Sinisisi ng Babae ang Sanggol sa Sinapupunan Dahil Ito raw ang Dahilan Kaya Hindi Niya Maaabot ang Pangarap; Isang Pangyayari ang Magaganap na Babago sa Baluktot Niyang Kaisipan
Tulala lamang si Venus habang pinagmamasdan ang dalawang pulang guhit na lumabas sa hawak-hawak niyang pregnancy test.
Nagbunga ang pagkakamaling ginawa nila ng kaniyang nobyong nakasama lamang sa loob ng dalawang buwan.
“Babe, paano ‘to? Nabuo… ano’ng gagawin natin?”
“Ano? Sigurado ka bang ako ang ama niyan?” inis na tugon naman ng lalaki.
“G*go ka ba? Malamang ikaw ang ama! Sa’yo lang naman ako nakikipagniig! Ano papanagutan mo ba ‘to? Anong gagawin natin?!”
“Ewan ko! Malay ko kung iniiputan mo ako sa ulo, ‘di ba? Ipalaglag mo!” malamig na sab ing lalaki.
Gulat na gulat si Venus sa narinig. Hindi niya akalain na matapos isuko ang sarili ay ganoon na lamang gagawin sa kaniya ng kasintahan.
“Doon muna ako sa mga nanay ko. Mag-iisip-isip lang ako. Pag-isipan mo rin kung ipapalaglag mo ‘yang bata. Wala tayong ipapalamon diyan!” sabi pa ng lalaki.
Iyon na rin ang huling araw na nakita ni Venus ang nobyo. Hindi na ito matawagan at hindi na rin makausap. Huling impormasyon niya tungkol dito, may bago na raw kinakasama.
Ipinagtapat ni Venus ang lahat sa kaniyang magulang. Nagalit ang mga ito noong una ngunit tinanggap rin nila dahil mahal nila ang anak.
“Nariyan na iyan e. Tanggapin na natin,” saad ng ina ni Venus sabay huminga ng malalim at napaiyak.
Nagtigil si Venus sa pag-aaral. 3rd year college na siya at pangarap niyang maging isang flight attendant.
“Kasalanan mo lahat ‘to e! Kung hindi ka nabuo, e ‘di sana maaabot ko na ang pangarap ko! Malas! Napakamalas!” galit na sabi ng babae habang sinusuntok-suntok ang tiyan na ngayo’y malaki na.
Kahit na kapag nakakaramdam ng hilo o kung anoman sa katawan, laging sinisisi ni Venus ang lahat sa sanggol na nasa sinapupunan.
“Sana pinalaglag na lang kita noong hindi ka pa buo! Mas masaya sana ang buhay ko ngayon at hindi ako nahihirapan ng ganito. Hindi ka pa man lumalabas, pero kumukulo na ang dugo ko sa’yo!” muling sabi ng babae habang mahigpit na hinahawakan ang tiyan.
Hindi alam ni Venus na naririnig pala iyon ng kaniyang ina.
“Bakit isisisi mo sa sanggol ang kasalanang ikaw naman ang gumawa? Tingin mo ba ninais ng sanggol na iyan na mabuo na lamang ng hindi planado? Bakit sa sanggol mo ibinubuhos ang galit mo? Hindi ba dapat siya ang magalit sa’yo dahil sa ginagawa mo?
Venus, resulta iyan ng kapusukan mo, pero walang kasalanan ang bata. Kung hindi mo kayang tanggapin ang anak mo, bakit ka gumawa ng maling bagay?” saad naman ng ina ng babae.
Parang sinampal ng reyalidad si Venus. Hindi siya makakibo at hindi rin alam ang gagawin. Dahil pagbali-baliktarin man ang mundo, tama ang sinasabi ng kaniyang ina.
Biyernes ng umaga, gumayak si Venus upang magpa-check up sa kaniya OB gynecologist noon. Kabuwanan na niya at ilang panahon na lang ay magsisilang na. Nag-iintay siya ng masasakyan sa may palengke nang bigla umararo ang isang tricycle. Napakabilis ng takbo nito at hindi sinasadyang nakaladkad ang babae.
Parang bolang hinila at nagpagulong-gulong si Venus sa kalsada. Natigil lamang iyon nang bumangga sa isang prutasan ang tricycle na nawalan pala ng preno.
