Malulugi na ang Bakery ng Panadero at Malapit nang Magsara; Ngunit Tila Susuwertehin Sila!
Sumasakit na ang ulo ng panaderong si Mang Goryo. Katatapos lamang niyang magbilang ng kinita nila ngayon sa kanilang bakery, ngunit katulad ng mga nagdaang araw ay kapos na kapos na naman ang kita nila.
Halos mabulok na ang kanilang mga sangkap, pati na rin ang mga tinapay na halos hindi na nabibili. Simula kasi nang magmahal ang mga sangkap sa paggawa ng tinapay ay tumaas na rin ang presyo ng kanilang mga paninda. Dumagdag pa ang krisis sa kanilang lugar kaya halos wala na rin namang pambili ang kaniyang mga dating suki dahil nagtitipid sila.
“Itay, magsara na lang po kaya tayo?” Isa sa mga anak ni Mang Goryo ang nagbigay ng suhestiyong iyon.
Napailing si Mang Goryo dahil alam niyang ayaw lamang naman nito na nakikita siyang nahihirapan at nalulungkot sa mga nangyayari.
“Hindi ko alam, anak. Siguro, ganoon na nga ang mangyayari. Mukhang kailangan kong mag-apply ng ibang trababo para lang mabuhay ko kayo.” Tinapik ni Mang Goryo ang balikat ng anak. Bakas ang matinding panghihinayang sa kaniyang mga mata.
“Pero, sayang po, ʼtay. Ito na lang ang natitirang alaala ng inay,” malungkot pang anang anak niyang nayuyuko na sa pag-uulap ng mga mata.
Nangilid ang luha ni Mang Goryo. Nang gabing iyon ay halos hindi siya makatulog dahil sa kaiisip tungkol sa naging pag-uusap nila ng anak. Kahit siya man ay hindi niya gustong mawala sa kanila ang panaderyang nagsisilbing tanging alaala ng kaniyang yumaong asawa. Pabaling-baling lamang sa kaniyang higaan si Mang Goryo kayaʼt naisipan niya munang kuhanin ang kaniyang cellphone at manuod ng ibaʼt ibang cooking videos sa internet…
Kinabukasan ay inilaan ni Mang Goryo ang halos buo niyang araw sa pagluluto ng ibaʼt ibang klase ng tinapay na napanuod niya kagabi sa internet at balak niyang itinda iyon ngayong araw.
Ngunit tila ba may pumitik sa kaniyang puso nang makita ang mga batang nangangalakal na sarap na sarap na nilalantakan ang mga tinapay na itinapon ng kaniyang trabahador sa basurahan dahil luma na!
“Mga bata, hali kayo rito. May ipatitikim ako sa inyo,” tawag ni Mang Goryo sa hindi bababa sa pitong batang nagkakalkal sa basura ng makakain. Nagdesisyon siyang ipatikim sa mga ito ang tinapay na kaniyang paninda sana ngayon.
“Wow! Maiinit pa at bagong luto! Ang bangoʼt ang sarap! Maraming salamat po, Mang Goryo!” malakas ang pagkakasabing iyon ng bata na narinig naman ng ilang mga dumaraan sa labas.
Ang totoo ay labis na natuwa si Mang Delfin sa naging resulta ng kaniyang mga inilutong bagong uri ng tinapay, dahil ni hindi niya kinailangang gumamit ng mga artipisyal na food colorings. Paanoʼy ang natural na kulay ng mga inihalo niyang prutas ang naging pangkulay sa mga iyon. Bukod pa roon ay naging masarap din ang lasa dahil sa mga bagong sangkap na kaniyang sinubukan.
“Naku, masarap ba talaga? Natatakam ako sa sinabi nʼong bata, e. Pabili nga po ng isa, Mang Goryo, at nang matikman!” Isang lalaking galing sa trabaho ang lumapit sa kaniyang tindahan at bumili.
“O, heto. Limang piso lang,” saad naman ni Mang Goryo sabay abot ng tinapay sa lalaki.
“Abaʼt nagbaba na ulit kayo ng presyo?” tila natutuwang tanong ng lalaki bago inamoy ang tinapay. “Ang bango naman nito! Nakakatakam!” may pagkasabik pang komento nito.
“Oo. Natural na kasing mga sangkap ang ginamit ko sa pagluluto niyan para makatipid at para na rin mas sumarap ang tinapay.”
“Sobrang sarap, Mang Goryo! Pabili pa nga ho ng limaʼt ipatitikim ko sa mga anak ko. Hindi mahilig sa tinapay ang mga iyon pero mukhang magugustuhan nila ito!” sabi pa ng lalaki na narinig naman ng kadaraan lamang na magbabarkada.
Dahil doon ay nahikayat din silang magsibili at katulad ng mga naunaʼy ganoon din ang naging reaksyon nila!
Labis na nasiyahan si Mang Goryo, dahil hindi siya halos gumastos nang malaki sa pagluluto ng mga iyon, kayaʼt kaya na niyang ibenta nang mura ang kaniyang mga paninda! Bukod pa roon ay mabibigyang muli siya ng pagkakataon na maghatid ng ngiti sa labi ng mga batang nagugutom sa lansangan, tulad ng kaniyang ginagawa dati pa!
Naging patok muli ang kaniyang bakery dahil sa mga bagong tinapay niya at murang paninda. Masayang-masaya ang mag-ama sa naging resulta niyon kaya naman ipinagpatuloy nila ang paggawa ng masarap na tinapay at pagtulong sa mga nagugutom.