Inday TrendingInday Trending
Napansin ng Lalaki ang Gusgusing Bata sa Loob ng Mall; May Malaking Papel Pala Itong Gagampanan sa Buhay Niya

Napansin ng Lalaki ang Gusgusing Bata sa Loob ng Mall; May Malaking Papel Pala Itong Gagampanan sa Buhay Niya

Kakauwi lamang ni Anton mula sa ibang bansa upang sa Pilipinas sana magdaos ng Pasko at Bagong Taon. Labing dalawang taon rin siyang nawala, ngunit kahit ganoon, tila ba hindi niya hinahanap-hanap ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas.

Pasko kasi noon nang maghiwalay ang mga magulang ng lalaki. Dinala si Anton ng kaniyang ama sa Belgium at wala nang naging balita pa sa kaniyang ina. Iyon ang araw na nam*tay sa puso ni Anton ang diwa ng Pasko.

Nagpunta sa isang malaking mall noon si Anton para mamili sana ng mga pang regalo sa ibang kakilala at kapamilya. Wala siya sa wisyo noon nang marinig niya ang usapan ng isang madungis na bata at kahera.

“Hija, gustuhin ko man ibenta sa iyo ‘to, pero hindi maaari. Kulang ang pera mo para mabili ang damit na ito,” sabi ng babae sa cashier.

“P-pero gusto ko pong bilhin ito para sa nanay ko. Gusto ko po kas imaging maganda siya ngayon Pasko, bago man lang po siya umalis…” sabi ng bata.

“Iwan mo na lang muna siguro ang damit na ito at balikan mo kapag kompleto na ang pera mo. Tapos magpalit ka rin ng damit at maligo ha?” saad pa ng kahera.

“Sabi po kasi noong saleslady, isa na lang daw po iyan. Baka mabili pa po ng iba. Kailangan ko po iyan mabili para sa nanay ko,” nangingilid na luhang sabi ng bata.

Pinagmasdan ni Anton ng mabuti ang bata. Marumi ito at madungis mula ulo hanggang paa. Hindi niya lubos maisip kung paano nakapuslit ang musmos sa mga bantay na guwardiya ng mall gayong mahigpit sila sa ganoon. Pero ang totoong nakapukaw ng atensyon ng lalaki ay ang pamilyar na mukhang ng bata. Hindi niya ito personal na kilala, pero sa tuwing mamasdan niya ang mukha nito, para bang pamilyar na pamilyar sa kaniya ito.

“Hija, pasensiya na ha? Humahaba na kasi ang pila sa likuran mo. Kung kulang ang pera mo, hindi ko maaaring ibigay sa’yo ‘to! Next customer, please!” malamig na sabi ng kahera.

Pumatak ang mga luha ng batang babae at saka malungkot na umupo sa isang tabi.

“S-sandali… babayaran ko na iyan!” sabi ni Anton habang nakatingin sa batang babae.

“P-po?” ‘di makapaniwalang tanong ng bata.

“Miss, isama mo na iyan dito sa mga pinamili ko at ibigay sa bata. P-pasko naman…” mahinang sabi ng lalaki.

Tila ba lumiwanag ang mukha ng gusgusing bata at ngumiti ng napakalaki.

“Maraming salamat po!” pumapalakpak na sabi ng bata.

“Anong pangalan mo, bata?” tanong ni Anton.

“Joy po…”

Napatigil ang lalaki sa narinig. “Kumain ka na ba?” tanong nito.

Umiling lang ang batang babae at nahihiyang ngumiti. Inaya saglit ni Anton ang bata na kumain ng tanghalian. Tuwang-tuwa naman si Joy at napakaraming nakain.

“Bakit napakahalaga para sa’yo ng damit na iyan?” tanong ng lalaki.

“Ireregalo ko po sana kay nanay. Gusto ko po maganda at masaya siya pag-alis niya,” sagot naman ni Joy.

“S-saan ba pupunta ang nanay mo?”

“Sa malayong lugar daw po. Malayong-malayong lugar daw po sabi ni nanay…”

Natapos kumain ang dalawa ngunit sobrang naeengganyo talaga ang lalaki sa bibong bata. Madungis lamang ito pero matalino at mabait. Ang hindi pa rin maipaliwanag ni Anton ay ang dahilan kung bakit ganoon na lamang kalapit ang loob niya rito.

“Gaano kalayo ba ang uuwian mo?” tanong ng lalaki.

“Mga isang oras lang po kapag nilakad. Saglit lamang po iyon,” sabi naman ng bata.

“A-ano? Nila-lang mo ang isang oras? Sandali at hintayin mo ako rito. Ihahatid na kita,” alok ni Anton.

Tumango lamang ang bata. Ilang saglit pa, dumating si Anton sakay ng isang pulang kotse. Kwento lamang ng kwento ang bata tungkol sa pangarap niyang maging guro balang-araw. Kinukwento rin nito na pinagpapatuloy niya ang pag-aaral kahit na hirap sila sa buhay.

May kalayuan ang bahay nila Joy ngunit parang nadurog ang puso ni Anton nang makita ang isang maliit na bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero lamang.

“Pasok po kayo para makilala n’yo po si nanay. Para mapasalamatan din po namin kayo,” sabi ni Joy.