Labis ang sakit na nararamdaman ng babae. Wala siyang ibang nasa isip noon kundi ang sanggol na nasa sinapupunan niya.
“Ang baby ko… tulungan n’yo kami ng baby ko…” mahinang iyak ni Venus habang nakabulagta sa kalsada at pinalilibutan ng mga tao.
Sa pagkakataong iyon, bago siya mawalan ng malay, tanging pag-aalala ang nadarama ni Venus. Ayaw niya sa sanggol noon, pero ngayon, tanging kaligtasan ng magiging anak ang inaalala niya.
Nagising na lamang ang babae na nasa recovery room na. Kinapa niya ang tiyan at naramdamang wala na sa loob ng sinapupunan ang anak.
“Ang baby ko? Nasaan ang baby ko?!” pag-aalalang sigaw ni Venus.
“Kumalma po kayo, ma’am.. hindi po makabubuti sa inyo iyan,” sagot naman ng isang nars.
“Gusto kong makita ang baby ko, please. Nasaan ang baby ko?”
“Sandali po…” malungkot na sabi ng nars.
Pumasok muli ang nars dala ang walang buhay na sanggol na babae sa kaniyang braso.
“I am very sorry, ma’am. Hindi po kinaya ni baby ang tindi ng aksidente,” paliwanag ng babae.
“Diyos ko po! Ang baby ko…” umiiyak na sabi ni Venus.
Ipinatong ng nars ang sanggol sa braso ng ina nito at hinayaan muna na magkaroon ng pagkakataon ang babae na makasama ang sanggol.
“Sorry, anak. Patawaran mo si mama. Alam kong hindi maganda ang ginagawa at sinasabi ko noong nasa sinapupunan pa kita. Hindi ko sinasadya, anak.
Diyos ko… patawarin po Ninyo ako. Mahal ko ang anak ko!” tumingin si Venus sa sanggol at saka ito itinabi malapit sa puso niya.
“Mahal kita, anak. Mahal ka ni mama. Patawad anak ko… totoong wala kang kasalanan sa lahat ng nangyari sa akin. Ako ang may pagkakamali. Ako ang may pagkukulang. Mahal kita, anak!” patuloy na pag-iyak ng babae.
Ilang saglit pa, biglang gumalaw ang mga kamay ng sanggol kasunod ng ibang parte ng katawan nito. Kasabay ng tibok ng puso ni Venus, tumibok rin ang puso ng sanggol.
Biglang umiyak ng napakalakas ang sanggol. Ang kaninang malamig at walang buhay na bata ay mainit at gumagalaw na ngayon.
“Nars! Dok! Gumagalaw ang baby ko! Buhay ang baby ko!” sigaw ni Venus na nakahiga pa at umiiyak sa saya.
“Diyos ko! Isang himala ito!” naiiyak na sabi ng nars.
Agad na sinuri ang bata at nakitang malusog ito. Hindi pa rin maipaliwanag ng mga doktor doon kung paanong ang walang buhay na sanggol ay bigla na lamang nabuhay. Talaga ngang matatawag itong isang himala!
Sa unang pagkakataon nasilayan ni Venus ang matamis na ngiti ng anak. Lahat ng galit at sama ng loob noon ay napawi at napalitan ng walang humpay na kaligayahan.
Pinangalanan nilang Miracle Joy ang sanggol, dahil bukod sa isang milagro ang nangyari rito, labis na saya rin ang idinulot ng pagdating nito kay Venus.
Sa tulong ng mga magulang, nakatapos ng pag-aaral si Venus at ngayo’y ganap na rin isang flight attendant. Mayroon siya bagong inspirasyon upang kamtin ang lahat ng pangarap, ang kaniyang anak.
Tila ba bumuhos naman ang swerte sa kanilang buhay nang dumating si ‘Baby Miracle Joy.’ Napakaginhawa at napakaginhawa ng kanilang buhay.
“Ikaw ang lang pala ang kokompleto sa buhay ko, anak. Ikaw ang greatest blessing sa akin ni God,” saad ni Venus habang nakayakap sa nakangiting anak.
Ang inaakala ni Venus na malas at sumira ng kaniyang pangarap ang siya palang bubuo at magbibigay ng sobrang kaligayahan sa kaniyang buhay. Ang sanggol na ibinigay sa kaniya ay tunay ngang pagpapala na hindi niya alam na darating sa kaniyang buhay.