Tuwang-Tuwa ang Binata Dahil ang Gusto ng Babaeng Bago Nilang Kapitbahay ay Lalaking Magaling sa Kama; Laking Pagsisisi Niya Nang Sumama Siya Rito

Tuwang-Tuwa ang Binata Dahil ang Gusto ng Babaeng Bago Nilang Kapitbahay ay Lalaking Magaling sa Kama; Laking Pagsisisi Niya Nang Sumama Siya Rito

FunKarmaStories

Guwapo at kilalang matinik sa babae si Magnus kaya pati mga kaibigan niya ay nahahawa rin sa pagiging babaero niya.

Isang araw ay bigla siyang nagtaka dahil hindi niya naabutan sa labas ng bahay ang maiingay at makukulit niyang kabarkada.

“Aba, nakakapanibago yata! Wala ang mga tropa kong many*kis!” bulong niya sa isip.

Kilalang-kilala niya ang mga kaibigan niya. Alam na alam niya kung ano ang nasa isip ng mga ito.

“At kapag ganitong tahimik at hindi ko sila nakikita, ang ibig sabihin nito’y may kabalbalan na namang ginagawa ang mga loko,” natatawang sabi niya sabay napapailing na lang.

Naglakad-lakad si Magnus at hinanap ang mga kaibigan niya hanggang sa matagpuan niya ang mga ito. Hindi nga siya nagkamali sa kaniyang hinala.

“Grabe, tingnan niyo! Napakaganda at napakaseksi ‘di ba?” wika ng kaibigan niyang si Toto.

“Oo nga, pare, palung-palo ang mga hita,” sambit naman ni Jess.

“Kakagigil mga ‘tol! Ang puti-puti!” gigil na sabi ni Romeo.

“Hoy, umalis nga kayo riyan at ako naman ang sisilip!” inis na wika naman ni Lario.

“Sinasabi ko na nga ba eh,” sabi ni Magnus sa sarili habang pigil ang pagtawa.

At bigla niyang sinira ang diskarte ng mga loko niyang kaibigan.

”Hoy! Anong sinisilip niyo riyan?” aniya.

Sabay-sabay na napatingin sa kanya ang apat.

“Ssshhh… Huwag kang maingay diyan pareng Magnus at baka marinig tayo ni seksi sa kabila,” wika ni Toto.

“Sino na naman ‘yang ina-aswang niyo?” tanong niya.

“May bago kasi tayong kapitbahay na bagong lipat sa kabilang bakod, pare, at napakaganda at napakaseksi,” sabad ni Jess.

“Ganoon ba? Baka naman katulong na naman ‘yang inaariba niyo ha?” tanong ni Magnus.

“Naku, dehins, pare!” mabilis na sagot ni Romeo.

“Kung gusto mong makita ay sumilip ka rito,” yaya ni Lario.

At nang sumilip siya sa bakod ay hindi siya nakakurap sa kaniyang nakita. Isang maganda at seksing babae nga ang naroon.

“Wow! Ang ganda at ang seksi nga mga pare!” tugon ng binata.

“Sabi ko na sa iyo, eh. Mukhang kolehiyala at mukhang taga-Maynila,” sabi ni Toto.

Nang masulyapan ang bago nilang kapitbahay ay nabuhay ang pagiging matinik sa chiks ni Magnus. Hindi siya papayag na hindi madiskartehan ang maganda at seksing babae na nasa kabilang bakod.

“Aba’y walang mangyayari sa inyo kung puro sulyap at titig lang kayo riyan!” aniya.

Sa sinabi niyang iyon ay nakatunog na ang mga kaibigan niya.

“Hoy, tirhan mo kami, pare ha? Huwag mong uubusin,” tatawa-tawang sabi ni Romeo.

“Oo nga, pareng Magnus. Ipakilala mo rin kami sa bebot na ‘yon ha?” sabad naman ni Lario.

“Ang suwerte naman ni pareng Magnus, mauuna nang maka-iskor,” sabi ni Jess.

“Iba talaga kapag ubod nang guwapo eh,” pailing-iling na wika ni Toto.

