
Araw-Araw na Nagtutungo ang Ama sa Bahay ng Anak na Lalaki; Nang Hindi Ito Nagpakita Isang Araw ay Hindi Niya Akalain na Ito ang Dahilan
“‘Tay, ano na naman ang ginagawa niyo? Bakit nagsisiga na naman kayo dito sa bakuran? Baka mareklamo na tayo ng kapitbahay. Bawal ‘yan!” naiinis na bungad ni Roy nang makita niya ang amang si Berto sa bakuran ng kanilang bahay.
“Pinapausukan ko lang itong puno mo ng mangga para mabilis mamunga, anak. Winalis ko kasi ang mga tuyong dahon. Para pagkagising mo ay hindi ka na magwawalis dito. Alam kong pagod ka sa trabaho buong linggo,” tugon naman ng matanda.
“Kahit na, ‘tay! Dapat ay isinilid niyo na lang sa sako ang mga tuyong dahon. Ang usok-usok tuloy!” muling saad ng anak habang binubuhusan ng tubig ang siga na ginawa ng ama.
“Pumasok na nga lang kayo rito, ‘tay, at mag-almusal? Kumain na ba kayo?” tila nayayamot pa ring sambit ni Roy.
“Uminom na ako ng kape bago ako pumunta dito. Gising na ba ang mga apo ko? Sabihin mo ay gusto silang makita ng lolo,” wika ng matanda.
“Natutulog pa po. Hindi naman sila p’wedeng gisingin kaagad dahil mga antok pa rin ‘yun mula sa panonood nila kagabi ng palabas sa telebisyon,” saad ng anak.
“‘Tay, kapag may kailangan kayo ay kayo na po ang bahala at babalik lang ako sa pagtulog dahil kulang na kulang pa ako sa pahinga,” dagdag pa ni Roy at tumuloy na ito sa kaniyang silid at naiwan na lamang mag-isa si Mang Berto sa sala.
Kumuha ng bangko ang ama at umupo na lamang muli sa bakuran.
Samantala, pagpasok ng silid ay pupungas-pungas pa ang asawa ni Roy na si Carmen na tinatanong kung saan galing ang mister.
“H’wag mo sabihin sa aking narito na naman ang tatay mo?” saad ng ginang.
“Oo, at nagsiga na naman sa labas. Pinagsabihan ko na,” tugon ni Roy.
“Umuwi na ba siya?” tanong muli ng asawa.
“Nandoon lang ata sa sala,” sagot ng mister.
“E ano ang ginagawa mo dito? Puntahan mo na ang tatay mo at sabay na kayong mag-almusal,” utos ng asawa.
“Grabe ang pagod ko, Carmen. Gusto ko pang matulog. Ngayon na lang ako makakatulog nang mahaba-haba kaya sana ay pagbigyan niyo na ako,” pagmamakaawa ni Roy.
Dahil hindi na mapilit pa ni Carmen ang asawa ay siya na lang ang lumabas at ipinagluto ng almusal ang biyenang lalaki. Magiliw niyang inabutan ito ng kape habang naghihintay ang matanda sa kanilang bakuran.
Dalawang eskinita lamang ang layo ng bahay ni Mang Berto mula sa bahay ng anak na si Roy. Nabili nito ng anak ang lupa bago makapangasawa nang makaipon mula sa kaniyang pagtatrabaho bilang isang manager ng bangko.
Ilang taon na rin ang nakalipas nang sumakabilang buhay na rin ang asawa ni Mang Berto kaya tanging siya na lamang ang nakatira sa bahay. Araw-araw ay maaga pa lamang ay naroon na siya sa bahay ng anak at nakatambay sa bakuran nito.
Araw ng lunes at nagmamadali si Roy na pumasok sa opisina. Sa kaniyang pag-alis ay tiyempo naman ang pagdating ng kaniyang ama.
“Ang aga mo naman pumasok sa opisina. Heto nagdala ako ng paborito mong bayabas. Baunin mo kaya sa opisina,” wika ng ama habang inaabot ang prutas sa anak.
“Pakilagay na lang po sa loob ng bahay, ‘tay. Kailangan ko na po kasing umalis,” tugon naman ng nagmamadaling anak na nakasakay na sa kotse at paalis na.
