Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ang Bata Dahil Wala Itong Maipakitang Birth Certificate; Nakakapanlumo nang Malaman Nila ang Katotohanan

Pinagtatawanan ang Bata Dahil Wala Itong Maipakitang Birth Certificate; Nakakapanlumo nang Malaman Nila ang Katotohanan

“Matulog ka nang maaga, Buboy, at bukas ay unang araw ng pasukan mo. Hindi maganda na mahuhuli ka sa klase,” saad ni Aling Nora sa anak na anim na taong gulang.

“Nanay, hindi po ba talaga kayo pwede pumasok sa loob ng silid-aralan? Nahihiya po kasi ako at natatakot talaga!” sambit naman ng bata sa kaniyang ina.

“Saan ka natatakot, anak? Masaya sa paaralan. Makakakilala at makakalaro ka sa ibang mga bata. Darami ang kaibigan mo. Pero ang higit sa lahat ay matututo kang magbasa at magsulat,” pahayag ng ina.

“Takot po talaga ako, nanay. Baka pwede pong sa susunod na taon na lamang po ako pumasok sa eskwela. Kayo na lang po ang magturo sa akin na magbasa at magsulat. Magaling naman po kayo e,” pangungulit ni Buboy sa kaniyang nanay.

“Ikaw talaga. Kaya mo ‘yan, anak. Sige na at matulog ka na. Ihahatid kita bukas at ako rin ang susundo sa iyo. Ipaghahanda kita ng masarap na baon,” saad pa ni Aling Nora sa anak.

Lubos ang kaba ni Buboy sa pagpasok niya sa eskwela. Hindi lamang dahil sa hindi niya kilala ang mga tao doon ngunit madalas kasi siyang maging tampulan ng tukso sa labas ng kanilang bahay.

Lumaking walang ama itong si Buboy at tanging ang ina lamang na si Aling Nora na isang labandera ang kumakalinga sa kaniya. Maliit na pinagtagpi-tagping yero at kahoy lamang ang kanilang tintirahan ngunit hindi ito inalintana ng ginang upang hindi mapag-aral ang anak. Gagawin niya ang lahat para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang batang si Buboy.

Kinabukasan ay maagang gumising ang mag-ina upang maghanda para sa unang araw ng pasukan. Kinakabahan man ay tinatagan ni Buboy ang kaniyang loob dahil lagi niyang naaalala ang sinasabi ng kaniyang ina na edukasyon ang susi sa maunlad na bukas.

Pangarap kasi niyang makapagtapos ng pag-aaral para na rin mabigyan ng masaganang buhay ang kaniyang ina.

Nang makapasok sa silid-aralan ay nagmamasid lamang itong si Buboy. Ibang-iba ang kaniyang gayak sa ibang mga bata. Habang ang karamihan ay maayos at bago ang uniporme, sa kaniya ay nahingi lamang ng ina na pinaglumaan ng anak ng babaeng kumukuha sa kaniya bilang taga-laba. Nakasuot siya ng tsinelas at tinagpian lamang ng ina ang bag na hiningi rin sa kapitbahay.

Bilang unang araw ng pasukan ay nagpakilala ang lahat. Dahil nahihiya ay nauutal sa pagsasalita itong si Buboy. Sa bawat salitang mali na kaniyang binibigkas ay nagtatawanan ang kaniyang mga kaklase. Napayuko na lamang sa hiya si Buboy.

Bago mag-uwian ay tinawag ng gurong si Ginang Marquez ang mga estudyante na hindi pa nakakapagbigay ng kopya ng kanilang mga birth certificate. Isa na rito si Buboy.

Pagkauwi ay tinanong niya sa ina kung nasaan ang kaniyang birth certificate.

“H-Hindi pa ako nakakakuha ng ganun, anak. Kailangan kasi ng malaking halaga para kakuha ng kopya non. Pakisabi mo muna sa iyong guro na ipapadala ko sa iyo kapag nakakuha na tayo,” saad ng ina sa anak.

Binigyan ng guro ng ilang palugit ang bata para maibigay niya ang kinakailangang dokumento ngunit lumipas na ang ilang linggo ay wala pa rin ito. Siya na lang kasi ang bukod tanging wala pang naibibigay na birth certificate sa kanilang klase at lubos na itong ikinagagalit ng guro.

Dahil ayaw na niyang bigyan ng pasakit ang ina na magmadali na makahagilap ng pera upang makakuha ng kopya ng nasabing dokumento ay naghalungkat na lamang siya ng kahit anong papeles sa tukador ng kaniyang ina upang maibigay sa kaniyang guro.

