Sumama ang Loob ng Dalagang Ito sa Ina ng Kaniyang Nobyo, Pakiramdam Niya Kasi’y Ayaw Nito sa Kaniya
“Napadalaw ka, Amira? Wala ka bang pasok sa trabaho ngayon?” tanong ni Yanny sa kaibigan matapos siya nitong gisingin sa lakas ng kalampag sa kaniyang pintuan, “Hoy, bakit? Anong problema mo? Diyos ko naman! Bakit bigla-bigla ka naiyak?” pang-uusisa niya nang bigla na lang siya nitong niyakap at humagulgol.
“Yanny, nakita kong may ibang kapalitan ng mensahe si William sa social media! Hindi ko malaman kung ano bang kulang sa akin, kung ano pa bang hindi ko nabibigay sa kaniya para maghanap pa siya ng atensyon sa iba!” wika ni Amira sa gitna ng kaniyang mga paghikbi.
“Pinag-usapan niyo na ba ito?” tanong pa ng kaniyang kaibigan dahilan para siya’y kumalas sa pagkakayakap dito.
“Ayaw niyang makipag-usap. Wala na akong maisip na paraan para makausap ko siya kaya sinubukan kong kausapin ang nanay niya. Kaso ang sabi lang sa akin ng nanay niya, “Pasensya ka na, wala akong alam d’yan,” parang wala siyang pakialam sa sakit na nadudulot ng anak niya sa akin!” kwento niya rito habang patuloy na humagulgol.
“Naku, kahit kontrabida talaga kailan ang mga nanay ng nobyo natin! Hayaan mo na ‘yan silang mag-ina, kumalma ka at bumangon, hindi mo sila kailangan!” pangaral nito sa kaniya saka siya muling niyakap.
Malayo ang loob ng dalagang si Amara sa ina ng pangkasalukuyan niyang nobyo. Ayos naman sana ang turing nito sa kaniya, palagi itong nakangiti sa tuwing siya’y dadalaw sa bahay nito, inaalok siyang kumain, nakikipag-inuman sa kaniya kasama ang kaniyang nobyo, kala lang, tila iba ang pakiramdam niya sa bawat kilos nito.
Pakiwari niya kasi, kahit na maganda ang trato nito sa kaniya, iba ang gusto nito para sa kaniyang nobyo.
Hinding-hindi niya makalimutan noong unang beses siyang dinala ng kaniyang nobyo sa bahay ng mga ito. Naabutan niya noon ang nanay nito kasama ang ilan sa mga kumare nitong naglalaro ng bingo at nang tanungin ng isa sa mga ginang na naroon kung siya ang bagong nobya ng kaniyang nobyo, sagot nito, “Oo, maganda, ano? Pero mas maganda riyan ‘yong dating nobya ng anak ko,” na talaga nga namang nakasakit sa kaniyang damdamin.
Kaya naman simula noon, palagi na niyang nararamdamang tila pinaplastik lang siya nito kapag siya’y kaharap upang huwag magalit ang nobyo niyang siyang tumataguyod dito.
Ngunit nang bigla na lang magbago ang kaniyang nobyo nitong mga nakaraang araw at wala siyang ibang paraan upang makausap ito, napilitan siyang lumapit dito. Kaya lang, katulad ng kaniyang inaasahan, wala itong ginawa para makausap niya ang kaniyang nobyo na labis niyang ikinainis.
Ito ang dahilan para kahit gabing-gabi na, kinalampag at inistorbo niya ang kaibigan niya at doon ibinuhos ang lahat ng sama ng loob na kaniyang nararamdaman. Laking pasasamalat naman niyang hindi siya iniwan nito at hinayaan pa siyang mamalagi sa bahay nito huwag lamang siyang makaramdam ng kalungkutan mag-isa.
Ilang araw pa ang lumipas, nagulat na lang siya nang marinig niya ang boses ng kaniyang nobyo na tila kausap ang kaniyang kaibigan. Dali-dali siyang lumabas sa kwarto at nang masigurado niyang ito nga ang kaniyang nobyo, ganoon na lang siya tahimik na napahagulgol.
Napansin siya ng kaniyang kaibigan kaya agad siya nitong hinila patungo sa binatang naghihintay sa sala. Nang makita siya ng kaniyang nobyo, agad siya nitong niyakap at mangiyakngiyak na humingi ng tawad.
“A-anong ginagawa mo rito?” uutal-utal niyang tanong dito.
“Napagtanto kong hindi ko kaya ng wala ka. Mabuti na lang talaga na pinagsabihan ako ni mama kung hindi, baka, naligaw na talaga ako ng landas,” hikbi nito matapos siyang yakapin.
“Pinagsabihan ka? Anong sinabi sa’yo ng nanay mo?” pang-uusisa niya na may halong kaba.
“Aanuhin ko raw ang maraming babae kung wala ni isa roon ang kayang magtiis sa akin katulad mo. Sabi niya pa, hindi ka lang daw basta maganda, maganda rin daw ang loob mo na mahirap nang mahanap sa ngayon,” kwento nito na kaniyang ikinagulat.
“Sinabi niya ‘yon?” pagkaklaro niya.
“Oo naman, palagi niya naman ‘yong sinasabi sa akin, ayaw niya lang talagang ipaalam sa’yo dahil nahihiya siya at ayaw niyang mangialam sa relasyon natin,” dagdag pa nito na labis niyang ikinatuwa.
Muli niyang pinatawad ang binatang ito noong araw na ‘yon at nang muli siya nitong dalhin sa bahay, ganoon na lang tumaba ang puso niya nang makita mangiyakngiyak ang nanay nito. Sabi pa nito, “Salamat sa Diyos, dininig Niya ang panalangin kong magkaayos kayo,” saka siya mahigpit na niyakap.
Simula noon, naintindihan niya na ang paraan ng pagmamahal na mayroon ang kaniyang magiging biyenan dahilan para gumaan na rin ang kaniyang pakiramdam sa tuwing ito’y kaniyang nakakasama.