May Manliligaw Raw ang Dalagang Ito na Hindi Nakikita; Nangilabot Sila nang Malaman Kung Ano Iyon

Sa isang liblib na baryo noon sa isang probinsiya ay nakatira ang isang ordinaryong pamilya. Normal ang kanilang pamumuhay at masaya naman, ngunit ang payapa nilang pagsasamahan ay binalot ng kakaibang misteryo.

May anak na parehong babae ang mag-asawang Efren at Mercedes, ang magkapatid na sina Susana at Felicity. Parehong magaganda, ngunit walang papares sa gandang taglay ni Susana. Parang porcelana ang balat nito, matangos ang ilong, mahaba at itim na itim na buhok. Talagang ang bawat makakita ay nabibighani sa kaniyang gandang taglay, pero hindi inaasahan, isang nilalang pala ang maaakit sa kaniya nang hindi sinasadya.

Madalas na naiiwang nananahi si Susana sa kanilang tahanan habang ang ibang kapamilya ay nagtatanim at nagpapalayan. Sa isang matandang puno ng balete palaging umuupo si Susana at doon nagpapalipas ng oras sa pananahi.

Laging bukambibig ng dalaga noon na may manliligaw siyang makisig at guwapo, ngunit ang pinagtataka nila ay kahit kailan, hindi nila nakita kahit na anino lamang nito.

“’Pag nakita n’yo siya, matutuwa kayo! Napakagwapo at napakalambing ng aking manliligaw!” kinikilig-kilig na sabi ng babae.

“E, ate, hindi naman namin nakikita ‘yong manliligaw mo e! Nasaan ba kasi siya?” sabi pa ni Felicity.

“Nako, Susana, baka kami’y binibiro mo lamang ha?” sabat naman ng inang si Mercedes.

May pagkakataong tatlong araw na diretsong tulog lamang ang dalaga. Nag-aalala ang buong pamilya’t inakala nilang pumanaw na ito, pero humihinga pa si Susana at tila ba nahihimbing lamang talaga. Nang magising ito, napakaraming kwento ang kaniyang ibinahagi.

Advertisement

“Nagpunta kami ng manliligaw ko sa isang napakagandang lugar. Napakaraming ginto at masasarap na pagkain doon! Inaaya na nga niya akong sumama, ngunit naisip ko kayo. Hindi naman ako nakapagpaalam sa inyo, kaya’t nagmadali akong umuwi,” kwento pa ng dalaga. Hindi niya alam, tatlong araw na siyang natutulog.

“E anak, hindi kaya panaginip lamang iyon? Tatlong araw ka nang natutulog at hindi namin magising,” sabi ni Efren sa anak na babae.

“A-ano po, ‘tay? E parang kalahating oras ko lamang pong kasama ang manliligaw ko ah?” naguguluhang sabi naman ng dalaga.

Lumipas pa ang mga linggo at buwan, palaging ganoon ang nangyayari kay Susana. Matutulog ito ng pagkahaba-haba at gigising na tila ba pagod na pagod. Ang kaniyang dahilan ay laging “kasama ko ang aking manliligaw at namasyal kami.”

Isang araw ay napansin ng pamilya ang biglaang paglaki ng tiyan ni Susana. Labis itong ikinabahala ng pamilya dahil hindi naman ito lumalabas ng bahay para magdalantao.

“Buntis po ako at ang nobyo ko po ang ama,” pagtatapat ng dalaga.

“Anak, paanong nangyari iyon? Hindi ko naman nakikita na may nobyo ka. Ano bang nangyayari sa iyo?” nag-aalalang tanong ni Mercedes sa anak.

“Bakit ayaw ninyong maniwala? Palagi ko po siyang kasama!” pagpupumilit pa ni Susan.

Advertisement

Ang buong akala nila’y nasisiraan lamang ng bait ang dalaga, pero bigla na lamang bumilis ang paglaki ng kaniyang tiyan. Nagsilang si Susana ng babaeng sanggol, ngunit nakakalungkot na wala na itong buhay nang iluwal. Wala ring mukha ang bata kaya’t palaisipan ang pangyayari iyon sa pamilya.

“Hindi totoong wala na ang anak namin. ‘Yung inilibing natin? Hindi namin anak iyon! Kinuha na ng nobyo ko ang anak namin. Maniwala kayo!” sabi ng babae.

“M-magpahinga ka muna, Susana. Baka pagod lamang ang isip mo sa problema,” payo ni Mercedes sa anak.

Lumipas ang ilang buwan, muli na namang nagdalantao si Susana. Natakot na ang mga magulang niya dahil hindi lumalabas ang dalaga at wala rin silang nakikitang kasama nito, paanong mabubuntis na naman ito?

Nagsilang si Susana ng batang lalaki, ngunit tulad ng dati, wala itong mukha at tila ba isang matigas na kahoy lamang. Nagpatawag na noon ang mag-asawa ng magaling na albularyo at labis na pangingilabot ang naramdaman nila sa narinig.

“Totoo ang sinasabi ng anak ninyo… nakursunadahan siya ng isang engkanto. Hindi lamang ito basta-basta engkanto, prinsipe ito. Hindi ito titigil hangga’t hindi nakukuha ang anak n’yo!” pagtatapat ng matandang lalaki.

“P-pero may paraan ba para hindi na muling gambalain pa ng engkanto ang anak namin? May magagawa pa ba tayo?” tanong ng ama ng dalaga.

“Dasal na lamang ang tanging magagawa natin. Kailangan, buong pusong tumanggi ang anak n’yo sa engkanto, iyon lamang ang tanging paraan na nakikita ko. Malakas ang lamang lupa na iyan at hindi ko na kakayanin pa,” sagot ng matanda.

Advertisement

Lumipas pa ang mga araw, unti-unting bumagsak ang katawan ni Susana. Payat na payat ito at nagsimula nang manghina.

“Felicity…” mahinang pagtawag ni Susana.

“Ate, ano iyon?”

“Ang mga anak ko, pati na ang lalaking mahal ko, sinusundo na nila ako! Naroon sila sa labas, tingnan mo o!” sabi ng babae habang nakaturo sa bukas na pintuan.

“Inay! Si ate, o!” takot na pagsusumbong naman ng bata.

“Sasama na ako, mahal ko! Pupunta na ako riyan!” sabi naman ni Susana na tila ba may kinakausap sa hangin.

“Susana, huwag kang sasama! Lumaban ka anak!” sigaw naman ng ina ng dalaga.

“Nay, aalis na po ako. Sinusundo na ako ng mag-aama ko.”

Advertisement

“’Wag anak! Wag mo kaming iwan rito! Dito ka nararapat at hindi doon! Anak!!!” pagmamakaawa pa ni Mercedes.

Kinagabihan, inapoy ng lagnat ang babae. Hindi na ito kumain o uminom. Natulog lamang ito at hirap nang gisingin pa. Ilang saglit pa mula noon, tumigil sa paghinga si Susana at tuluyan ngang binawian ng buhay. Marahil ay sumama na nga ito sa kaniyang mag-aama.

Umalis ang mag-anak sa bariyong iyon matapos ihatid sa huling hantungan ang katawan ni Susana. Dala-dala nila ang mahiwagang kwentong iyon magpahanggang ngayon. Wala makapagpaliwanag sa kung anong hiwagang naganap, pero iisa lamang ang alam nila, hindi lamang tayong mga tao ang naninirahan rito sa mundo, mayroon din mga nabubuhay na hindi nakikita ng pangkaraniwang mga mata lamang.