Iniwan ng Kinakasama ang Kawawang Babae Habang Siya’y Buntis, Ituloy Niya pa kaya ang Pagluwal sa Batang Nasa Sinapupunan?
“Mahal, anong oras ka magpupunta rito sa amin? Nag-aayos na kami rito ng mga kaibigan ko para sa gender reveal natin bukas! Sobrang nasasabik na akong malaman kung anong kasarian ng anak natin!” tuwang-tuwa wika ni Ella sa kaniyang kinakasama, isang umaga nang magdesisyon siyang tawagan ito upang papuntahin sa kanilang bahay.
“Pasensya ka na, hindi ako makakapunta. Wala akong pamasahe, eh, baka bukas na lang ako magpunta,” malamig na tugon nito na kaniyang ikinalungkot.
“Bibigyan na lang kita ng pamasahe, mahal, magpunta ka lang dito. Gusto ko kasama kita sa pag-aayos nito,” alok niya rito saka siniguradong may laman pa ang kaniyang wallet.
“Bakit ba ang kulit mo, ha? Sinabi na ngang bukas na lang ako magpupunta!” sigaw nito na kaniyang ikinabigla.
“Bakit mo ako sinisigawan? Gusto ko lang namang makasama ka sa pag-aayos ng selebrasyong ito dahil ikaw ang ama ng anak ko!” tugon niya rito.
“Ginusto ko ba ‘yan? Ikaw lang naman ang may gustong buhayin ang batang ‘yan! Sinira niyo lahat ng pangarap ko sa buhay!” bulyaw pa nito saka agad na binaba ang kanilang tawag dahilan para agad siyang humagulgol dahil sa sama ng loob na nararamdaman.
Sa kagustuhang makalimot sa isang mapait na relasyon sa kaniyang dating nobyo, agad na naghanap ng bagong lalaking makakarelasyon ang dalagang si Ella. Sumubok siya ng mga dating app para lamang may makausap at doon niya nakilala ang pangkasalukuyang lalaking nagpapasaya sa kaniya ngayon.
Nang unang beses silang magkita, agad niyang naramdaman ang paglipad ng mga paru-paro sa kaniyang sikmura at sa sobrang saya niya nang siya’y yayain nitong mamalagi ng ilang oras sa isang motel, hindi siya nagdalawang-isip na sumama rito.
Pangungumbinsi niya sa sarili, “Wala naman siguro ‘yang gagawing hindi maganda sa akin. Napakamaginoo niya at napakabait pa! Ito na yata talaga ang lalaking para sa akin!” dahilan para ganoon na lang siya sumama rito kahit na hindi niya pa ito ganoon kakilala.
Ngunit, nang araw na ‘yon, nangyari ang hindi niya inaasahan. Pinilit siyang makipagsiping ng lalaking iyon at dahil nga nakaramdam na siya ng pagkasabik din sa gawaing iyon, bumigay na rin siya’t hinayaan ang lalaking iyon.
At ilang linggo pa ang nakalipas, nalaman na nga niyang siya’y nagdadalang-tao na. Magkahalong emosyon man ang kaniyang nararamdaman dahil nga hindi pa sila kasal, masaya siyang matupad ang pangarap niyang maging isang ina.
Laking tuwa niya pa nang maramdaman kung gaano rin kasabik ang binatang ito para sa panibagong yugto ng kanilang buhay. Kaya lang, hindi nagtagal, tila nag-iba ang pakikitungo ng binatang ito sa kaniya. Nanlamig ito at tila nawalan ng interes sa batang kaniyang ipinagbubuntis.
Noong araw na ‘yon, matapos niya itong makausap sa selpon, agad itong nagpadala ng mensahe. Wika nito, “Ayoko na, maghiwalay na tayo. Hindi ko kayang panagutan ang batang ‘yan,” na labis niyang ikinadurog.
Muli niya itong tinawagan upang mapag-usapan ang kanilang pinagtalunan ngunit ayaw na nitong sumagot sa kaniyang mga tawag. Iyak niya sa hangin, “Hindi lang naman mga pangarap mo sa buhay ang nawala, pati ‘yong akin. Lalo’t higit, hindi lang naman ako ang gumawa nito, ginusto mo rin ito!”
Mabuti na lang talaga, siya’y narinig ng mga kaibigan niyang nag-aayos para sa gaganaping selebrasyong bukas at siya’y agad na napakalma. Hindi siya iniwan nang mga ito hanggang siya’y makatulog.
Kinabukasan, maaga siyang nagising upang tumulong sa pagluluto ng mga pagkaing ihahanda ngunit tila nawawalan siya ng gana na ituloy ito dahil sa ginawang pakikipaghiwalay ng binatang iyon sa kaniya.
“Anak, hindi mo kailangan ang ganoong klaseng lalaki. Nandito kaming lahat para sa’yo at sa anak mo. Hindi ka man swerte sa pag-ibig, swerte ka naman sa pamilya’t mga kaibigan. Hindi ka namin pababayaan,” pangaral ng kaniyang ina na labis niyang ikinaiyak.
Tinuloy nga nila ang naturang selebrasyon at ganoon na lang ang saya niya nang malamang babae ang kaniyang pinagbubuntis. Mangiyakngiyak niya itong pinananalangin sa Diyos at ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagsilang.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang marinig niya ang iyak ng kaniyang anak sa unang pagkakataon. Pakiwari niya, agad na naghilom ang mga sugat na kaniyang naranasan sa kamay ng mga dati niyang nakarelasyon mga binata.
Hindi man naging madali ang buhay niya bilang magulang ng batang iyon, wala nang makapapantay sa sayang kaniyang nararanasan sa piling nito.