Inday TrendingInday Trending
Atat na ang Babaeng Makahanap ng Trabaho Dahil Nakatapos na Siya sa Kolehiyo; Labis Siyang Napahiya Nang Mag-Apply Siya sa Isang Kumpanya

Atat na ang Babaeng Makahanap ng Trabaho Dahil Nakatapos na Siya sa Kolehiyo; Labis Siyang Napahiya Nang Mag-Apply Siya sa Isang Kumpanya

Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Jinky dahil sa wakas ay magtatapos na siya sa kolehiyo.

“Siguradong madali akong makakahanap ng trabaho, inay, sa oras na mahawakan ko na ang aking diploma. Hinding-hindi na tayo magigipit sa pera,” excited niyang sabi sa ina.

“Sa dami ng mga magsisipagtapos ngayong taon ay marami kang magiging kakumpetensiya, anak. Basta maging totoo ka lang sa sarili mo at maging masipag sa paghahanap ng trabaho,” sagot naman ni Aling Timotea.

“Hay naku, inay, tiyak na hindi ako mahihirapan sa paghahanap ng trabaho dahil tapos na ako sa kolehiyo at may diploma na ako. Ang mga kumpanyang ‘yan ang magkakandarapa na kunin ako,” tiwalang tugon ni Jinky.

Nang sumapit ang araw ng pagtatapos niya ay mas lalong pinagtibay ang kaniyang kumpiyansa sa sarili. Hindi na siya estudyante, isa na siyang titulado kaya buong-buo ang tiwala niya na magkakaroon agad siya ng magandang trabaho na may malaking suweldo.

Habang tinatanggap ni Jinky ang diplomang sagisag ng apat na taong pag-aaral niya sa kolehiyo ay hindi pa rin maalis ang ngiti sa kaniyang mga labi.

“Yehey! Tapos na ako, gradweyt na ako! Wala nang problema. Tapos na ang mga araw na nakakabagot sa loob ng klase. Tapos na rin ang pakikipag-plastikan ko sa mga ayaw kong kaklase at hindi ko na makikita ang nakakabuwiset kong mga propesor,” bulong niya sa isip.

Nang makakuwentuhan niya ang kaklase niyang si Georgie ay naglabas sila ng mga hinaing tungkol sa kanilang pagiging estudyante.

“Salamat naman at tapos na ang paggising natin nang maaga at paggawa ng assignments,” sabi ng kaniyang kaklase.

“Oo nga eh, tapos na rin ang panahon ng pagre-review kapag may exams at pakikipag-utuan sa mga propesor natin,” sagot niya.

Ilang araw matapos ang graduation ay pinaghandaan na niya ang panibagong yugto ng kaniyang buhay. Nagpunta siya sa mall para bumili ng bagong damit at sapatos, nagpunta rin siya sa salon para magpagupit ng buhok. Kailangan na maayos ang hitsura niya at presentable siya. Ngayong tapos na siya sa pag-aaral at may hawak nang diploma ay may karapatan na siyang maghanap ng trabaho. Una niyang pinuntahan ang isang kumpanya sa Makati.

“You are Jinky May Malabanan, right?” tanong ng HR staff na mag-iinterview sa kaniya.

“Yes ma’am!” malakas niyang sagot.

Ngunit nabigla siya sa sinabi nito.

“I’m sorry, you are not qualified for the job you are applying, Ms. Malabanan,” wika ng babae.

“B-bakit ma’am? Hindi niyo pa nga po ako nai-interview,” gulat niyang tanong.

“Pasensya na, pero base rito sa transcript of records mo, eh hindi ka qualified sa posisyong inaaplayan mo kaya hindi na kita iinterbyuhin,” sabi ng HR staff.

Gigil na na gigil na umalis si Jinky sa opisinang iyon.

“Bakit ganon? May diploma na akong pinanghahawakan, katibayan na nakapagtapos na ako kaya imposibleng hindi ako qualified sa posisyong inaplayan ko?” inis niyang tanong sa sarili.

Nang umuwi siya sa kanila ay todo reklamo siya.

“Walang kwentang kumpanya ‘yon, hindi ako tinanggap kasi hindi raw ako qualified!” aniya sa malakas na boses.

“Marami pa namang kumpanya na puwedeng mong aplayan, anak, kasi tapos ka na sa kolehiyo,” tugon ni Aling Timotea.

“Talaga, inay! Hindi lang ang kumpanyang ‘yon ang kumpanya sa Pilipinas, marami pang mas malaking kumpanya na maaari kong aplayan ‘no! Hindi ko kailangan ang pipitsuging kumpanyang ‘yon na hindi alam kung gaano kahalaga ang tulad kong college graduate at may hawak na diploma!” anas ni Jinky.

Ngunit nang muli siyang nag-apply sa isang malaki at kilalang kumpanya…

“I’m sorry, Ms. Malabanan, your are not qualified,” sabi ng HR Manager.

“Teka, b-bakit ganoon? I finished my college degree, hindi ba iyon lang naman ang hanap niyo sa kumpanyang ito? At isa pa, hindi pa ba sapat ang diploma ko para matanggap sa trabaho?” sambit niya sa lalaking HR Manager. Hindi na niya natiis ang sarili na sagutin ang kaharap.

Napataas ang kilay ng lalaki.

“A-ano? Na dahil nakapagtapos ka na sa kolehiyo ay tatanggapin ka na kaagad sa trabaho? Of course not, hija,” anito.

Hindi nakapagsalita si Jinky.

“Dahil ayon dito sa records mo, naging pabaya ka sa pag-aaral. Mabababa ang grades mo, may mga subjects kang inulit at halos pasang-awa ang karamihan. Hindi rin porket may diploma ka ay kuwalipikado ka na sa trabahong inaaplayan mo. Negosyo ito, at ang kailangan namin ay isang tao na may magandang record,” tahasang sagot ng HR Manager.

Hindi nakakibo si Jinky. Sobra siyang napahiya sa sinabi ng lalaki.

“And to tell you frankly, Mis Malabanan… hindi ako tulad mong nakatapos ng kolehiyo,” muling sabi ng HR Manager.

Napamulagat si Jinky.

“Eh, b-bakit kayo nandito?”

“Dahil maganda ang records ko, kahit undergraduate ako, pinagkatiwalaan ako ng kumpanyang ito at ng aming boss. Sa ngayon, ipinapapatuloy ko ang pag-aaral ko, I mean, ipinagpapatuloy ko ang magandang records ko sa eskwelahan, hija,” wika ng HR Manager.

Hindi makapaniwala si Jinky na hindi pala lahat ng nagtatrabaho sa kumpanyang iyon ay may diplomang pinanghahawakan gaya ng HR Manager na nag-interbyu sa kaniya na kahit hindi nakapagtapos ay mayroong mataas na posisyon kaya halos hindi na siya makahakbang nang lisanin niya ang opisina sa sobrang pagkapahiya.

Ang hindi alam ni Jinky, ang pinakamatibay palang dapat panghawakan ay ang pagkakaroon ng magandang record. Mas mahalaga ang mabubuting nagawa habang nasa panahon ng pag-aaral at iyon ang kulang sa kaniya. Wala siyang maipagmamalaking record kundi ang diploma lang.

Tandaan na ang pagtatapos sa kolehiyo at ang pagkakaroon ng diploma ay hindi garantiya na tapos na ang pagharap sa buhay dahil nagsisimula pa lang ang totoong hamon nito pagkatapos ng pag-aaral sa eskwelahan.

Advertisement