Inday TrendingInday Trending
Isang Pulubi ang Tinulungan at Pinakain ng Babae sa Isang Restawran; Ilang Taon Matapos ng Tagpong Iyon, Gulat na Gulat Siya sa Nalaman

Isang Pulubi ang Tinulungan at Pinakain ng Babae sa Isang Restawran; Ilang Taon Matapos ng Tagpong Iyon, Gulat na Gulat Siya sa Nalaman

Alas tres ng madaling araw noon, naisipan ni Thelma na kumain sa isang kilalang fast food. Kagagaling lamang niya sa trabaho noon at talagang gutom na gutom na. Bagama’t umay na sa napiling kainan, wala naman siyang ibang puwedeng pagpilian dahil iyon ang pinakamalapit.

Bago pumasok sa loob ng kainan ay may isang batang kalye na lumapit sa kaniya. Nasa edad na labing pito o labing dalawa siguro ang edad nito.

“Ate, ate, pahingi naman po ng barya riyan o! Pambibili ko lang po ng pagkain,” sabi ng bata.

Napataas ng bahagya ang isang kilay ni Thelma ang tinitigan ang bata. “Hindi ako nagbibigay ng pera e,” saad ng babae.

“S-sige po,” malungkot na sabi ng bata.

“Pero pwede kitang isama sa loob para samahan akong kumain. Tara, maupo tayo doon at kakain tayo!”

Bigla naman nagliwanag ang mukha ng bata nang marinig ang sinabi ng babae. Tuwang-tuwa itong pumasok at naupo sa loob ng kainan.

Nagpakilala ang bata bilang Reynan na nakatira malapit sa riles ng tren. Nagkwentuhan saglit ang dalawa habang nag-iintay ng pagkain.

“Ate, maraming salamat po dito ha? Kagabi pa po kasi ako hindi kumakain. Napakasarap po ng manok na ito!” masiglang sabi ng bata.

“Kumain ka lang diyan ng kumain ha? Kung gusto mo pa, sabihin mo lang,” sabi ni Thelma. “Teka, Reynan, nag-aaral ka ba?”

“Hindi na po. Hindi po kasi kayang suportahan ni nanay ang pag-aaral ko. Wala na po kasi akong tatay, kaya kami lang po ni nanay at ng isa ko pang kapatid ang nagtutulungan,” kwento pa ni Reynan.

“G-ganoon ba? Bakit madaling araw na nasa labas ka pa? Hindi ba masama sa kalusugan mo ang magpuyat?” tanong naman ng babae.

“Nagkakalakal pa po kasi ako ng basura na pwedeng ibenta. Tapos naghahanap rin po ng mga itinapong pagkain na pwedeng iinit para may makain po kami. May sakit po kasi si nanay ngayon kaya ako lang po ang gumagawa.”

Napansin ni Thelma na hindi ginagalaw ng bata ang burger at isang piraso pang manok na nasa harap nito.

“H-hindi mo ba gusto iyang burger mo? Hindi mo rin ginagalaw iyang manok, busog ka na ba agad?” tanong ni Thelma.

“Hindi po, ate. Tinatabi ko po kasi ibibigay ko po kay mama at sa kapatid ko para may makain po sila. Alam n’yo po ate, may mga pagkakataon na gusto ko na pong lumayas kasi hirap na hirap na ako sa sitwasyon naming, pero iniisip ko na lang po na darating ang araw na makakapag-aral ako at makakatulong sa mama at kapatid ko,” may lungkot sa mga matang sabi ng bata.

“Naniniwala akong kayang-kaya mo iyan! Basta may determinasyon at buo ang loob mo, kahit na anong hirap pa ang pagdaanan mo, alam kong kakayanin mo.”

Ngumiti ang bata at uminom ng soft drink na in-order kanina lamang. May kinang rin ang mga mat anito na tila ba nabuhayan ng loob sa narinig.

“Salamat po, ate! Lagi ko pong tatandaan iyan! Maraming salamat po sa pagkaing ito ha? Tatanawin ko pong malaking utang na loo bito sa inyo. Pangako, balang-araw makakabawi rin po ako!” masayang sabi ni Reynan.

“O sige, aasahan ko ‘yan ha? Alam kong kayang-kaya mo ‘yan!” muling sabi ni Thelma.

Nagpaalam ang bata at saka masayang dinala ang mga pagkaing itinira para sa kapatid at ina. Pinabunan pa ito ng ilan pang pagkain ni Thelma bago umalis. Hindi niya maipaliwanag, pero magaan rin ang loob niya sa bata.

“Sana dumating ang panahon na makita kita ulit na hindi na kailangang mapuyat para magkalakal lang ng basura. Sana makita kong matagumpay ka na sa buhay, nag-aaral at kumakain ng maayos. Ipagdarasal kita,” bulong ni Thelma habang minamasdan ang bata na naglalakad palayo at maligayang may bitbit ng plastic ng pagkain.

Sa mga sumunod pang gabi, hindi na muli pang nakita ni Thelma si Reynan. Lagi niya itong inaabangan upang makakwentuhan at mailibre muli ng pagkain. Lumipas ang linggo pati na mga buwan, ngunit walang bakas kahit na anino ng bata roon. Hanggang sa dumating ang araw na kinailangan lumipad ng babae patungong ibang bansa upang doon na magtrabaho.

