“Magandang umaga, ma’am, sir! Nagluto na po ako ng agahan, tocino, itlog at adobong kangkong! Kain na po kayo,” masayang bati ni Ana ang bagong kasambahay ng pamilya habang naglilinis naman ito ngayon.
“Good morning din,” ngiting bati naman ni Aaron, ang among lalaking ni Ana, habang tumango lamang ang asawa niyang babae na si Shine.
“Ana, huwag ka na masyadong maglinis ako na lahat gagawa nun pagkatapos ng trabaho ko basta ang alalahanin mo na lang ay si baby ha,” sabi ni Shine nang matapos silang kumain.
“Naku, ma’am, don’t worry, tulog pa naman ang alaga ko at isa pa magaling ako, ma’am, sa bata kaya hindi niyo kailangan mag-alala! Kaya ko na rin po ang mga linisin na ito,” masayang sagot ni Ana sa babae.
Hindi naman sumagot pa si Shine at tumayo na lang ito saka niligpit ang kanilang pinagkainan ngunit mabilis na tumayo si Ana para pigilan ang amo.
“Ma’am, ako na niyan, huwag niyo na pong galawin ‘yan,” sabi ni Ana sabay kuha ng mga pinggan na hawak ni Shine.
Hindi nakapagsalita si Shine at napatingin na lang sa kaniyang mister. Hinatak niya ang lalaki at dinala sa kwarto para makipag-usap.
“Alam ko na ang sasabihin mo, naiirita ka na kay Ana,” bungad kaagad ni Aaron sa misis.
“Isang linggo pa lang naman ‘yung tao sa atin. Pag-aralan mo rin sana na magsabi sa kaniya ng mga ayaw mo hindi ‘yung ganito na lang lagi tayo,” dagdag pa ng lalaki.
“Alam ko, alam kong mahirap kumuha ng kasambahay at alam ko rin na bago lang siya pero sa totoo lang nabibingi na ako sa kaniya. Hindi ko na alam kung ako lang ba pero ang lakas ng boses niya! Parang nasa kabilang kanto ako! Kapag kami na lang dito at naglalaro sila ng anak natin parang may welga sa loob ng kwarto sa sobrang lakas ng boses niya! Saang palengke o bundok ba galing ‘yung babaeng iyon? Halatang walang pinag-aralan! Napakapalengkera!” iritable ngunit pabulong na sinabi iyon ni Shine sa asawa.
“Hindi man lang siya nakakaramdam kapag nagtatakip ako ng tenga lalo na kapag nasa salas kami. Bakit ako ang nag-aadjust e ako ang amo! Naiinis na talaga ako! Pwede bang sabihin mo naman siya?!” naiiyak pang dagdag ni Shine sa lalaki at napatakim siya ng mukha.
Simula nang magkaroon ng anak ang dalawa ay sa bahay na lamang nagtatrabaho si Shine at dahil lumalaki ang bata ay mas nahihirapan ang babaeng pagsabayin ang gawaing bahay kaya naman kumuha na sila ng kasambahay. Pang apat na si Ana na kasambahay nila at ang mga nauna ay palaging umaalis pagkatapos makakuha ng pera. Ayos na sana para kay Shine si Ana dahil bukod sa malinis at may kusa ito sa bahay ay hindi ito nanghingi ng paunang bayad kaya lamang ay may isang reklamo ang babae at iyon ay ang pagiging madaldal nito at napakalakas ng boses.
“Siya, kakausapin ko si Ana mamaya pag-uwi ko. Magkulong ka nalang muna sa kwarto para hindi mo siya marinig,” sagot ni Aaron sa kanya at natatawa pa ang lalaki. Napapikit na lamang si Shine sa mister at hindi niya malaman kung sineseryoso ba nito ang iniinda niyang sakit sa ulo.
Hanggang sa hindi na niya maantay pa ang lalaki at napagdesisyunan niyang kausapin na si Ana.
“Ma’am, napatulog ko na po ang bata. May gusto po ba kayong kainin para sa meryanda? Ipagluluto ko po kayo,” masigla at malakas na sabi ni Ana kay Shine habang nakatayo ito sa salas at nagkakape.
“Ang dami mong energy, ano? Hindi ka ba napapagod? Upo ka muna at may itatanong lang ako sa’yo,” sagot ni Shine sa babae.
“Siyempre, ma’am, napapagod din naman po ako pero ito ang trabaho na pinasok ko at makakapagpahinga naman ako mamaya kaya ayos lang,” malakas pa rin na tugon ni Ana rito.
“Ana, alam mo, ikaw na ang pinakagusto kong kasambahay na napunta sa amin pero pwede ba akong maging totoo sa’yo? May isa lang sana akong gusto mong malaman,” mahina ngunit diretsong nasabi ni Shine ito sa kasambahay. Natahimik at medyo kinabahan naman si Ana sa kaniyang narinig kaya naman napaupo ito ng diretso at saka yumuko.
“Hindi ka ba nalalakasan sa boses mo?” tanong ni Shine sa babae.
“Po?” nabiglang tugon ni Ana sa babae.
“Nalalakasan kasi ako sa boses mo, medyo nabibingi na nga ako sa totoo lang. Tahimik kasi akong tao, tahimik kaming mag-asawa. Kaya bago sa akin ang isang tulad mong may malakas na boses. Sorry, pero pwede mo bang hinaan ang boses mo pag nandito ka sa bahay? Katulad nitong boses ko,” pakiusap ni Shine sa babae. Hindi naman kaagad na nagsalita si Ana at mas lalo pa itong napayuko saka itinakip ang kaniyang kamay sa kaniyang mukha.
“Sorry po, ma’am,” naiiyak na paumanhin ni Ana sa kaniyang among babae.
“Kinalakihan ko na ho kasi ang ganitong boses, pipi at bingi po kasi ang mga magulang ko kaya naman lumaki akong walang kausap kaya sa tuwing makakalabas ako ng bahay o makakasalamuha ng ibang tao ay parang ang saya-saya ko tapos kapag mag kukwento ako pagdating sa bahay ay pinipilit ko pa ring magkwento ng may boses kahit nga mas mabilis ang bibig ko kaysa sa mga kamay ko at kahit hindi naman nila ako naririnig. Hindi ko po alam na malakas na pala ang dating ng boses ko sa mga normal na katulad niyo,” pagpapaliwanag pang muli ni Ana sa kaniya at naluha pa ito.
“Sorry po, ma’am, huwag niyo po sana akong sisantihin,” pakiusap pang muli ng babae.
Hindi naman nakapagsalita si Shine sa kaniyang narinig dahil ang buong inaakala niya’y laki lamang sa bundok o sa kung saan ang babae kaya ganito ang pag-uugali nito. Hindi niya lubos akalain na sabik lang pala si Ana sa pagsasalita at pakikipag-usap. Simula noon ay kahit papaano’y humina ang boses ni Ana at maging si Shine din ay nagbago. Nakikipagkwentuhan na rin siya sa babae paminsan-minsan at ngayon niya nakikitang masayang-masaya si Ana sa tuwing may nakakausap. Mas naging malinaw din kay Shine na hindi lahat ng may malakas na boses ay walang pinag-aral o pinalaki ng pangit dahil ang bawat tao ay may kani-kaniyang kwento na hindi nababasa sa unang tingin lang.