
Ipinagtabuyan ng Kamag-anak ang Kawawang Mag-Lola sa Kasagsagan ng Bagyo; Nakakaiyak Pala ang mga Sumunod na Nangyari
Lumaki si Deyna sa sirang pamilya. Nag-iisang anak siya at sa murang edad ay natunghayan niya ang masakit na paghihiwalay ng kaniyang ama’t ina. Inabandona sila ng ama at sumama sa iba upang bumuo ng panibagong pamilya, habang si Deyna ay naiwan sa pangangalaga ng kaniyang lola at ina na may sakit sa puso.
“Mama, hindi mo naman kailangan pagurin masyado ang sarili mo. Baka makasama pa iyan sa kalusugan mo e,” nag-aalalang sabi ni Deyna sa ina.
“Anak, kailangan ko kasing kumayod para sa’yo at sa pag-aaral mo. Wala rin naman tayong suportang natatanggap mula sa papa mo,” malungkot na tugon ng ginang.
“Balang-araw, pangako ko sa’yo ma, uunlad din ako at maabot ko ang mga pangarap ko,” nakangiting sabi ng babae.
Hapon noon habang nasa eskwela ay nakatanggap ng masamang balita si Deyna.
“Deyna, ang mama mo raw isusugod sa ospital! Nawalan daw ng malay!” sigaw ng isang kamag-aral.
Nagmamadaling kinuha ni Deyna ang bag at saka nagpalaam sa guro dahil sa emergency. Dinatnan ng babae na napakaraming tao sa labas ng kanilang bahay, ngunit napaluha siya nang makitang may katawang inilalabas habang nakataklob ng puting kumot.
“Mama! Mama ko!” sigaw ni Deyna. “Ma, gumising ka, ma! ‘Wag mo akong iwanan, please!” paghagulgol pa ng babae.
“Deyna, kumalma ka… kumalma ka, apo,” mahinang sambit naman ng lola ni Deyna habang umiiyak na nakayakap sa apo.
Naiwan na lamang ang dalagita sa pangangalaga ng kaniyang lola. Napakalaking dagok ito para sa buhay ni Deyna. Hirap na hirap silang mag lola dahil pareho silang walang kakayanang magtrabaho pa. Kahit mga kamag-anak ay ayaw rin silang paluwagan, lalo na ang partido ng ama ni Deyna, mabuti na lamang at may mga mababait na kapitbahay silang handang tumulong palagi.
“Isang malakas na bagyo po ang inaasahang hahagupit sa Pilipinas ngayong parating na linggo. Pinapaalalahanan ang lahat na mag-ingat at maging handa sa posibleng panganib na dala ng bagyo,” saad ng newscaster sa telebisyon.
“Diyos ko po! Paano kaya kami ng lola ko nito,” pag-aalala ni Deyna habang minamasdan ang marurupok na kahoy sa bubong at nangangalawang na mga yero.
Nagsimula na noon ang malakas na pag-ulan-ulan at pakonti-konting hagupit ng hangin. Lumikas na ang ilang kapitbahay at naghanda naman ang iba. Naisipan nila Deyna na makisilong muna sa angkan ng kaniyang ama na mayroong malalaki at ligtas na bahay, ngunit imbes na tanggapin, masasakit na salita pa ang inabot nila mula rito.
“Anong palagay ninyo sa bahay namin, bahay ampunan? Aba, hindi naman na namin kayo kargo, inabandona na nga kayo ng kapatid namin, hindi ba?” sigaw ng babaeng kapatid ng ama ni Deyna.
“T-tita, baka puwedeng kahit saglit lamang naman po? Kailangan lang po namin ni Lola ng ligtas na matutuluyan, kahit ngayong gabi lang po. Pagkatapos po nito aalis rin kami kaagad,” pakiusap ng dalagita.
“Malas ang pamilya ninyo! Tingnan mo, pumanaw na ang nanay mo matapos nilang maghiwalay, malas nga kasi! Kaya lumayas kayo rito, doon kayo humanap sa ibang lugar! Sa evacuation center sa kabilang barangay, doon kayo pumunta at hindi rito!” pagtataboy pa ng salbaheng babae.
