
Malaki ang Pagkahumaling ng Dalaga sa Binata Kaya Nang Anyayahan Siya Nito ay Hindi Siya Nakatanggi; May Inililihim Pala Ito sa Kaniya
Si Myca ay isang simpleng empleyado na nagmahal ng isang binatang nagngangalang Archie. Hindi naman niya inasahan na magkakasama pala sila sa iisang opisina, kaya sa hindi inaasahang pagkakataon, sila ay naging malapit sa isa’t isa.
“Hi, Archie, may gagawin ka ba mamaya? Treat sana kita ng meryenda,” yaya niya sa binata.
“Naku, pasensiya ka na Myca marami pa akong tatapusing trabaho, eh! Next time na lang,” anito.
Ngunit kahit palaging umiiwas ay lalong nahulog ang loob ni Myca sa kaniyang ultimate crush.
Kakatapos lang ng anibersaryo ng kumpanyang pinagtatrabahuhan nila kaya may naganap na party. Naisip ni Myca na ipagtapat na kay Archie ang nararamdaman niya sa binata. Wala na siyang pakialam kung babae siya, basta gusto niyang ipaalam na sa ultimate crush niya ang nasa loob niya. Gumawa siya ng sulat at ipinatong sa mesa ng lalaki.
“Sana naman ay mabasa niya iyon,” sabi ni Myca sa isip.
Pag uwi sa bahay, hindi mapakali si Myca dahil nag-aalala siya sa kung anong mangyayari matapos basahin ni Archie ang sulat na ginawa niya. Kinabukasan, hindi siya nito pinapansin o kinakausap. Ganito nang ganito ang pangyayari sa tatlong araw matapos niyang ibigay ang sulat. Sa sobrang lungkot na tila ba gumuho na ang mundo ng dalaga, hindi na siya nakapagpigil na lapitan at kausapin si Archie. Ngunit bago pa man siya makapagsalita, may iniabot ito sa kaniya na ang isang maliit na papel sa sabay alis na wala man lang siyang narinig na anumang salita mula rito. Nang buklatin niya ang papel, nagulat siya sa nabasa.
“Kita tayo bukas sa park, alas siyete ng gabi.” Nakalagay sa sulat.
Kahit nagtataka ay biglang kinilig si Myca sa paanyaya ng binata.
Alas siyete ng gabi ay naroon na si Myca sa park kung saan sila magkikita ni Arche. Mayamaya ay may dumating na isang magarang kotse na huminto sa kaniyang harapan. Biglang lumabas ng sasakyan si Archie na bihis na bihis. Napansin ng dalaga na napaka-guwapo ng lalaki sa suot nitong puting polo shirt at pantalon.
“Kay ganda naman ng kotse na iyan! ‘Di ko akalain na may maganda ka palang sasakyan, Archie. At ang guwapo mo sa suot mong iyan, bagay na bagay sa iyo,” wika niya sa kaharap.
“Oo, Myca, pag-aari ko ang sasakyang iyan. Hindi ko lang ginagamit. Salamat din at nagustuhan mo ang suot ko,” sagot ng binata.
“Eh, bakit dinala mo pa iyang maganda mong sasakyan?”
“Espesyal kasi ang gabing ito, Myca. Iimbitahin sana kita sa bahay namin!” yaya ni Achie.
Biglang pinamulahan ng pisngi si Myca. ‘Di makapaniwala na kaya pala nakipagkita si Archie sa kaniya ay para lang imbitahan siya sa bahay nito. Wala siyang nagawa kundi ang sumama sa lalaki. Inalalayan pa siya nito sa pagsakay sa magara nitong kotse.
‘Di nagtagal ay narating na nila ang isang malaking mansyon. ‘Di pa rin makapaniwala si Myca sa mga nakikita.
“D-dito kayo nakatira?” mangha niyang tanong.
“Oo, ito ang aming bahay. Halika, tuloy ka!”
Pagpasok niya sa malaking bahay, napansin ni Myca ang mga taong naroroon. Nakabihis ng magagandang kasuotan ang mga nasa loob ng mansyon samantalang simple lang ang suot niya. Napansin din niya na puro magaganda at guwapo ang mga bisita ng lalaki at mukhang mayayaman pa.
“Ang gaganda ng ayos at mga suot ng mga bisita mo, Archie. Ano bang okasyon? Nasaan ang mga magulang mo, gusto ko rin silang makilala,” sabi niya sa lalaki.
“A, eh wala sila eh, kaya ang mga kamag-anak ko lang ang narito. Halika, ipapakilala kita sa kanila.”