Tumango lamang si Anton at sumunod. Bawat hakbang ay tila ba pabigat ng pabigat ang kaniyang mga paa. Hindi niya maipaliwanag ang nangyayari, ngunit talagang may kakaiba. Pumasok ang lalaki sa munting tahanan, sa kaniyang huling hakbang, napatulala siya at napatigil sa nakita.

“Nanay?” gulat na tanong ni Anton. “P-paanong…”

Nakatitig si Anton ngayon sa babaeng payat na payat, maitim at malalim ang ilalim mga mata, at bakas na bakas ang matinding karamdaman.

“A-Anton, anak, ikaw ba iyan?” mahinang sabi ng ginang.

Gulat na gulat ang lahat. Maging si Joy ay hindi maintindihan ang nagaganap.

“Anong nangyari sa inyo ‘nay? Bakit nagkaganiyan kayo? Bakit hindi man lang kayo lumapit sa akin?” nagsimulang nang lumuha ang binata. “S-si Joy… kapatid ko po ba siya?”

“Hindi ko alam kung paanong nangyaring nag krus ang mga landas ninyo, pero kapatid mo si Joy. Noong umalis kayo ng tatay mo, doon ko nalaman na nagdadalangtao pala ako,” kwento ng ginang.

“Pero bakit hindi ninyo kami sinulatan o tinawagan? Bakit hindi n’yo pinalaam ang kalagayan ninyo?”

“Sinubukan ko, anak. Pero grade 6 lamang ang natapos ko at ang pamilya ng tatay mo ay palagi kaming itinataboy. Napag-alaman ko na lang sa kanila na nag-asawa na rin pala ang ama mo. Halika, maupo ka rito,” saad ng babae habang umuubo at naghahabol ng hininga.

Bahagyang bumangon ang babae at kinuha ang isang lumang kahon sa kaniyang tabi. Inabot niya ito kay Anton at saka ngumiti.

“Ito ang mga sulat na sinubukan kong gawin para sa iyo, anak. Bawat kaarawan mo at Pasko ay sumusulat ako sa’yo sa pag-asang darating ang araw na mababasa mo ang mga ito, hindi nga ako nabigo…” naluluhang sabi ng ginang.

“Iaalis ko na kayo ni Joy rito, ipapagamot ko kayo nanay, tara, sumama na kayo sa akin,” nag-aalalang sabi ng lalaki.

Umiling-iling ang ginang at saka pumatak ang mga luha. Ibinukas niya ang mga kamay habang nakatingin kay Anton. Marahan namang lumapit si Anton at saka yumakap sa ina. Matapos ang napakahabang panahon, muling naramdaman ng lalaki ang init ng yakap ng isang ina, ang yakap na kay tagal niyang inasam, mga yakap na palagi niyang iniintay.

“Miss na miss kita, ‘nay…”

“Ako rin, anak ko. Patawad, dahil sa huling pagkakataon, iiwanan na naman kita. Pero pangako, sa susunod sa buhay, hinding-hindi na ako muling mawawala pa sa inyo,” saad ng ginang.

“Hindi ‘nay, ipapagamot ko kayo, baka may solusyon pa sa karamdaman ninyo,” ayaw papiit na sabi ng lalaki.

“Anak, tanggap ko na… hiling ko lamang sana bago ako pumunta sa patutunguhan ko, alagaan mo si Joy. Kupkupin mo at alagaang mabuti. Mabait na bata ang kapatid mo at maasahan, wala kang ibang pro-problemahin. Ipadama mo sa kaniya ang pagmamahal na hindi ko naipadama sa iyo noon. Tulungan mo siya, anak. Kahit para sa akin na lamang.

Alam kong marami akong pagkukulang sa iyo at humihingi ako ng kapatawaran. Pero kahit kalian, walang araw na lumipas na hindi kita naisip, mahal na mahal kita, anak. Mahal na mahal ko kayo ni Joy,” pahayag ng ginang bago hinapo at inubo ng inubo.

“’Nay… mahal na mahal rin po kita! ‘Wag n’yo akong iwan, ‘nay! ‘Wag po muna…” hagulgol ni Anton.

Kasama ni Joy, dinala ni Anton ang ina sa malaking ospital, ngunit ilang oras lamang matapos iyon, binawian na ng buhay ang ginang. Nakapagpaalam naman ito sa mga anak bago nagtungo sa malayong lugar na kaniyang patutunguhan.

Lumipas pa ang mga araw, sumapit na ang araw ng Pasko. Bagama’t may lungkot pa rin sa puso, sa pagkakataong ito, may ngiti na rin na sasalubungin ni Anton ang mga Pasko pang darating kasama ang kaniyang kapatid na si Joy. Nais niyang tuparin ang kahilingan ng ina upang mapasaya ito kahit na nasa kabilang buhay na.

Nag-aaral na si Joy ngayon at nalalapit nang magtapos ng hayskul. Buong puso rin na tinanggap na kanilang ama si Joy at talagang minahal ito ng sobra. Nawala man sa mundo ang mahal nilang ina, nag-iwan naman ito ng magandang regalo sa magkapatid, ang isa’t isa.

Advertisement