“Pero tita, aabutin na po kami ng bagyo ni lola kung sakali. Please, tita, kahit ngayon lang. Malapit nang mag landfall ang bagyo…”
“Siksikan na nga kami rito o! Hindi ka na rin naming kaano-ano, may ibang pamilya na ang ama mo, kaya wala na kaming pananagutan sa ulilang tulad mo!” kinalabog ng babae ang pinto at saka pinabayaan ang maglola sa kalsada.
“Tara na apo. Mukhang aabot pa naman tayo sa evacuation center. Hayaan mo na lamang ang ganoong mga tao. Tandaan mo, kapag lumaki ka, maging matulungin ka at ‘wag na ‘wag kang papares sa kanila. Lagi mong bubuksan ang mga tao para sa ngangailangan,” paalala ng matanda sa apo.
“Opo, lola. Tara na po at lumalakas na ang hangin pati ang ulan.”
Sinuong ng maglola at paghampas ng hangin at malalakas na buhos ng tubig ulan. Ang hindi nila inaasahan, nagpakawala ng tubig ang dam sa kanilang lugar kaya’t mabilis umangat ang tubig at nagkaroon ng malaking pagbaha.
“Lola! Sandali po, ‘wag kayong bibitaw sa akin! Hahanap po tayo ng masisilungan,” nag-aalalang sabi ng babae.
“Apo, nakikita mo ba ang malaking bahay na iyon?” pagturo ng matanda sa isang bahay na may ikatlong palapag, “sumampa ka sa bakuran at doon humingi ng tulong. Hindi na natin kakayanin pa ang pumunta sa kabilang barangay dahil hanggang binti na ang baha.”
“S-sige po, lola.”
Nagtungo ang dalawa sa mataas na gate ng bahay. Sinubukan nilang mag doorbell ngunit wala nang kuryente noon kaya’t hindi na sila naririnig.
“Akyatin mo na, apo. Ipaliwanag mo na lamang ang dahilan kung bakit ka pumasok ng walang paalam.”
“P-pero kasama ko po kayo, ‘di po ba?” tanong ng dalagita.
“Halika, umuna ka na munang umakyat at susunod ako,” tinulungan ng matanda si Deyna na sumampa. Napakataas ng gate kaya’t hirap na hirap si Deyna na abutin ang kaniyang lola.
“Lola, kumapit po kayo sa akin! Hanggang dibdib na ang baha!” sigaw ng babae.
Ngumiti lamang ang matanda at saka hinawakan ang kamay ng apo. “Lagi mong aalalahanin ang mga bilin ko sa’yo. Ayoko nang maging pabigat pa apo. Iligtas mo ang sarili mo! Matanda na ako at marami nang nagawa sa buhay. Basta lumaki ka na may mabuting puso. Mahal kita, apo ko…”
“Lola! Lola! ‘Wag, kumapit lang kayo, please, lola!” sigaw ni Deyna habang kapit-kapit ang kamay ng kaniyang lola.
“Pumunta ka na sa loob at doon ay humingi ng tulong! Sige na, apo. Ayos lamang ako…”
“Ayoko po, lola…”
Biglang nagpakawala na napakaling tubig ang dam noon kaya’t bigla itong bumulusok at sa isang iglap, tinangay ang matandang kanina’y nakatayo lamang.
“Lola!!!” paghihinagpis ni Deyna habang minamasdan ang kaniyang lola nilalamon ng tubig baha. Pilit inaangat ng matanda ang mga kamay nito, ngunit dahil s amalakas na agos ng tubig, hindi na ito nakita pa mula roon.
Sa pangalawang pagkakataon, nawasak na naman ang puso ni Deyna. Napakalupit ng tadhana ngunit mas napakalupit ng kapamilya na sana’y tumulong sa kanila. Bakit nga ba ganoon na lamang ang kapalaran sa kanila.
Tumakbo si Deyna patungo sa looban bago pa man ito pasukin ng baha. Mabuti na lamang at mababait ang may-ari ng malaking bahay. Agad nilang pinapasok si Deyna at pinaakyat sa ikatlong palapag.