Nang maibigay niya ito sa guro kinabukasan ay nagtawanan ang mga kaklase niya nang makita na hindi birth certificate ang iniabot ni Buboy. Dahil hindi pa ito marunong magbasa ay hindi niya alam na ang naibigay niya ay listahan ng utang ng kaniyang ina. Napatawa na lamang din ang nasabing guro.

Agad niya itong ikinuwento sa mga kasamahang guro at ang iba doon ay nagtawanan. Ngunit isang guro ang hindi nakitawa sa kanila, ito ang mabait na gurong si Bb. Reyes.

“Nasubukan mo na bang kausapin ang bata?” saad ng binibini.

“Ilang beses ko nang sinasabi sa kaniya na dalhin niya. Puro wala raw. Baka mamaya ay hindi lang nun talaga sinasabi sa kaniyang mga magulang. Saka mukhang mahina ang ulo ng batang iyon dahil madalas ay hindi sumasagot sa klase. Laging parang nagtatago!” pahayag ng guro.

Nang makita ni Bb. Reyes ang nasabing bata ay pinilit niya si Ginang Marquez na puntahan ang bahay ng bata at kausapin ang ina.

Kahit na tila parang pinangungunahan siya ng dalagang guro ay pinuntahan na rin niya ang bahay ng bata para matapos na ang kanilang suliranin.

Doon ay nakita niya ang hirap ng buhay na kinakaharap ng mag-ina. Agad siyang sinalubong ni Aling Nora at pinatuloy sa kanilang tahanan.

“Paumanhin po at masikip talaga itong barung-barong namin,” pagpapaumanhin ni Aling Nora.

“Bakit po kayonaparito? May nagawa po bang mali ang anak ko?” saad pa nito.

“Wala naman po. Tungkol po ito sa birth certificate ng anak niyong si Buboy. Matagal-tagal ko na rin po itong sinabi sa kaniya ngunit hanggang ngayon ay wala pa po siyang ibinibigay na dokumento. Tapos ay nagbigay sa akin ng kung ano mang listahan. Heto po,” pahayag ng guro sabay abot ng papel na ibinigay sa kaniya ng bata.

“Pasensiya na po kayo, Ma’am. Hindi ko po kasi alam talaga kung paano sasabihin ito sa kaniya at sa inyo. Sa katunayan po kasi ay wala po talagang birth certificate itong si Buboy. Hindi po siya rehistrado,” pag-amin ng ginang.

“A-ano po ang ibig ninyong sabihin? Noong nanganak po kayo ay hindi po ninyo naasikaso?” pagtataka ng ni Gng. Marquez.

Umiling si Aling Nora.

“Hindi po ako ang tunay na ina ni Buboy. Pero hindi po niya alam. Matagal na panahon na po nang ibigay siya sa akin ng kaniyang tunay na ina. Pero hindi ko na rin po siya matagpuan. Kaya simula noon ay inari ko na lang si Buboy bilang isang tunay na anak.

Sa hirap po ng buhay namin ay hindi ko po alam kung paano po siya maipaparehistro. Sana naman po ay hindi ito ang maging dahilan upang hindi siya makapagpatuloy sa pag-aaral,” saad ng nalulungkot na ina.

Dito ay naunawaan na ni Gng. Marquez ang pinagdadaanan ng bata. Nagsisisi siya na napagtawanan pa niya ang kalagayan nito. Agad siyang humingi ng paumanhin sa bata at sa ina nito at nangako na tutulungan niya si Buboy na hindi mahinto sa pag-aaral dahil lamang sa nasabing dokumento.

Inilapit ng guro ang suliranin na ito ng mag-ina sa mga awtorisadong tao. Nalaman na rin ni Buboy ang katotohanan na hindi siya tunay na anak ng kaniyang Nanay Nora. Imbis na magtampo at magalit ay lalo pa niyang minahal ang ginang dahil kahit hindi pala siya kadugo nito ay minahal siya nito higit pa sa kaniyang sarili.

Sa wakas ay naparehistro na si Buboy sa tulong ni Ginang Marquez. Napakasama ng mag-ina dahil nakasunod na ang bata sa apelyido ng kaniyang ina.

Ang munting dokumento na ito ay tila nagbigay ng pag-asa kay Buboy na magpursigi sa buhay dahil alam niyang may pamilya siyang matatawag at ito ang kaniyang Nanay Nora. Salamat sa mga taong tumulong sa kanila upang magawa ang lahat ng ito.

Advertisement