Palaging Pinagtatakpan ng Binata ang Barumbadong Kaibigan, Siya Tuloy ang Napahamak Dahil Dito
“Inigo, nasangkot na naman kagabi sa gulo ‘yong barumbado mong tropa, ano? Sinasabi ko sa’yo, ha, kapag ikaw nadamay sa kalokohan niyan, huwag kang iiyak-iyak sa akin, ha?” pangaral ni Fred sa kaniyang anak nang makita niya itong may binabasang mga dokumento mula sa kanilang barangay.
“Tatay, hindi nagsisimula ng gulo kahit kailan ang tropa kong iyon. Lumalaban lang siya kapag may naunang manapak o magsalita sa kaniya. Pero kung wala naman, hindi naman nakikipag-away basta-basta ‘yon. Mabait iyon, tatay!” paliwanag ni Inigo habang sinasalansan ang mga dokumentong ito sa kaniyang bag.
“Ilang beses mo nang sinasabi sa akin ‘yan, Inigo! Pero ano, noong isang beses pati ikaw may black eye dahil sa pagsama mo riyan maggala sa Tagaytay!” sermon pa nito na ikinainis niya.
“Matagal na ‘yon, tatay!” katwiran niya pa.
“Kahit na! Tigil-tigalan mo ang pagsama roon! Akala mo ba hindi ko alam na palagi mo ‘yong pinagtatakpan kapag napapabarangay ‘yon? Para sabihin ko sa’yo, ha, kahit na SK Chairman ka sa barangay natin, delikado pa rin ang buhay mo!” pagpapaalala nito sa kaniya, kitang-kita na sa mata ng kaniyang ama ang labis na pagkainis.
“Oo na, tatay, alis na ako,” inis niyang tugon saka agad nang lumabas ng kanilang bahay upang matapos na ang panenermon nito.
SK Chairman sa kanilang barangay ang binatang si Inigo. Siya ang pangkaraniwang tumutugon sa pangangailangan ng kaniyang mga kabarangay na pawang mga kabataan. Siya rin ang tumutuwid sa gusot na ginagawa ng mga ito sa tuwing napapahamak. Ginagawa niya ang lahat para matugunan ang kaniyang tungkulin kaya lang, sa tuwing nasasangkot sa gulo ang kababata niyang palaaway, tila bumabaluktot ang kaniyang pag-unawa.
Sa tuwing napapabarangay kasi ito at siya ang naroon upang mag-ayos ng naturang gusot, palagi niya itong pinagtatanggol at kinakampihan. Kung minsan pa, kaniya itong pinagtatakpan gamit ang kaniyang posisyon para lamang ito’y maabsuwelto sa gusot na pinasok nito. Palagi niyang katwiran sa harap ng mga nakakaaway nito, “Kasama ko ‘yan buong maghapon, malabong siya ang nakaaway niyo. Hindi nakikipag-away ‘to tuwing kasama ako dahil ayaw niyang madungisan ang pangalan at posisyon ko rito sa barangay,” na labis namang ikinagagalit ng kaniyang ama.
Sa katunayan, simula pagkabata, palagi na niya itong pinagtatakpan na kahit madalas siya ang mapahamak at mapalo ng kaniyang mga magulang, ayos lang sa kaniya basta huwag lang masaktan ang nag-iisa niyang kaibigang ito.
Kaya naman, nang marinig niya sa amang may kinasangkutan na namang gulo ang kaibigan, agad siyang umalis sa kanilang bahay upang ito’y puntahan. Ngunit pagpunta niya sa bahay nito, wala ito rito at nang tawagan niya ito, wika nito, “Nandito ako sa tambayan, pare.”
Dali-dali siyang nagpunta sa kanilang tambayan sa likod ng dati nilang paaralan. Puro sugat ang mukha nito at tila nabugb*g nang maigi!
“Sino namang gumawa sa’yo niyan?” tanong niya rito.
“Nahulihan ako ng mga pulis ng ipinagbabawal na gamot. Kilala mo naman ako, edi, tumanggi ako hanggang sa binugb*g nila ako para umamin,” patawa-tawang tugon nito.
“Diyos ko naman! Kung umamin ka, bakit wala ka sa kulungan ngayon?” tanong niya.
“Basta sinabi kong hindi sa akin ‘yon tapos ayon, pinalaya nila basta isama raw kita mamaya sa presinto,” sambit nito sa kaniya na para bang nagyayaya lamang kumain sa labas.
“Hoy, bakit ako?” pagtataka niya na may halong kaba.
“Kakausapin mo lang naman sila, pagtakpan mo ako katulad ng ginagawa mo dati,” pangungumbinsi nito dahilan para siya’y mapailing na lamang.
Katulad ng sinabi nito, maya maya, nagpunta na nga sila sa presinto. Ngunit, kaniyang pinagtaka ang sinabi ng kaibigan niyang ito.
“Mga boss, ito na ang nag-utos sa akin na magbenta ng gamot na iyon. Abswelto na ba ako? Hindi na ako makukulong?” sambit nito na ikinalaki ng mata niya.
“Te-teka lang po, hindi ko kayo maintindihan!” wika niya.
“Magpanggap ka na lang para hindi ako makulong! SK Chairman ka naman, eh, hindi ka pababayaan ng kapitan natin!” bulong nito sa kaniya, “Naku, mga boss, tumatanggi pa. Ikulong niyo na ito!” sabi pa nito sa mga pulis na kaniyang labis na ikinapanghina.
Galit na galit ang kaniyang ama nang ito’y mabalitaan. Ngunit dahil nga tinaniman na pala siya kaibigan niyang ito ng ipinagbabawal na gamot habang sila’y nag-uusap bilang ebidensya, wala siyang nagawa kung hindi samahan ito sa kulungan.
Doon niya napagtantong hindi maganda palaging pagtakpan ang kalokohan ng kaibigan niyang ito dahil ni minsan pala, hindi siya nito itinuring na totong kaibigan, kung hindi, isa lamang panakip butas. Pangako niya sa sariling pagkalabas na pagkalabas ng piitan, hinding-hindi na niya ito kailanman pagtatakpan pa.