Tinisod ni Carlo ang maitim at pandak nilang trainee na si Ason nang itoʼy mapadaan sa kanilang harapan. Nadapa tuloy ito at pumlakda sa sahig.
Humagalpak pa nang tawa si Carlo matapos iyon ngunit ang kaniyang mga katabing sina Gelo at Roy ay hindi ikinatuwa ang kaniyang ginawa. Kumakain sila noon sa canteen ng kanilang pinagtatrabahuhang food company.
“Ang sama ng ugali mo, pare. Hindi ka naman inaano noʼng tao, ah!” kunot-noong saway ni Gelo kay Carlo na bakas ang inis sa kaniyang ginawa. Si Roy naman ay tumindig upang tulungang tumayo si Ason.
“Oh, bakit?” maang namang tanong ni Carlo sa kanila na kuwari ay walang alam sa nangyari.
Napailing ang dalawa sa inasal ng kanilang katrabaho at sila na lamang ang humingi ng pasensiya kay Ason.
Maluha-luha na si Carlo sa katatawa. Nagpipigil naman ng pagkapikon ang dalawang lalaking nakasaksi sa nangyari. Kung hindi nga lamang nila pinipigilan ang sariling sapakin ang katrabahong ito ay baka kanina pa ito bumulagta sa sahig. Sa huli ay pinili na lamang nilang huwag itong pansinin para walang mangyaring gulo.
Ngunit nang mag-break silang muli ay nag-umpisa na namang umarangkada ang kapilyuhan ni Carlo.
Kitang-kita nila nang biglang gupitin ni Carlo ang kulot na buhok ni Ason! Animo ito may sira sa ulong tuwang-tuwa pa sa ginawa na akala moʼy hindi nakakasakit. Tuwang-tuwa pa ito nang makitang malapit nang umiyak ang pinagti-trip-ang trainee!
Nagkatinginan ang magkakatrabahong Gelo at Roy at napatigil sa pagyo-yosi sa kanilang smoking area. Masyado nang nakakapikon ang ginagawa ng kanilang pilyong katrabaho. Nauubos na ang pasensiya ni Gelo lalo at ganito rin ang ginawa ni Carlo sa kaniya noong siyaʼy bagong pasok pa lang din.
Tatayo na sana si Gelo upang patulan si Carlo nang bigla nilang mamataan si Ason na kalalabas lamang sa banyo. Mukhang tiningnan nito ang hitsura ng kaniyang buhok na ginupit ni Carlo.
Nanggagalaiti ang mukha nito at masama ang tingin kay Carlo. Kahit sina Gelo at Roy ay kinilabutan sa tingin ni Ason.
“Napakasama ng ugali mo. Dahil lamang baguhan ako ay ganiyan kung tratuhin mo ako!” hiyaw ni Ason kay Carlo.
“Bakit? Binibiro ka lang, ang arte mo na! Akala mo naman kagandahan ka? Mukha ka kayang ulikba,” tatawa-tawa pang ani Carlo.
Umiiyak na nagtatakbo tuloy si Ason palabas.
Simula noon ay hindi na pumasok pa sa trabaho si Ason. Isinisisi nilang lahat iyon kay Carlo.
“Ang sama kasi ng ugali mo, e. Kababaeng tao nʼon ginaganun mo. Hindi ka na nahiya,” galit na ani Gelo kay Carlo. Asar na asar kasi siya sa ugali ng lalaki.
“Kaya nga, e. Mag-ingat ka sa kagaganiyan mo, pare, dahil baka makarma ka,” banta naman ng naiiling na si Roy.
Nagtataka sila kung bakit tila hindi yata pumapalag ngayon si Carlo, samantalang ang lakas-lakas naman nitong mangatuwiran palagi.
Nagulat na lamang sila nang bigla itong mangisay sa kaniyang kinatatayuan! Bumagsak ito sa sahig at tumitirik ang mga mata!
Nagkagulo ang mga magkakatrabaho at hindi nila alam kung ano ang nangyayari sa malokong si Carlo!
Dumating ang nurse ng kanilang clinic at agad itong nilapatan ng paunang lunas at naging ayos naman ito.
Ngunit kinabukasan ay nagtataka silang hindi na nakapasok pa si Carlo. Nabalitaan na lang nila na bigla na lang daw itong nalumpo. Nangitim ang kaniyang balat at lumiit ang kaniyang mga buto sa paa kaya hindi na siya makatayo pa. Bukod doon ay kung anu-ano ang tumubo sa kaniyang balat.
May usap-usapang ipinakulam daw ni Ason si Carlo, ngunit para kina Gelo at Roy ay karma iyon ng lalaki. Hindi talaga natin alam kung kailan at kung ano ang karmang dadapo sa atin para sa lahat ng maling ginagawa natin sa kapwa.
Samantala, laking pagsisisi ni Carlo sa kaniyang mga kasalanan habang dinaranas ang sakit ng parusa ni Ason. Alam niyang ito ang nagpakulam sa kaniya dahil dinadalaw siya nito sa kaniyang panahinip at palaging sinasabing isinusumpa siya nito.
Hindi na kailan man nagamot pa ang sakit ni Carlo dahil wala namang makapagsabi, sino mang doktor ang lapitan nila, kung ano talaga ang kaniyang kalagayan. Habang buhay na lamang niyang iindahin iyon, dahil lamang sa kaniyang pagiging pilyo at pagiging salbahe sa iba. Huli na para siyaʼy humingi pa ng tawad dahil hindi na nagpakita pa si Ason kahit kailan.