“Eto, uminom ka muna ng mainit na tsokolate. ‘Wag ka nang umiyak ha? Ipagdasal natin ang lola mo pati na ang ibang nasalanta ng bagyo,” sabi ng ginang na may-ari ng bahay.
“Maraming salamat po,” umiiyak na sabi ni Deyna.
Niyakap ng babae ang dalagita at saka binigyan ng malinis na damit at pinagpalit. Lumipas pa ang mga oras at lumakas ng lumakas pa ang hangin. Lumubog na ang ilang barangay at tumaas na rin ang tubig. Walang ibang magawa si Deyna kundi ang magdasal na lamang sa plano ng Diyos sa kaniyang buhay.
Pagkatapos ng sakuna, nag-iwan ito ng malaking pinsala sa ilang parte ng Pilipinas. Nang medyo humupa at kumalma na ang kalagayan, agad na umalis si Deyna upang hanapin ang kaniyang lola o kahit katawan na lamang nito kung sakali man na wala na. Sumama naman ang mag-asawang may-ari ng bahay.
Sa isang lugar doon nakabalandra ang napakaraming katawan na nasawi dahil sa bagyo. Mahirap man, ngunit inisa-isa ng dalagita ang mga iyon, ngunit wala roon ang kaniyang lola.
“Ikaw si Deyna, hindi ba?” tanong ng isa sa rescuer.
“O-opo.. bakit po?”
“Sa iisang kalye lang kasi tayo nakatira. Nasa ospital ang lola mo ngayon, puntahan n’yo na lamang! Ligtas siya, ngunit medyo malubha,” sabi pa ng lalaki.
Agad ngang nagtungo roon sila Deyna at sa kabutihang palad, nakita niya ang kaniyang lol ana nakahiga, buhay at humihinga pa.
“Diyos ko! Salamat po!” sigaw ng dalagita habang humahagulgol.
“Naligtas ako ng isang rescuer, apo ko,” mahinang sabi ng matanda.
“Salamat naman sa Diyos! Hindi ko alam kung paano Siya papasalamatan!”
Yumakap lamang si Deyna ng mahigpit sa kaniyang lola at saka umiyak ng umiyak. Isang balita pa ang nakarating sa kanila. Wala raw nakaligtas sa kahit sino sa kapamilya ng kaniyang ama. Pinasok raw ng tubig ang bahay nito at hindi agad nakalabas, dahilan para malunod ang mga nasa loob ng bahay.
Siguro ay kagustuhan ng Diyos na hindi talaga papasukin doon sina Deyna at ang lola niya dahil sa masamang mangyayari sa mga kamag-anak ng dalagita na maiitim ang budhi roon. Malalamig na katawan raw nang ilabas ang mga ito.
Ang mag-asawang may-ari ng malaking bahay ay nagdesisyong kupkupin ang maglola. Sila na rin ang nagpaaral kay Deyna at tumayong mga magulang ng dalagita.
Ngayong propesyonal na at may magandang trabaho, hindi pa rin nakalimot si Deyna na lumingon sa mga taong tumulong sa kaniya. Bilang pasasalamat, isinapuso ng babae ang mga paalala ng kaniyang lola. Kaya’t tuwing bumabagyo, isa si Deyna sa nangunguna sa pagtulong sa kapwa.
Hindi rin niya ipinagdamot ang mga pagpapalang mayroon siya, dahilan para buksan pa ng langit ang bintana nito at ibuhos pa ang napakaraming pagpapala.
Sa panahong dumaranas ang karamihan sa atin ng maraming pagsubok dahil sa mga kalamidad, nawa’y ugaliin natin na maging sensitibo at buong pusong maging mapagbigay para sa ating mga kapwang nangangailangan. Sino pa nga bang magtutulungan kundi tayo-tayo rin naman. Mas lalong hindi rin natin alam na sa pagdating ng panahon, tayo rin mismo ay dumanas ng pagsubok kung saan tayo na rin ang mangangailangan ng tulong mula sa iba.
Laging magkaroon ng mabuting kalooban at mapagkumbabang puso!