Inday TrendingInday Trending
Sinabotahe ng Dalaga ang Gown ng Kinaiinggitang Dalaga, Napatameme Siya nang Makitang Nakadalo pa rin Ito

Sinabotahe ng Dalaga ang Gown ng Kinaiinggitang Dalaga, Napatameme Siya nang Makitang Nakadalo pa rin Ito

“Hoy, ang aga mo namang magpunta! Sabi ko sa’yo, mga alas tres ka magpunta rito para malinis na ang bahay at maayusan na kaagad kita! Anong oras pa lang, o, ni hindi pa ako nakain ng tanghalian!” reklamo ni Jerlyn sa pinsan, isang tanghali nang maabutan siya nitong nagsasandok ng pagkaing kaniyang kakainin.

“Magpapasama muna kasi ako sa’yo. Dalian mo na kumain d’yan, samahan mo ako roon sa panahian,” masungit na sagot ni Amelia saka naupo sa tapat ng pinsan ng ininom ang nakahanda nitong tubig.

“Anong gagawin mo roon? Ipapaayos mo ba ang susuotin mong gown? Akala ko ba ayos na ayos na para sa’yo ang gown mo?” sunod-sunod na tanong nito na ikinarindi niya.

“Walang problema sa gown ko. Kailangan ko lang lagyan ng problema ang araw ni Kath ngayon,” nakangisi niyang wika na ikinabuntong-hininga nito.

“Diyos ko, Amelia, ano na namang gusto mong mangyari?” pang-uusisa nito.

“Sisirain ko ang gown niya para hindi siya makapunta sa prom mamaya. Ngayong alam mo na, dalian mo na kumain d’yan! Kung ayaw mong pati sa’yo, saniban ako ng demonyo!” sigaw niya rito dahilan para ito’y mapatungo at agad na kumain nang mabilis.

“Nakakatakot ka na talaga, saglit lang!” tugon nito, umirap lamang siya saka tumayo sa hapag-kainang iyon.

Inggit na inggit ang dalagang si Amelia sa atensyong palaging nakukuha ng kaklase niyang si Kath. Bukod sa napakadami nitong manliligaw, palagi pa itong nangunguna sa klase nila dahilan para palagi itong purihin ng kanilang mga guro at kaklase.

Habang siya, wala na nga ni isang manliligaw dahil sa kaniyang pagiging palengkera at palaaway, palagi pa siyang bagsak sa kanilang mga pagsusulit dahil sa pagkawili niya sa social media.

Kaya naman, upang maalis lang ang inggit at inis sa puso niya, palagi siyang gumagawa ng paraan para masira ang araw kaklase niyang ito o kung hindi naman, mapahiya ito sa harap ng maraming tao.

Sa katunayan, may pagkakataon pang nilagyan niya ng pangpadumi ang inuming softdrinks nito dahilan para magkalat ito ng dumi sa kanilang palikuran na nagbunga ng maraming panunukso rito. May mga araw pang binabangga niya ito, pasimpleng dinadapa at marami pang paraan ang kaniyang ginagawa para lamang umiyak ito sa harap ng maraming tao.

Kaya naman, nang mabalitaan niyang hindi pa nakukuha ng dalagang ito ang susuotin nitong gown sa kanilang prom agad niyang naisipang sabotahihin ito upang hindi ito makadalo. Wika niya pa, “Siguradong siya ang pipiliin nilang prom queen mamayang gabi at hindi ako papayag doon! Dapat, ako ang maging reyna ng gabi mamaya!” Nang matapos nang kumain ang kaniyang pinsan, agad siya nitong pinagmaneho patungo sa naturang panahian, at dahil nga may pera siya, binayaran niya lang ang mananahi at sinira niya ito.

Nang masigurado niyang hindi na ito maaaring suotin ng dalaga, agad na siyang umuwi at nagpaayos ng sarili sa pinsan niyang ito na magaling mag-make-up.

“Pagandahin mo ako lalo, ha? Dapat ‘yong make-up ko, babagay sa gown kong galing pang Amerika! Dapat makuha ko ang lahat ng atensyon nila pagpasok ko bulwagang iyon mamaya!” bilin niya sa pinsan niyang kinakabahan sa kaniyang mga pinaggagagawa.

Noong makita na niyang maganda na ang itsura niya, agad na siyang nagpahatid sa pagdarausan ng naturang prom at katulad ng kaniyang nais, pagkarating niya roon, nakuha niya ang atensyon ng mga taong nandoon.

“Grabe, litaw na litaw ang ganda mo, hija!” sigaw ng isa sa kaniyang mga guro na labis niyang ikinatuwa.

Kaya lang, hindi nagtagal ang pagiging bida niya dahil wala pang limang minuto, dumating ang dalagang kaniyang sinabotahe.

Iba ang suot nitong gown. Mas maganda ang suot nitong puting gown na humubog talaga sa katawan nito dahilan para magsigawan ang mga estudyante at gurong naroon.

“Pa-paanong…” nagtataka niyang wika pagkadaan nito sa harapan niya.

“Maaaring kakampi mo ang mananahi pero kakampi ko naman ang Diyos. Tama na ang pagiging inggitera, Amelia. Dahil tuwing binababa mo ako, ikaw ang mas lalong bababa,” nakangising wika nito saka siya kinindatan na labis niyang ikinainis.

Katulad ng hinuha niya, ito nga ang napiling prom queen at siya, katulad ng dati, siya’y dumi lamang sa hangin.

Doon niya napagtantong kahit anong gawin niya, kung paiiralin niya ang inggit sa kaniyang puso, hindi siya magtatagumpay.

Kaya naman simula noon, imbis na bantayan niya ang buhay ng dalagang ito, binantayan niya ang sariling buhay at iniayos ang kaniyang pag-uugali na talaga nga namang nagbunga ng magandang pangyayari sa buhay niya dahil siya’y nagkaroon ng mga kaibigang maaasahan.

Advertisement