Tumango ang ama at saka ngumiti.
“Uuwi ka ba nang maaga mamaya? Hihintayin kita,” saad nito.
“Hindi ko pa po alam, ‘tay. Bahala na. Sige po, kailangan ko na po kasing umalis,” paalam ni Roy sabay harurot paalis ng kaniyang kotse.
Muli ay naiwan na naman ang matanda na nakaupo lamang sa bakuran ng kanilang bahay. Nakita siya ni Carmen at kaagad siyang pinapasok.“Mainit po riyan sa labas, ‘tay. Tara ho at dito na lang kayo sa loob,” paanyaya ng ginang.
Nanatili sa bahay na iyon si Mang Berto hanggang hapunan. Nguni tila gagabihin na ang anak kaya tinawagan niya ito.
“Carmen, nasa meeting ako, ano ba ‘yun?” wika ni Roy sa asawa.
“Pinapatawagan ka ng tatay. Anong oras ka raw uuwi?” saad ng misis.
“Sabihin mo ay h’wag na akong hinatayin at gagabihin ako. Umuwi na kamo! O siya, sige na!” sambit ni Roy.
Sinabi na lamang ni Carmen na hindi ito makakauwi kaagad dahil sa abala pa sa trabaho. Inanyayahan niya ang matanda na doon na matulog sa kanila ngunit tumanggi ito. Saka nagsabi na babalik na lamang daw siya bukas.
Ngunit palaging hindi niya nakakatagpo ang oras ng kaniyang anak na lubhang abala sa trabaho. Naiintindihan naman ito ng matanda.
Isang araw ay laking pagtataka ni Carmen na hindi dumalaw roon ang kaniyang biyenang lalaki.
“Himala ata at araw ng Sabado ngayon, tanghali at wala pa rin ang tatay dito? Kinumusta mo na ba siya? Nagkausap na ba kayo?” tanong ng ginang sa mister.
“Baka nasa bahay lang at nagpapahinga. Wala ba siyang nabanggit sa iyo kung ano ang kailangan niya sa akin?” wika naman ni Roy.
Ngunit walang nababanggit na kahti ano si Mang Berto sa kaniyang manugang. Basta naroon lamang ang matanda at matiyagang inaabangan ang pag-uwi ng kaniyang anak.
Dahil hindi na mapakali ay pinilit ni Carmen si Roy na puntahan ang ama. Nang ayaw nitong kumilos ay si Carmen na lamang ang mag-isang nagtungo roon upang tingnan ang kalagayan ng matanda.
Pagbukas niya ng pinto ay bumungad agad si Mang Berto na nakabulagta sa sahig. Agad niyang tinawagan ang asawa upang sabihin at nangyari at madala nila ang ama sa ospital. Ngunit huli na lahat. Ilang oras nang walang buhay si Mang Berto.
Ang sabi ng mga doktor ay atake raw sa puso ang dahilan ng kaniyang pagkawala.
Hindi lubos maisip ni Roy ang bilis ng pangyayari. Habang ginagayakan si Mang Berto para maiburol ay nagtungo ang anak sa bahay ng matanda. Doon ay nakita niya ang mga reseta at mga gamot na iniinom ng matanda.
Matagal na pala itong may karamdaman at wala man lamang nababanggit sa anak.
Naisip ni Roy ang lahat ng pagkakataon na sana ay nakausap niya ang ama ngunit hindi niya nagawa. Marahil ang araw-araw na pagpunta nito sa bahay ng anak ay alam na niyang malaki ang posibilidad na kuhain na siya ng Maykapal kaya nais na niyang makasama nang matagal ang pinakamamahal na anak.
Habang tinitingnan ni Roy ang kanilang bakuran ay naalala niya kung paanong matiyagang naghihintay sa kaniya ang ama. Kung paano siya kumustahin nito samantalang hindi niya naitanong kahit ilang beses sa ama kung kumusta na ito. Gustong-gusto ni Roy na ibalik ang lahat ng pagkakataon ngunit tanging pagtangis na lamang ang kaniyang nagawa.
Napaluhod na lamang ang anak sa lubusang pagsisisi habang sinasariwa ang amang walang sawa na naghahangad lamang ng sandali upang siya ay makausap at makasama.