Inday TrendingInday Trending
Tubig Gripo ang Ibinebenta ng Lalaking Ito Bilang Inuming Tubig, Paano kaya Siya Nabisto?

Tubig Gripo ang Ibinebenta ng Lalaking Ito Bilang Inuming Tubig, Paano kaya Siya Nabisto?

“Mahal, nakita mo na ba ‘yong sira sa filter ng tubig natin? Paano ‘yan? Wala pa tayong pera pangbili ng bago o kahit pangpaayos man lang noon. Mapipilitan ba tayong isara ang nag-iisa nating pinagkakakitaan?” nag-aalalang tanong ni Herlin sa kaniyang asawa, isang umaga nang makita niyang hindi gumagana ang bagong bili nilang filter sa negosyo nilang water station.

“Hindi, mahal, hindi ako papayag. Maghahanap tayo ng paraan. Ang laki ng perang nilabas natin, hindi pupwedeng hindi pa natin ‘yon nababawi, lugi na agad tayo,” tugon ni Ryan nang makumprimang sira nga ang naturang filter.

“O, paano nga ang gagawin natin?” tanong pa ng kaniyang asawa.

“Edi magbenta pa rin tayo ng tubig kahit na hindi napadaan sa filter,” sagot niya na labis nitong ikinabigla.

“Ibig mong sabihin, kung anong tubig ang nakukuha natin sa gripo, ‘yon ang ilalagay natin sa mga galon?” pagkaklaro nito.

“Oo, hindi naman ‘yon mahahalata ng mga kustomer natin. Saka dati nga, iyon lang ang iniinom natin, hindi ba? Parehas naman ang lasa. Basta siguraduhin lang nating malinaw ang tubig na ilalagay natin doon,” sambit niya pa saka nagsimula nang maglagay ng tubig na galing sa gripo sa mga asul na galon.

“Pero, mahal…” awat nito sa kaniya.

“Huwag ka nang maraming satsat para sa negosyo natin ‘to!” sigaw niya rito dahilan para mataranta itong gayahin kung ano ang kaniyang ginagawa.

Dugo at pawis ang pinuhunan ng padre de pamilyang si Ryan upang maipatayo ang pangarap nilang water station ng kaniyang may bahay. Nagdoble kayod siya para lamang makaipon pangpuhunan sa ganitong klaseng negosyo.

Pumapasok siya bilang isang call center agent sa gabi habang nagtitinda naman sila ng kaniyang asawa ng milktea, meryenda at kung ano pang pupwedeng itinda para lamang makaipon.

Halos isang taon din ang itinagal bago sila makapag-ipon ng sapat na pera para sa negosyo nilang iyon at talaga na namang ganoon na lang ang saya niya nang unti-unting makitang natutupad na ang pangarap nilang mag-asawa.

Sinimulan nila ito sa pagpapagawa ng kanilang pwesto, bumili sila ng mga kinakailangan gamit, nagpakabit ng metro ng tubig, at humakot ng mga kustomer. Sa bawat hakbang na ito na kanilang ginawa, labis na nasubok ang kanilang kagustuhang maabot ang pangarap nilang ito.

Kaya naman, nang mabuksan na nila ang water station na ito, ganoon na lang ang sayang naramdaman nilang mag-asawa. Lalo na si Ryan, pakiramdam niya, siya na ang pinakamatagumpay na tao sa buong mundo.

Ngunit, doon pa lang pala nagsisimula ang hamon ng kaniyang pangarap dahil halos ilang buwan pa lang silang nagtitinda, nagkaaberya na kaagad ang ginagamit nilang filter upang malinis at gawing inuming tubig ang tubig na galing sa gripo.

At dahil nga ayaw niyang matigil ang negosyo nilang ito, umisip siya ng paraan kung paano ito maipagpapatuloy. Hindi man tama ang kaniyang naisip na paraan, kumagat na siya rito para lamang patuloy na kumita ang kanilang negosyo. Pangungumbinsi niya sa sarili, “Hindi naman ito mahahalata ng mga kustomer namin, pare-parehas lang naman ang lasa ng tubig!”

Ginawa niya nga ang plano niyang ito at ganoon na lang ang tuwa niya nang maramdamang hindi nga ito nahahalata ng kaniyang mga kustomer. “Ayos din pa lang magbenta ng tubig kahit hindi nasasala, eh. Malaki na ang kita, nakakatipid pa sa kuryente!” patawa-tawa niyang sambit habang nagpupuno ng mga galon ng tubig.

Kaya lang, maya-maya, bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa barangay. Mayroon daw siyang isang kustomer na naospital dahil sa inuming tubig.

“Paano nangyari ‘yon?” pag-iinarte niyang inosente.

Pagdating niya sa barangay, naroon ang isa sa kaniyang mga suki. Bitbit-bitbit nito ang resulta ng laboratoryo ng anak na nagpapatunay na tila marumi ang tubig na nainom nito.

“Imposible ‘yan!” sigaw niya.

“Hayaan niyo po kaming tignan ang pagawaan niyo ng tubig,” wika ng kanilang kapitan na hindi niya natanggihan.

Nang tingnan na nga ng kinauukulan ang kaniyang pagawaan, agad na nagdesisyon ang mga ito na ipasara ang kaniyang negosyo. Pilit man siyang magpaliwanag at pagtakpan ang kaniyang pagkakamali, wika ng kaniyang kustomer, “Pumayag ka nang isara ito kaysa ipakulong ko kayong mag-asawa. Pasalamat nga kayo, mabait pa ako,” na labis niyang ikinaiyak.

Doon niya labis na napagtantong kahit na maganda ang hangarin niya sa buhay kung baluktot naman ang pamamaraang kaniyang pinili, hindi pa rin talaga siya magtatagumpay.

Naging aral sa kaniya ang pagkakamaling ito at piniling paghirapan ang bawat hakbang na kailangan niya bago makuha ang pinapangarap na negosyo.

Advertisement