibigan sa kakahuyan.
Nang mailapag na niya ang mga panggatong ay agad siyang umakyat ng puno upang mamitas ng mga buko.
Habang nasa itaas siya ng puno ay patuloy pa rin ang pangungutya sa kaniya ng kaniyang tiyahin.
“Kapag nariyan ka sa taas ng puno ay tinitingala ka namin. Marahil ay ‘yan na lang ang tanging paraan para umangat ka sa buhay. Tigilan mo na ang pangarap mong pumunta sa Maynila at hindi ka nabibilang doon!” natatawang kantyaw kay Atan ng kaniyang Tiya Mercy.
Ngunit walang makakapigil kay Atan na tuparin ang pangarap na magtrabaho sa Maynila. Nais niya itong gawin para sa kaniyang ama na may sakit at upang hindi na rin magtrabaho ang kaniyang ina sa koprahan.
Isang malalim na gabi ay kinatok ni Atan si Uro sa bahay nito.
“Uro, sasama ako sa trak na magdadala ng buko sa Maynila. Gusto mo bang sumama sa akin?” tanong ng binata sa kaniyang kaibigan.
“Kailan mo pa ito pinagdesisyunan, Atan? Hindi ako basta pwede na lang aalis dito dahil walang makakatulong ang mga magulang ko sa taniman. Pasensya ka na at hindi kita masasamahan ngayon,” sambit naman ni Uro.
Dahil dito ay mag-isa na lang isinakatuparan ni Atan ang kaniyang balak na pagpunta ng Maynila.
“Alam kong hahanapin ako nila tatay at nanay. Pero sana maunawaan din nila na ang gagawin kong ito ay para sa kanila rin. Pagbalik ko ay nangangako akong bibigyan ko sila ng magandang buhay!” sambit niya sa kaniyang sarili habang nakatanaw sa kanilang bahay.
Dali-dali nang lihim na sumampa itong si Atan sa trak na maghahatid ng buko sa Maynila. Hindi na niya nagawa pang matulog sa pagkasabik na makita ang Maynila.
Nang makakita siya ng matatayog na gusali ay inabangan niya ang pagtigil ng trak saka siya tuluyang tumalon pababa.
Lumanghap siya ng hangin at saka siya agad na nagtungo sa isang gusali upang mag-apply ng trabaho. Ngunit hindi pa man nakakalapit ay pinapaalis na siya ng guwardiya.
“Nais ko lang naman pong maghanap ng trabaho!” saad ni Atan sa guwardya.
“Hindi nararapat ang isang kagaya mo sa gusali na ito. Magbihis ka muna ng tama at ayusin mo ang sarili mo baka sakaling papasukin kita!” sita naman ng guwardiya.
Sa dami ng gusaling nais niyang pasukan at ilang beses na nakaranas ng pantataboy ay dito na napagtanto ni Atan na hindi pala madali ang buhay sa Maynila. Lalo na nang datnan siya ng gutom dahil mahal ang lahat ng bilihin. Nais man niyang kumain sa pagkakataong iyon ay hindi sapat ang kaniyang pera.
Dito na simulang pinanghinaan ng loob itong si Atan. Napagtanto niyang malayong malayo ang Maynila sa kinalakihan niyang probinsiya. Walang mga dagat kung saan pwede siyang manghuli ng isda upang may ilaman sa kaniyang sikmura. Maging ang tubig ay binibili rin.
Naglakad-lakad na lamang si Atan nang sa gayon ay makahanap ng lugar kung saan siya pwede magpalipas ng gabi. Patingin-tingin siya sa mga naglalakihang gusali nang masipat ng kaniyang mga mata ang isang bata na nasa ika-apat na palapag, mag-isa, at nakadungaw sa veranda.
Maya-maya ay nadulas ito at akmang mahuhulog. Pilit na isinasalba ng bata ang kaniyang sarili. Nang makita ito ni Atan ay walang kaabog-abog ay nilapag niya ang kaniyang mga gamit at mabilis na inakyat ang gusali. Dahil sanay sa pag-akyat sa puno ng mataas na buko ay hindi inalintana ni Atan ang taas ng kaniyang aakyatin.
Narating si Atan ang kinaroroonan ng bata at saka niya ito pilit na isinampa ulit sa veranda upang makapasok sa kanilang bahay.
Napapalakpak naman ang ilang taong nakakita sa kaniyang kabayanihan. Nang masiguro ni Atan ang kaligtasan ng bata ay saka siya bumaba ng gusali. Pinulot niya ang kaniyang mga gamit at akmang aalis na.
Hindi pa man nakakalayo itong si Atan ay isang lalaki ang tumawag sa kaniya. Ito pala ang ama ng bata.
“Alam ko na ikaw ang nagligtas sa buhay ng anak ko. Nais sana kitang pasalamatan. Utang ko sa iyo ang buhay ng aking anak,” sambit ng lalaki.
“Kailangan mo ba ng pera? Sabihin mo lang kung magkano at kung kaya ko’y ibibigay ko sa iyo!” dagdag pa ng ginoo.
“Ginoo, bata pa lang po ako ay nais ko nang makatungtong dito sa Maynila dahil sa pag-aakalang narito ang kasagutan upang maiahon ko ang naghihirap kong pamilya sa probinsya. Ngunit ano nga ba ang puwang ng isang tulad kong walang pinag-aralan sa lugar na ito? Nais ko na lang po sanang umuwi na lang sa amin nang sa gayon ay makatulong ako ulit sa mga magulang ko sa taniman. Iyan na lang po ang hihilingin ko sa inyo,” nahihiyang sambit ni Atan.
Dahil naantig ang kalooban ng ginoo sa sinabi ni Atan ay higit pa sa hiling nitong pamasahe ang ibinigay niya sa binata.
“Trabaho, kaya kitang bigyan ng trabaho, hijo. Habang nagtatrabaho ka ay pwede ka ring mag-aral nang sa gayon ay makamit mo talaga ang minimithi mo sa buhay. Nais kitang tulungan. Kung hindi dahil sa’yo ay wala na ang anak ko. Tanggapin mo ang lahat ng tulong ko sa’yo bilang pasasalamat,” wika pa ng ginoo.
Napakaswerte ni Atan dahil ang ama pala ng kaniyang tinulungan ay may-ari ng isang tindahan ng mga hardware. Binigyan siya nito ng trabaho sa kaniyang negosyo at bukod pa doon ay pinag-aral siya nito.
Tinulungan din siya ng ginoo na makauwi muna sa kanilang probinsya nang sa gayon ay makapagpaalam siya sa kaniyang mga magulang.
“Nanay, tatay, ito na po ang simula ng pag-ahon ko sa inyo sa kahirapan. Ipinapangako ko pong gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para hindi masayang ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Panginoon,” sambit ni Atan sa kaniyang mga magulang.
Hindi makapaniwala ang lahat sa nangyari kay Atan. Maging ang kaniyang Tiya Mercy na laging kumukutya sa kaniyang mga pangarap ay napatulala nang malaman ang kinahantungan ng binata sa Maynila.
“Kapag talagang busilak ang iyong kalooban ay gagantimpalaan ka ng Panginoon. Hindi na ako nagtataka, anak, kung bakit iniabot sa iyo ng Diyos ang ganiyang swerte,” saad ng ina ni Atan sa kaniya.
Nagpatuloy sa pag-aaral habang nagtatrabaho itong si Atan sa Maynila. Baon niya sa bawat araw ang pag-asang isang araw ay tuluyan niyang maiahon ang kaniyang pamilya mula sa kinasasadlakang kahirapan.