Isa, dalawa, tatlo, hanggang sa magpitong taon, muling nagbalik ng Pilipinas si Thelma upang magbakasyon. May asawa at isang anak na rin siya susunod sa kaniya pauwi mula sa Australia.

Mag-aalas kuwatro noon ng madaling araw, hindi makatulog ang babae dahil nakakaramdam siya ng gutom. Napagdesisyonan niyang pumunta sa malapit na kainan, ang dating kainan na inaayawan na niya, ngunit ngayo’y miss na miss niya dahil matagal siyang hindi nakakain ng burger at manok doon.

Naupo muna saglit si Thelma at saka tumingin-tingin ng mao-order na pagkain. Nagulat siya nang bigla siyang lapagan ng waiter ng burger at dalawang pirasong manok na may kanin.

“Ay, teka, hindi pa po ako nag-oorder! Mali kayo ng table,” sabi ni Thelma sa waiter.

“Ma’am, inutos lang po sa akin na ibigay ko po daw ‘to sa iyo,” sabi ng waiter.

“S-sinong nag-utos sa’yo? Bakit niya ako binibigyan nito?”

“Iyong pong naka-polo shirt na itim at pantalon, ma’am!” tinuro ng waiter ang isang lalaking nakatalikod habang kumakain rin.

“Thank you!” sabi na lamang ni Thelma at saka kinuha ang tray ng pagkain. Lumapit siya sa lalaki ang kinausap ito. “Excuse me! Bakit pala binibigyan mo ako ng pagkain?” tanong niya.

Humarap ang lalaki at saka ngumiti. “Libre ko po sa’yo ‘yan!”

“Kilala ba kita? Bakit binibigyan mo ako nito? Sorry, pero hindi kasi ako tumatanggap ng pagkain mula sa hindi ko kilala,” sabi pa ng babae.

“Si ate talaga, kinalimutan na ako! Hindi mo na po ba ako natatandaan? Ako po ‘to, si Reynan, ‘yong bata na inilibre n’yo po noon?” pagpapakilala ng binata.

Nagulat si Thelma at tila ba hindi makapaniwala. “Totoo ba iyan? Ikaw na nga si Reynan?! Diyos ko! Long time no see! Kumusta ka? Grabe, binatang-binata ka na ah?”

Natawa ang lalaki at saka ngumiti. “Eto po, 3rd year college na po ako. Kumukuha po ako ng kursong civil engineering pero full time call center agent po ako. Grabe, ang tagal kong hinintay na muli po kayong makita. Gusto ko po kasing magpasalamat muli sa inyo!”

“Para saan? Doon sa libre noon? Wala iyon. Natutuwa nga ako na ipinagpatuloy mo ang pag-aaral mo!” sabi pa ng babae.

“Dahil po sa inyo iyon. Kayo ang unang naniwala sa akin kaya narito po ako ngayon, lumalaban pa rin. Kahit mahirap, iginapang ko po ang pag-aaral ko kasi isinapuso ko ‘yung sinabi ninyo noon. Kaya maraming salamat. Hindi lamang sikmura ko ang binusog ninyo noon, pati na rin ang puso ko. Kayo po ang nagtulak sa akin na abutin ang mga pangarap ko!” saad ng binata.

Napaluha si Thelma sa narinig. Hindi niya inaasahang sa loob ng ilang taon na lumipas, makilala pa rin siya ng batang kalye na tinulungan noon at higit sa lahat, dahil sa maliit na kabutihan ipinakita niya, isang buhay pala ang mababago.

Nagpatuloy ang pagkakaibigan nila Thelma at Reynan. Palaging nag-uusap ang dalawa sa Messenger. Ipinakilala rin ng babae si Reynan sa asawa niya at ikinuwento ang mga nangyari noon. Ang mag-asawa ang sumagot ng huling semester ng binata sa kolehiyo upang makapag-pokus ito sa pag-aaral.

Maging sa gastusin para sa review sa board exam ay sinagutan na rin ng mag-asawa. Hindi naman sila nabigo dahil top 6 sa board exam si Reynan at ganap nang Civil Engineer! Magmula noon ay tuluyan na ngang nabago ang buhay ng binata. Hindi niya inaasahan ang malaking pagbabago sa buhay niya na nagsimula lang sa simpleng pagtulong ng taong hindi naman kilala o kaano-ano.

Ngayon, may sariling bahay na si Reynan kasama ang ina at ang kapatid na ngayo’y nag-aaral na rin ng kolehiyo. Naging maganda rin ang pagkakaibigan nila ni Thelma at talaga tinatanaw niyang malaking utang na loob rito ang mga naitulong sa kaniya.

Nagkaroon nga ng katuparan ang mga salitang inusal noon ni Thelma. Patunay lamang ito na mahirap ang buhay pero kapag may isang taong nagtitiwala sa atin, malalaman natin na kahit na gaano pala kahirap ang mga pagsubok, nakakuha tayo ng lakas ng loob na suungin lahat ng iyon. Kailangan lamang din natin na magtiwala sa ating mga sarili at magkaroon ng determinasyon na lumaban sa bawat hamon ng buhay. Palaging may tulong na darating basta’t magtiwala lamang.

Advertisement