Inday TrendingInday Trending
Gumagawa ng Pustiso ang Dalagang Ito Kahit Hindi Rehistrado, Sa Huli’y May Napahamak Siyang Kliyente

Gumagawa ng Pustiso ang Dalagang Ito Kahit Hindi Rehistrado, Sa Huli’y May Napahamak Siyang Kliyente

“Insan, magkano ang magpagawa ng pustiso sa’yo? Si nanay kasi, eh, ubos na ang lahat ng mga ngipin, nahihirapan na siyang kumain,” tanong ni Jen sa pinsang gumagawa ng pustiso, isang araw nang sadyain niya ito sa tagong pwesto nito sa palengke.

“Naku, mura lang sa akin! Anim na libong piso lang, baba at taas na!” masiglang sagot ni Leah habang patuloy na gumagawa ng mga pustiso.

“Wala bang discount? Tiya mo naman ang gagamit no’n,” sambit nito dahilan para mapataas ang kilay niya.”May discount na ‘yon, insan! Sa iba nga, walo hanggang sampung libong piso ang bigay ko,” paliwanag niya rito.

“Makapagpresyo ka naman, insan, akala mo naman rehistradong dentista ka. Babaan mo pa, bibili ko pa kasi ng gamot si nanay, wala na rin akong pera,” tugon nito na talaga nga namang ikinainit ng ulo niya.

“Hindi nga ako rehistrado, pero marunong naman ako! Mas magaling pa nga yata ako sa mga rehistradong dentista, wala lang talaga akong pera para makapagparehistro na ako! Kung ayaw mo magpaggawa, nguyain mo muna ang pagkain ng nanay mo bago mo ipakain sa kaniya!” sigaw niya rito saka padabog na tumayo sa kaniyang kinauupuan na labis nitong ikinabigla dahilan para agad itong umalis sa kaniyang pwesto.

Pagdedentista ang naging kurso ng dalagang si Leah noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang. Ginamit niya ang kaniyang pinag-aralan upang siya’y kumita at makatulong sa kaniyang mga magulang. Ang problema lang, hindi niya magawang makapagparehistro dahil bukod sa wala pa siyang pera pangparehistro sa kanilang munisipyo, hindi pa niya natapos ang kursong ito.

Isang taon na lang kasi bago siya makapagtapos, bigla namang binawian ng buhay ang tiyahin niyang nasa ibang bansa na nagpapaaral sa kaniya.

Ito ang dahilan para mapilitan siyang tumigil sa pag-aaral. Hindi kasi biro ang laki ng tuition fee niya sa pinapasukan niyang paaralan, bukod pa ang mga kailangang bilhing gamit para rito.

Sa katunayan, gumawa naman talaga siya ng paraan para makapagtapos. Pumasok siya bilang isang service crew sa isang fast food restaurant habang nag-aaral sa umaga. Kaya lang, kahit na ganoon, hindi pa rin sapat ang kaniyang kinikita para malagpasan ang isang taong gastusin sa kaniyang pag-aaral.

Kaya naman, nagdesisyon na siyang pakawalan ang kaniyang pag-aaral at dumiskarte na sa buhay. Doon na niya naisip na gawing negosyo ang kaniyang mga natutunan.

Laking tuwa niya naman nang may mga nagpapagawa na sa kaniya ng pustiso, nagpapabunot ng ngipin, nagpapalinis ng ngipin at marami pang serbisyo sa ngipin. Kahit na mas mababa ang singil niya kumpara sa mga rehistradong klinik, siya pa rin ay nakaiipon para sa kaniyang pamilya.

Ngunit hindi maiwasan na may tumawid pa rin na tumatawad sa murang serbisyong hatid niya na labis niyang ikinaiinis. Ito ang dahilan para sandamakmak na kliyente ang kaniyang masigawan at kung minsan, sinasadya niyang saktan ang mga ito kapag nagpapabunot o kung hindi naman, hindi niya gagandahan ang gawa sa mga pustiso para makabawi sa inis na idinulot ng mga ito sa kaniya.

Matapos niyang sigawan ang pinsan noong araw na ‘yon, bigla na lang may isang ginang na dumating at ito’y tila galit na galit.

“Anong klaseng pustiso ba ang binigay mo sa nanay ko, ha? Walong libong piso ‘yong binayad sa’yo tapos agad na mabibiyak? Nalunok pa ng nanay ko ang kapirasong parteng nasira habang kumakain siya!” reklamo nito at dahil nga inis ka siya sa kaniyang pinsan, nasungitan niya rin ito.

“Anong gusto mong gawin ko, ha? Baka naman kasi garapal kung kumain ang nanay mo!” sagot niya rito. “Ibalik mo ang bayad namin! Ipapagamot ko ang nanay ko!” bulyaw pa nito.

“Utot mo! Hindi ako t*nga para sayangin ang pinaghirapan kong pera!” tugon niya saka agad itong tinalikuran.

“Ah, ganoon?” tanong nito saka kinuha ang selpong nasa bulsa at agad na tumawag ng mga pulis. Doon na siya nagsimulang mataranta, wika niya, “Ito na, ibibigay ko na ang bayad mo, huwag ka na magsumbong! Mawawalan ako ng negosyo!”

Ngunit tila huli na ang lahat dahil sinagot agad ng pulis ang tawag at narinig ang kaniyang mga sinabi.

Wala pang limang minuto, agad na siyang pinuntahan ng mga pulis at iba pang opisyal sa kanilang munisipyo at sapilitang ipinasara ang kaniyang pwesto.

“Kung gusto niyong kumita, sumunod po kayo sa mga kailangang gawin bago magtayo ng negosyo, ma’am. Katulad nito, may napahamak kayong kliyente, baka makasuhan pa kayo,” pangaral ng isang pulis sa kaniya.

Mabuti na lang talaga, napakiusapan niya ang ginang na iyon na huwag siyang kasuhan matapos niyang ibalik ang bayad nito at dahil nga mahal niya ang negosyong nasimulan niya, matiyaga siyang dumaan sa proseso upang maparehistro ito.

Muli siyang nag-aral gamit ang perang kaniyang naipon at makalipas ang isang taon, muli na niyang nabuksan ang kaniyang klinik na ngayo’y rehistrado na at mas maraming kliyenteng nagtitiwala.

Advertisement