Nawili sa Panunuod ng K-Drama ang Nars na Ito, Anong Kapalpakan Kaya ang Naidulot Nito?
“Jellie, aalis na ako, ha? Ikaw nang bahala rito kay ma’am. Tignan-tignan mo ang dextrose niya, ha, baka hindi mo mamalayan ubos na,” bilin ni Janine sa kaniyang katrabaho nang makita niya itong agad na nanuod sa selpon pagkarating nito, isang gabi bago siya umuwi ng bahay.
“Oo na, sige na, umalis ka na. Ang daldal mo, eh, hindi ko maintindihan itong pinapanuod ko!” masungit na sigaw ni Jellie habang patuloy na nanunuod sa kaniyang selpon ng paborito niyang korean drama.
“Imbis na magpasalamat ka sa akin na hindi kita sinusumbong sa palagian mong pagtutok d’yan sa selpon mo habang nasa trabaho, sisigawan mo pa ako! Kapag talaga may hindi magandang nangyari kay ma’am, malalagot ka talaga kila sir!” panakot nito sa kaniya na lalo niyang ikinainis dahil wala siyang maintindihan sa kaniyang pinanunuod.
“Ay, ang ingay naman, eh! Umalis ka na nga kasi! Alam ko naman ang ginagawa ko, eh! Hindi naman ako manunuod ng kdrama rito kung alam kong malubha ang lagay niyang pasyenteng ‘yan!” bulyaw niya rito.
“Siguraduhin mo lang, ha. Baka nakakalimutan mo, hindi lang basta-basta ang pamilya ng ginang na ‘yan,” pagpapaalala nito dahilan para tignan na niya ito nang masama.
“Oo na, umalis ka na,” nanggagalaiti na niyang sambit saka agad na tinulak palabas ng naturang silid ang katrabaho.
Private nurse ng isang mayamang pamilya ang dalagang si Jellie. Gustuhin man niyang magtrabaho sa isang ospital upang mas mahasa ang kaniyang galing sa larangan ng medisina, hindi niya magawang matanggihan ang laki ng sweldong handog ng pamilyang ito sa kaniya na talaga nga namang nagbigay ng magandang buhay sa kaniyang buong pamilya.
Kaya lang, dahil nga aparato na lang ang bumubuhay sa ginang na kaniyang binabantayan sa bahay na ito, ganoon na lang siya tinatamad na magtrabaho rito.
Sa buong gabi ng kaniyang pagbabantay, ang tangi niya lamang gagawin ay tignan kada oras kung maayos bang nakakabit dito ang aparatong bumubuhay dito, kung may dextrose pa ba ito, kung komportable ba ang pagkakahiga nito at kung malinis ba ang damit, kumot at hinihigaan nito.
Kahit na lingid sa kagustuhan niya ang trabahong ito dahil hindi niya nahahasa ang kaniyang galing at tila nawawalan ng saysay ang kaniyang mga pinag-aralan, kaniya itong tiniis upang mabigay lahat ng pangangailangan ng kaniyang mga magulang na pawang may iniinda ring sakit na kailangan niyang tugunan.
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya maghanap ng bagay na kaniyang pag-aabalahan at sa panunuod ng korean drama niya natagpuan ang saya kahit na mag-isa lamang siya sa napakalaking bahay na iyon, bantay-bantay ang ginang na walang kasiguraduhan kung magigising pa.
Noong gabing iyon, pagkaalis ng kaniyang katrabaho, muli siyang bumalik sa panunuod ng korean drama. Nagsisisigaw siya sa kilig nang magkita na ang magkasintahang bida sa pelikula ng iyon.
“Diyos ko, kailan kaya ako makatatagpo ng ganitong kagwapong lalaki?” sambit niya saka tumili nang malakas.
Ngunit, maya-maya, bigla na lang niyang napansin siya’y mauubusan na ng baterya. Sa kagustuhan niyang huwag mag-black-out ang kaniyang selpon at mawala ang kaniyang pinapanuod, agad-agad niyang kinuha sa kaniyang bag ang charger ng kaniyang selpon at nang wala siyang makitang pupwedeng saksakan ng naturang charger, agad niyang hinugot ang extensiong nakasaksak malapit sa kaniyang kinauupuan at pinalit ang kaniyang charger saka siya muling nagpatuloy sa panunuod.
Ayos na sana ang kaniyang panunuod nang biglang dumating ang kaniyang amo. Napapikit na lang siya sa pagkainis dahil naudlot ang kaniyang panunuod. Pero biglang napalitan ng kaba ang kaniyang inis nang magtungo na ito sa tabi ng binabantayan niyang ginang.
“Teka, bakit parang hindi nakabukas ang aparatong bumubuhay kay mommy?” tanong nito dahilan para agad niya itong lapitan, “O, bakit hindi nakasaksak ang aparatong ito? Tingnan mo nga si mommy!” sigaw nito sa kaniya na labis niyang ikinataranta.
“Bo-boss, wa-wala na po si ma’am,” uutal-utal niyang wika matapos niyang tignan ang pulso ng naturang ginang na labis na ikinagalit nito.
Nakita sa CCTV camera ng silid ang kaniyang ginawan dahilan para agad siyang patalsikin ng mga ito. Pilit man siyang humingi ng tawad sa mga ito at pilit na magpaliwanag na hindi niya ito sinasadya, wala na siyang magawa kung hindi ang pagdusahan ang maling aksyong kaniyang nagawa.
Sinampahan siya ng kaso ng mga ito at bukod pa roon, natanggalan pa siya ng lisensya dahilan para ganoon na lang siya labis na magsisi at manghinayang sa magandang buhay na mayroon siya noon.
Ngayon, hindi man niya alam kung saan magsisimula at kung paano matutugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya, Diyos na lamang ang kaniyang kinakapitan.