Niyanig ng Napakalakas na Lindol ang Ilang Lungsod Noon; Napaluha ang mga Rescuers sa Nakita Mula sa Isang Biktima ng Sakuna
Madaling araw noon nang yanigin ng napakalakas na lindol ang ilang mga lungsod. Labis ang pinsalang tinamo ng mga naapektuhan ng nangyaring sakuna. Mayroong mga establisimento at mga kabahayang nagiba, pero grabe ang sinapit ng isang lungsod na malapit sa bundok.
Agad na nagtungo sa may bundok ang rescue team upang sagipin ang mga taong naninirahan doon. Umingay kasi ang balita na marami ang sugatan, mga binawian ng buhay at nasirang mga kabuhayan dahil sa pinsalang nagawa ng sakuna.
Nang makarating ang rescue team, isang nakakalungkot na eksena ang bumungad kaagad sa kanila. Sira-sira at gumuhong mga bahay, mga taong sugatan at humihingi ng tulong, pero ang kumurot ng puso nila ay ang isang babae na nakahiga at nadadaganan ng isang malaking pader at mga lupa.
“May tao rito! Unahin n’yo na ito, dali! Baka sakaling matulungan pa natin!” sigaw ng isa sa mga rescuer.
Umaasa ang lahat na buhay pa at maililigtas pa ang babae, kaya buong lakas na nagtulong-tulong ang rescue team na tanggalin ang mga lupa at nakadagang pader, ngunit nang kanilang matanggal ito, napawi ang mga ngiti sa kanilang mukha nang makompirmang wala nang buhay at malamig na ang katawan ng babae.
“Wala na po siya, sir,” saad ng isang lalaki.
“Bakit parang kakaiba ang posisyon niya, ano? Bakit nakayuko at tila ba may niyayakap ang posisyon ng kaniyang pagkakahiga?” tanong lider ng grupo.
Napansin kasi ng lalaki na para bang magkayakap ang mga braso at magkahawak ang kamay ng mga babae. Para bang mayroon itong pinoprotektahan bago pa man madaganan ng gumuhong lupa at pader.
“Iwan ninyo na muna ang katawan diyan at subukang maghanap pa ng mga puwedeng mailigtas! Parating na rin naman ang sasakyan na magdadala ng mga walang buhay na katawan,” sabi pa ng lider ng rescue team.
Nagpatuloy sa paghahanap ang rescue team sa iba pang tao na napinsala ng lindol, ngunit muling bumalik ang lider upang tingnan ang muli ang babaeng wala nang buhay. Dahan-dahang lumapit ang lalaki nang bigla siyang mapaupo dahil sa gulat nang may malakas na iyak ng sanggol siyang narinig.
“M-may bata! May sanggol dito! May sanggol!” sigaw ng lalaki.
Nagmadali ang ibang kasapi ng rescue team at saka pinagtatanggal ang iba pang bato na nakapalibot sa katawan ng babae. Nagulat sila nang makita ang isang sanggol na nakabalot sa kumot.
“M-may sanggol nga…” hindi makapaniwalang sabi ng isa sa rescuers.
“Marahil nang bumagsak ang buong bahay, isinakripisyo ng babae ang kaniyang buhay upang protektahan ang kaniyang anak. Kaya siguro ganoon ang puwesto ng kaniyang katawan nang bagsakan ng gumuhong pader,” maluha-luhang sabi ng lider.
Agad nilang ipinatawag ang doktor na kasama upang suriin kung ligtas ang sanggol. Balot na balot ito ng kumot, ngunit nang kanila itong mabuksan, napaluha sila sa nakita, mayroong maliit na papel sa may bandang tiyan ng bata…
“Anak ko, kung sakali mang nakaligtas ka, sana ay laging mong alalahanin na mahal na mahal ka ni nanay,” laman ng kapirasong papel na kasama ng bata sa kumot.
“Hanggang sa huling sandal, kapakanan ng kaniyang anak ang inalala niya. Napakadakilang ina,” naluluhang sabi ng babaeng doktor.
“Nakakalungkot na ganito ang kanilang sinapit, pero doktora, paano ang bata? Saan na ito mapupunta? Sinong kukupkop rito sakaling wala na nga siyang kamag-anak o kapamilya?” tanong ng lider ng rescue team.
“Ako na ang bahala. Sa mabuting kamay siya mapupunta,” pahayag naman ng doktor habang nakangiting karga-karga ang sanggol.
Matapos ang malakihang rescue, ipinatanong nila kung mayroon pa bang buhay na kamag-anak ang bata, ngunit nalaman nilang wala na rin pala ang ama nito. Ulila na ang sanggol at nakakaawang walang ibang kukupkop rito, ngunit mabait talaga ang tadhana dahil may mabuting puso ang nagbukas ng kanilang tahanan para rito.
“Ako na po ang bahalang mag-alaga sa baby. Ako na po ang legal na kukupkop sa kaniya,” saad ng doktora.
Ilang taon na rin kasing kasal ang doktor ngunit hindi pa rin nabibiyayaan ng anak, kaya’t kinuha na niya ang pagkakataon upang maging isang ganap na ina sa pamamagitan ng pagkupkop sa ulila nang sanggol.
Masuwerte naman ang bata dahil minahal talaga ito ng mag-asawa na para bang sarili nilang anak. Ngunit kahit na ganoon, hindi inilihim ng mga ito ang katotohanan sa likod ng pagkatao ng bata, nais nilang malaman pa rin ng anak ang kabayanihang ginawa ng tunay na ina nito para lamang maligtas siya sa nangyaring sakuna.
“Nagpapasalamat ako sa inyo mommy at daddy dahil binigyan ninyo ako ng magandang buhay at minahal ninyo ako ng totoo. Salamat rin sa sakripisyo ng aking nanay na nagbuwis ng buhay upang makaligtas lamang ako, mahal na mahal ko kayo!” saad ni Javey, ang sanggol noon na survivor sa nangyaring malakas na lindol.
Ngayon ay kolehiyo na si Javey at kasalukuyang kumukuha rin ng kursong medisina. Nais niyang ibalik balang-araw ang pasasalamat sa mga taong tumulong sa kaniya sa pamamagitan ng pagtulong sa mga ito. Kaya sa tuwing nagkakaroon ng bagyo o iba pang sakuna, nangunguna ang binata sa pag volunteer na tumulong.
Ang sarap isipin na wagas ang pagmamahal ng isang magulang sa anak. Pinipili nilang isakripisyo ang sariling buhay upang mailigtas lamang ito mula sa kapahamakan, pero kahanga-hanga rin ang mga taong may pinagpalang puso na nagagawang tumulong, kumupkop at magmahal sa taong hindi naman kaano-ano.