Inday TrendingInday Trending
Sa Isang Checkpoint Nadestino ang Sundalong Ito, Maayos Niya Kayang Matugunan ang Kaniyang Responsibilidad?

Sa Isang Checkpoint Nadestino ang Sundalong Ito, Maayos Niya Kayang Matugunan ang Kaniyang Responsibilidad?

“Maging tapat kayo sa serbisyo, ha? Kahit wala ako o kahit walang nakatingin kahit sino, gawin niyo ng tama ang trabaho niyo. Wala kayong papapasukin na hindi nakatira sa lalawigan natin, naiintindihan niyo?” bilin ni Ginoong Ricardo sa mga hinahawakan niyang mga sundalo, isang umaga bago siya magpunta sa panibagong lugar na kaniyang pagsisilbihan.

“Opo, sir! Makakaasa po kayo!” sabay-sabay na sagot ng mga ito.

“Mabuti naman. Ikaw na ang bahala rito, Jerico. Bukod sa ating mga nars at doktor, kayong mga sundalong nakaatas sa checkpoint ang makatutulong upang huwag nang kumalat pa sa lalawigan natin ang sakit na nagbibigay pahirap sa atin ngayon. Kaya, maging mahigpit kayong lahat, lalo ka na,” wika pa nito saka tinapik ang pinakamataas sa mga sundalong iyon.

“Walang problema, sir, basta para sa ating lalawigan, lahat gagawin naming lahat para maprotektahan ito,” pangako ni Jerico rito habang nakasaludo.

“Kahit kailan talaga, maaasahan ka,” tugon pa nito saka rin siya sinaluduhan, “O, paano, aalis muna ako, ha? Kayo nang bahala rito,” paalam nito saka tuluyan nang sumakay sa sasakyan nito.

“Yes, sir!” sabay-sabay nilang sigaw habang matikas na nakatayo’t nakasaludo.

“Mag-iingat po kayo, sir!” pahabol niyang salita bago ito tuluyang umalis.

Dekalibre ang hirap na pinagdaanan ng binatang si Jerico bago niya matupad ang pangarap niyang maging isang sundalo. Nagawa niyang gumapang sa putik, kumain nang hilaw na karne, umakyat ng bundok, mag-ehersisyo at mabilad sa initan at marami pang pasakit na talaga nga namang nagpamulat sa kaniyang mga mata upang mas lalong mahalin ang propesyon niyang ito.

Kaya naman, nang matapos na niya ang kaniyang training sa pagsusundalo, ganoon na lang ang sayang nararamdaman niya dahil bukod sa ramdam na ramdam niya ang kasiyahan ng kaniyang mga magulang sa kaniyang naabot, habang-buhay niya pang dadalhin ang pangarap niyang propesyong ito.

Ito ang dahilan para ganoon niya ibigay ang lahat ng galing niya sa kaniyang pagsisilbi sa bayan na talaga nga namang nagbunga dahil makalipas ang ilang taon, tumaas ang kaniyang rango pati ang kaniyang sweldo na nagbigay nang maalwang buhay sa kaniyang buong pamilya.

At dahil nga alam ng kaniyang mga kapwa sundalo ang galing niya, siya madalas ang pinagkakatiwalaan ng mga mas nakakataas sa kaniya.

Kaya nang mapadestino noong araw na ‘yon ang kanilang hepe, siya ang pinagkatiwalaan nitong mamumo sa pagbabantay sa checkpoint ng kanilang lalawigan.

Naging maayos naman ang pagtatrabaho nilang lahat noong araw na ‘yon. Mahigpit man ang kanilang pamamalakad, naging maayos naman ito.

Ngunit bandang mga alas sais ng gabi, may isang puting sasakyan ang nagpupumilit na pumasok sa kanilang lalawigan. Noong una’y buo ang loob niyang hindi ito papasukin dahil hindi naman ito residente rito kaya lang nang sabihin nitong, “Magdedeliver lang ako, boss, ng mga paninda ko riyan sa kanto. Papasukin niyo na ako, o, ito, isang libo, pangmeryenda mo, sir,” siya’y biglang napaisip.

“Sige na, sir, padaanin mo na ‘yan, tapos paghatian nating lima ‘yong pera,” pangungumbinsi ng isa niyang katrabaho dahilan para siya’y lalong mapaisip.

“O, basta, bumalik ka agad, ha? Hihintayin ka namin dito, sige na,” utos niya rito saka agad niyang binulsa ang bigay nitong isang libong piso.

Sumunod nga sa kanilang usapan ang lalaking iyon, mayamaya lang, lumabas na ito sa kanilang lalawigan at sumaludo pa sa kanila.

Kaya lang, maya-maya, bigla silang nakatanggap ng balitang mayroong negosiyanteng natagpuang walang buhay sa sarili nitong restawran sa kabilang kanto. Agad niya itong pinuntahan kasama ang ilang kasamahan at nang tingnan nila ang CCTV camera sa gusaling iyon, doon nila nakumpirmang ang salarin ay ang lalaking kanilang pinadaan sa checkpoint.

“Diyos ko, ano ba itong nagawa ko?” iiling-iling niyang sambit, nagtinginan na sila ng mga kapwa sundalo niyang nakibang sa pera at sila’y nagsimula nang magturuan.

Wala pang isang oras, galit na bumalik ang kanilang hepe at agad silang kinausap nang masinsinan.

“Paano nakapasok ‘yon dito sa atin, ha?” sigaw nito, “Pinapasok niyo para sa karampot na pera? Mga wala kayong kwenta!” bulyaw pa nito saka agad na tumawag sa mas nakakataas at doon na nga niya narinig na siya’y sisibakin na sa pwesto.

“Sir, parang-awa niyo na po, pinaghirapan ko po ito,” pagmamakaawa niya rito.

“Ang isang tunay na sundalo, hindi nasisilaw sa pera. Kahit na walang kapalit, kaya niyang tapat na magsilbi sa bayan,” galit na sambit nito na labis niyang ikinaiyak.

Halos mabaliw siya sa pagsisising nararamdaman noong mga panahong iyon at kahit umiyak siya ng dugo, hindi niya na maibabalik ang pangarap niyang bigla na lang naglahong parang bula dahil sa isang maling desisyon.

Advertisement