
Palaging Nagbibigay ng Tulong sa Mahihirap ang Dalagang Ito, Hindi Niya Inasahan ang Tulong na Kaniyang Matatanggap
“O, bakit ang dami mong binibiling tapsilog? Magpapakain ka ba ng buong barangay?” pang-uusisa ni Aling Carla sa kaniyang pamangkin, isang hapon nang makasabay niya itong bumili sa tapsihan.
“Ah, eh, ipapamigay ko po ‘yan, tita, sa mga pulubi riyan sa palengke. Kaugalian ko na po ito, kada sasahod po ako sa aking trabaho, talagang nagtitira po ako ng pera para makatulong sa mga mas nangangailangan,” nakangiting sagot ni Mel habang binibilang ang perang kaniyang ibabayad.
“Naku, hija, isang kabaliwan ang ginagawa mo! Tinuturuan mo lang na maging mas tamad ang mga pulubing iyon! Hayaan mo silang walang makain! Para matuto silang maghanap buhay!” pangaral nito sa kaniya dahilan para mapakamot siya ng ulo.
“Tita, hindi naman po kasi pare-pareho ang pribelehiyong natatanggap natin. Hindi rin naman po nila kasalanan…” hindi na siya pinatapos magpaliwanag nito at siya’y pinahiya na nito.
“Tumigil ka na sa ginagawa mo, wala ‘yang patutunguhan! Sayang lang ang pera’t pagod mo! Marami ka rin namang kamag-anak na naghihirap, pasikat ka lang, eh!” sigaw nito dahilan para siya’y tignan ng ibang pang mga taong bumibili roon, wala na siyang nagawa kung hindi ang mapatungo at hintayin ang kaniyang biniling mga tapsilog.
Kahit na sandamakmak ang mga taong humahadlang sa pagtulong na ito ng dalagang si Mel, patuloy niya pa rin itong ginagawa. Tila ba kasi napapawi lahat ng kaniyang pagod sa trabaho sa tuwing nakakikita siya ng mga ngiti mula sa mga pulubing unti-unti nang nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Ang simpleng “maraming salamat” ng mga pulubing kaniyang nabibigyan ay talaga nga namang muling nakapagbibigay sa kaniya ng inspirasyon upang ipagpatuloy ang kaniyang pagtatrabaho. Pinipilit niyang mag-overtime sa trabaho at ang dagdag kitang sinasahod niya rito ay ang ipinangbibili niya ng mga pagkaing kaniyang ipapamigay sa tuwing katapusan ng buwan.
May mga pagkakataon man na pati kaniyang ina, siya’y hinahadlangan na dahil nga sila’y naghihirap din naman, palagi niyang paliwanag dito, “Mama, hindi lang naman ang mga mayayaman ang may kakayahang tumulong sa mga nangangailangan. Kahit tayong may kaunting pagkain sa lamesa, maaari ring tumulong,” dahilan para ganoon lang siya hayaan nito sa kaniyang kagustuhan.
Bahagya mang bumigat ang loob niya dahil sa mga sinabi ng kaniyang tiyahin, tinuloy niya pa rin ang kaniyang pamimigay. Wika niya pagkatapos niyang makuha ang mga pinamiling pagkain, “Gusto kong tumulong, alam ng Diyos ‘yon. Hindi ko kailangan ng kanilang opinyon.”
Katulad ng kaniyang nakagawian, nilibot niya ang kanilang buong siyudad gamit ang kaniyang nangangalawang na motorsiklo upang maibigay sa mga pinakanangangailangan ang mga pagkain nabili niya.
Napukaw ng isang aleng baliw ang kaniyang atensyon. Sira-sira ang damit nito at napakarumi ng katawan. Nilapitan niya ito at binigyan ng pagkaing dala niya.
Ngunit, labis siyang nagulat nang magsalita ito ng ingles. Pinuri nito ang kaniyang kabaitan at siya’y inutusang magpunta sa kabilang lalawigan upang hanapin ang taong nagngangalang Josepino Romualdo.
Noong una’y nginingitian niya lang ang utos na ito ng ginang na iyon pero nang sabihin nitong para rin iyon sa mga mahihirap na katulad niya, wika niya, “Sige na nga, wala namang mawawala kung susubukan ko,” saka niya agad na pinamigay ang mga natitira pang pagkain at dumiretso na sa kabilang siyudad.
Pagkarating niya roon, hindi niya alam kung saan siya magsisimulang maghanap. Kaya naman, naisipan niyang magtanong sa isang tambay doon. Pagkatanong niya pa lang, agad na siyang tinuro nito sa isang malaking mansyon sa bukana lamang ng siyudad na iyon.
Doon niya nalamang ang lalaking ito ay asawa ng ginang na iyon. Mag-iisang dekada na itong binawian ng buhay na naging dahilan ng pagiging baliw ng ginang na iyon.
“Umaalis-alis talaga dito sa ma’am kapag nami-miss niya ang asawa niya. Ilang araw siya bago umuuwi at kapag may tumutulong sa kaniya, pinapapunta niya rito para bigyan ng pabuya katulad ng ginagawa ng kaniyang asawa sa mga tapat nilang empleyado noon,” kwento sa kaniya ng tagapamahala roon saka siya binigyan ng isang sobre.
Nang makita niya ang laman ng sobre, nanlaki ang mata niya sa laki ng perang nasa cheke dahilan para agad niya itong isauli. Ngunit mapilit ang tagapamahalang iyon at sinabing, “Para sa kanilang mag-asawa, walang maliit o malaking tulong,” dahilan para ganoon na lang siya magpasalamat.
Muli niyang binalikan ang ginang na iyon kung saan niya ito nakita pero pagdating niya, wala na ito roon.
Sa Diyos siya huling nagpasalamat at umiyak sa tuwang nararamdaman. Wika niya, “Pinagpapala Mo talaga ang siyang nagbibigay sa kapwa, maraming salamat po, tinuruan Mo akong magbigay sa pinakamaliit na paraang kaya ko!” saka siya nagdesisyong mamili ng grocery at bigat na kaniya ring ipinamigay sa mga mas nangangailangan.
Hindi nagtagal, nakilala ang pangalan niya dahil sa kabutihan niyang ito hanggang dumami ang mga nagpadala ng tulong sa kaniya at makilala ang pangalan niya sa buong mundo.
Ang mga dating pumipigil sa kaniya ay ang mga taong ngayo’y sumusuporta na sa kaniya.