Nangungupit ng Paninda sa Asawa ang Lalaking Ito, Saan Niya Kaya Dinadala ang mga Produktong Ito?
“Aling Belen, baka gusto mo nitong binebenta kong body wash! Galing Amerika ito, hahalimuyak talaga ang bango mo kapag ginamit mo ito sa pagligo mo! Isang daan na lang ito, murang-mura na!” panggogoyo ni Enteng sa ginang na palagi niyang napagbebentahan ng kung anu-anong mga gamit, isang hapon nang makita niya itong nagtitinda ng meryenda sa harapan ng bahay nito.
“Naku, Enteng, kahapon lang ako bumili ng damit na terno sa’yo, ngayon naman body wash ang ibebenta mo sa akin. Aaraw-arawin mo ba talaga ako?” masungit na sigaw sa kaniya ng ginang na ikinatawa niya.
“Depende, Aling Belen, kung araw-araw akong may makukupit sa paninda ng asawa ko,” patawa-tawa niyang sambit.
“Napakaloko mo talaga! Bakit ka ba kupit nang kupit sa asawa mo, ha? Imbis na kumita ‘yon, nalulugi dahil sa’yo! Saan mo ba dinadala ang perang pinagbebentahan mo nito?” pang-uusisa pa nito dahilan para mapakamot siya ng ulo.
“Aba siyempre, sa gamot na nagbibigay saya sa akin,” bulong niya rito, agad naman siya nitong binatukan dahil doon.
“Diyos ko, ngayong sinabi mo sa akin ‘yan, hindi na ako magpapauto sa’yo! Baka mamaya, madamay pa ako kapag nahuli ka ng mga pulis!” sigaw nito sa kaniya.
“Aling Belen, naman!” pagmamakaawa niya.
“Ay, naku, umuwi ka na sa inyo!” bulyaw nito sa kaniya, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang umalis na lang doon at maghanap ng ibang pupwedeng pagbentahan.
Sa tuwing walang mahugot na pera sa kaniyang bulsa, agad na kumukupit sa paninda ng kaniyang asawa ang padre de pamilyang si Enteng. Hindi naman niya magawang manghingi sa kaniyang asawa dahil alam nito kung saan niya dadalhin ang pera at dahil nga hindi mapigilan ang tawag ng kaniyang katawan, gumagawa siya ng paraan upang matugunan ito.
Nagbebenta ng mga damit, abubot sa katawan, sapatos at kung ano pang mga gamit ang kaniyang asawa na binebenta nito sa social media. Ito ang tanging bumubuhay sa kanilang pamilya dahil wala naman siyang permanenteng trabaho. Maswerte na siya kung isang buong linggo, mayroon siyang trabaho sa construction. Madalas pa kapag siya’y sumasahod, napupunta sa bisyo ang kaniyang pera na labis na ikinaiinis ng kaniyang asawa.
Nitong mga nakaraang buwan na walang tumatawag sa kaniya para magtrabaho, naisipan niyang ibenta nang mas mura ang paisa-isang produktong nakukupit niya sa kaniyang asawa at kapag ito’y nabenta na niya, agad siyang didiretso sa bahay ng kaniyang kumpare at doon gagamit ng pinagbabawal na gamot.
Kahit hindi na siya makapagmeryenda o kahit maglakad na lang siya pauwi, basta makatikim lang siya ng gamot na ito, masaya na siya.
Kaya naman, ganoon na lang siya nadismaya nang tanggihan siya ng suki niyang ginang sa binebenta niyang body wash. Ngunit agad naman itong napalitan ng saya nang maibenta niya ito sa isang dalagang nakasalubong niya. At dahil nga siya’y may pera na, agad na siyang nagpunta sa bahay ng kaniyang kumpare. Nagpakita lamang siya rito at agad na siya nitong inabutan ng isang pakete kapalit ng kaniyang pera.
Kaya lang, paakyat pa lang sana siya sa itaas na bahagi ng bahay nito, nakarinig siya ng isang sigaw na talaga nga namang nakapagpatigil sa kaniya.
“Dapa! Pulis ‘to! Huwag na kayong gumalaw kung ayaw niyong mabawian ng buhay!” sigaw ng isang pulis dahilan para siya’y mapapikit at mapadapa.
Agad niyang tinapon sa bintana ang hawak niyang pakete upang siya’y mapawalang-sala, kaya lang, nakita pala ito ng isang pulis dahilan para pilipitin nito ang kaniyang kamay.
“Maghuhugas kamay ka pa, ha?” sambit nito na ikinailing niya na lamang.
Diniretso na sila agad ng mga pulis na ito sa kulungan at doon na siya naabutan ng kaniyang asawang iyak nang iyak.
“Wala ka namang pera, Enteng, paano ka nakakabili ng gamot na ‘yon?” iyak nito, wala na siyang ibang pagpipilian kaya agad na siyang umamin sa asawa na lalo nitong ikinaiyak, “Paano na ako ngayon? Paano ko mag-isang bubuhayin at aalagaan ang mga bata?” dagdag pa nito na talaga nga namang dumurog sa puso niya.
Doon niya labis na napagtanto kung gaano siya kawalang kwentang asawa at ama. Wala na siyang hanapbuhay, sakit pa siya sa ulo ng mga ito.
“Kung nakapagtiis lang sana ako at naging tapat sa asawa ko, sana malaya ako at may pagkakataon pang maghanap ng maayos na trabaho,” iyak niya habang baluktot na natutulog sa selda.