Dali-dali siyang sumugod sa bahay ng bago nilang kapitbahay para makipagkilala.

“Hello, ikaw ba ang bagong lipat diyan?” lakas loob niyang tanong.

“Hi, oo ako nga. Ako pala si Shirley,” sagot naman ng babae.

“At ako nga pala si Magnus. Diyan lang ako nakatira sa kabilang kanto,” tugon ng binata.

“Naku, tamang-tama ang dating mo. Baka naman matulungan mo ako,” sambit ng babae.

“Oo naman. All the time, ready akong tumulong. Eh, ano ba ang maipaglilingkod ko?”

“May kilala ka bang lalaki na magaling sa kama?” tanong ni Shirley.

Muntik nang mabilaukan si Magnus sa narinig.

“Ano? Totoo ba ‘yung narinig kong kailangan mo ng lalaking magaling sa kama?” gulat niyang tanong sa kausap.

“Oo. Huwag mag-alala at babayaran ko naman siya,” tugon ng babae.

Gustong maglulundag sa tuwa si Magnus dahil tila nagpapahiwatig ang babae sa kaniya. Hindi kasi maikakaila na maganda siyang lalaki at may maipagmamalaking hubog ng katawan kaya maraming babae ang sa kaniya’y nagkakagusto.

“Bakit ka pa maghahanap ng iba, eh narito naman ako? Ako na lang ang kunin mo,” agad na sabi ng binata.

“Bakit? Marunong ka ba sa kama?” tanong ni Shirley.

“Aba’y oo. Subukan mo ako, magaling ako sa kama at kahit anong puwesto ang gusto mo. Marami akong kayang gawin.”

Napangiti ang babae.

“Sige, tingnan natin. Halika sa loob tayo,” yaya ni Shirley.

Nang makita ng mga kaibigan ang tangkang pagpasok ni Magnus sa bahay ng magandang babae ay inggit na inggit ang mga ito.

“Nakupo! Kumagat ang pain,” bulong ni Toto.

“Ang tinik talaga ni pareng Magnus, kakainggit!” sambit ni Lario.

Lihim namang natatawa si Magnus nang sulyapan ang apat.

“Manigas kayo riyan sa kakasilip pero itong sa akin ay may pupuntahan,” bulong niya sa isip.

“Papa, papa!” sigaw ng babae sa labas ng pinto.

“T-teka, nandiyan pala ang papa mo, Shirley?” tanong niya sa babae at biglang kinabahan.

Maya-maya ay biglang bumukas ang pinto at lumabas ang isang matangkad at maskuladong lalaki. Mas malaki pa ang pangangatawan kaysa kay Magnus. Nakasuot ito ng uniporme ng pulis.

“O, darling, siya ba ang gagawa ng kama natin?” tanong ng lalaki na may malaking boses.

“Oo, at ‘di lang siya sa kama magaling kundi pati sira nating sofa at mesa ay ipapagawa natin sa kaniya dahil marami raw siyang kayang gawin!” nakangising sabi ni Shirley.

Isa palang alagad ng batas ang asawa ni Shirley. Dahil sa takot na baka mabuko siya sa tunay niyang intensyon sa babae ay wala na siyang nagawa kundi ang gawin ang gusto ng mga ito. Paglabas niya sa bahay na iyon ay lulugu-lugo siyang humarap sa mga kaibigan.

“Ano pareng Magnus? Mukhang pagod na pagod ka ha? Ano ayos ba?” tanong ni Jess.

“Anak ng tokwa! May asawa na pala ang babaeng iyon at pulis pa, iba palang magaling sa kama ang gusto niya, ang gusto pala ay magaling mag-ayos ng kama,” atungal ni Magnus.

Hagalpakan sa pagtawa ang apat niyang kaibigan. Ang akala ng mga ito ay masuwerte na siya, iyon pala ay kamalasan pa ang kinahantungan niya. Imbes na sarap ay hirap pa ang inabot niya sa maghapong pag-aayos ng mga sirang gamit ng mag-asawa. Sa sobrang hilig niya ay siya pa ang napasubo. Pagod man siya ay kumita naman siya sa ginawa niya, ‘di ba?

More Stories