Ipinakilala nga siya ng binata sa mga tao roon. Hindi naman niya naramdamang siya ay naiiba sapagkat ang mga taong naroon ay mababait at may pakisama sa kaniya. Maituturing niyang pinakamasaya ang gabing iyon dahil nakasama niya at nakilala ang pamilya ng lalaking pinakatatangi niya.
“Nga pala, i-iyong sulat ko sa iyo…” sambit niya.
“’Wag mo nang alalahanin iyon, Myca. Naiintindihan ko,” simpleng tugon ng binata.
Biglang nahiya si Myca na pag-usapan ang tungkol sa ginawa niyang sulat kaya iniba niya ang usapan.
“Sana palaging ganito, Archie,” aniya.
“A-anong palaging ganito?” takang tanong ng binata.
“Palaging ganito na maayos ang lahat. Iyong masaya lang, masaya lang tayong dalawa.”
Hindi nakasagot ang dalaga sa kaniyang tinuran. Napansin niya na bigla itong nalungkot.
“O, bakit tila nalungkot ka naman?”
Umiling lang si Archie.
“Wala. Masaya lang din ako,” anito.
Nang sumapit ang alas onse ng gabi ay inihatid na siya ni Archie sa lugar kung saan sila nagkita.
“Salamat, Archie! Nag-enjoy ako sobra!”
Tanging ngiti lang ang itinugon sa kaniya ng binata at nagpaalam na ito sa kaniya at muling sumakay sa magara nitong kotse at tuluyan nang nawala sa kaniyang paningin.
Ngunit, bigla na lamang siyang nahilo at nawalan ng malay. Nagising na lang siya sa isang kwarto na tila ba pamilyar sa kaniya. Nakita niya ang kaniyang mga magulang na tuwang-tuwa at nagpapasalamat dahil nagising na ang pinakamamahal na anak.
“Salamat sa Diyos at nagising ka na!” maluha-luhang sabi ng ina.
“Mabuti naman at nagkamalay ka na, anak!” masayang bati ng ama.
“A-ano pong nanagyari?” nagtataka niyang tanong.
Ikinuwento ng sa kaniya ng mga magulang ang lahat ng nangyari sa kanya sa loob ng isang linggo.
“Alam mo ba, anak isang buwan ka ng wala sa iyong sarili. Wala ka ngang nakikilala sa amin ng papa mo, mga kapatid o mga kamag-anak at mga kaibigan mo. Palagi ka ring tulala,” bunyag ng ina.
“P-paano pong nangyari iyon?” naguguluhan niyang tanong.
Nagsimula raw iyon matapos siyang matagpuan ng isang lalaki na nakahandusay sa gitna ng kalsada sa isang ‘di-kilalang lugar. Mula noon ay palagi na siyang hindi mapagkausap at nakatingin sa kung saan.
“Buti anak at nagising ka na. Nga pala may isang lalaki na hindi taga-rito ang nag-abot sa akin nitong sulat kanina. Para sa iyo raw ito, iabot ko raw sa iyo oras na magising ka,” wika ng ina.
Bigla niyang naalala si Archie. Marahil ang lalaking iyon na nagbigay ng sulat ay si Archie.
Iniabot ng ina ang sulat kay Myca. Binuksan niya ito binasa. Laking gulat niya sa nilalaman ng sulat.
Myca,
Sa maikling panahon na nakilala kita ay naging masaya rin ako. Pasensiya na, pero magkaiba tayo, Myca. Magkaiba ang mundong ating ginagalawan. Ngunit kahit ganoon ay pinahahalagahan ko ang bawat araw na nakasama kita. Isa akong engkanto at isa kang tao, kaya hindi maaari ang iyong nararamdaman para sa akin. Ayokong mapahamak ka ng dahil sa akin dahil mahal din kita, mahal na mahal kaya mas gusto kong mabuhay ka sa iyong mundo na malayo sa aking mundo. Hindi kita, malilimutan dahil kagaya mo, ngayon lang din ako nagmahal nang ganito.
Archie
Hindi makapaniwala si Myca sa ipinagtapat ni Archie. Napag-alaman niya na ang hinangaan at minahal niyang lalaki ay hindi pala isang tao kundi isang engkanto. Mula noon ay hindi na niya nakita pa si Archie. Bigla na lang itong hindi na pumasok sa kanilang opisina. Ngunit kahit nalaman niya ang totoong katauhan ng lalaki ay mananatili pa rin sa kaniyang puso at isip ang mga alaala nito habang siya ay nabubuhay. Umaasa pa rin si Myca na muli silang pagtatagpuin ng pagkakataon at kapag nangyari iyon ay wala na siyang pakialam kung naiiba man ito, ang mas mahalaga ay ang nararamdaman niya para para kay Archie. Magkaiba man ang kanilang mundo, ang mahalaga ay mahal nila ang isa’t isa.