
Dahil sa Namumula at Tuyong-tuyo Niyang Balat ay Marami ang Nandidiring Lapitan Siya; Nakakahawa ba Talaga ang Kaniyang Sakit?
Nag-desisyon si Samaira na bago siya uuwi sa bahay nila ay dadaan muna siya sa salon, upang kahit papaano’y umaliwalas naman ang kaniyang awra.
“Good morning po,” bati sa kaniya ng mga trabahante.
“Pwede ba akong magpa-footspa dito?” Nakangiti at masiglang tanong ni Samaira, taliwas sa emosyong ipinakita ng mga empleyado sa kaniya.
Mukha kasing hindi masaya ang mga ito ng makita siya. Hindi masigla ang pagbati ng mga ito at halatang napipilitan lang. Nakita niyang nagpasa-pasahan ang mga itong lapitan siya.
Alam naman ni Samaira kung bakit gano’n ang trato ng mga ito, ngunit nakakaramdam pa rin siya ng sakit sa dibdib na makitang pinandidirihan siya ng kaniyang kapwa.
“Ako na lang po ma’am,” boluntaryo ng isang babaeng nasa may likuran. “Hali po kayo rito,” nakangiting lapit nito at gabay sa kung saan sila pu-pwesto.
“Hindi ka ba natakot, Vivian? Mukhang may ketong ang isang ‘yan,” bulong ng isang empleyado.
“Oo nga. Baka mahawaan ka pa,” nandidiring segunda pa nang isa.
“Manahimik nga kayo! Kustomer ‘yan, kaya galangin niyo!” Mahinang saway ng babaeng nag-bulontaryong tulungan siya. Nang tuluyang makalapit sa kaniya ang dalaga’y ngumiti ito at tinanong siya. “Ano po bang gusto niyong ipagawa, ma’am?”
Pakiramdam ni Samaira ay isa siyang kandilang nauupos sa tingin ng iba sa kaniya. Ngunit nagkaroon siya ng lakas ng loob ng makita niya ang ngiti at tingin ng babaeng nakangiti ngayon sa kaniya na walang halong pandidiri at ka-plastikan.
“Gusto ko sanang magpa-foot spa at manicure, pedicure na rin. Kung p-pwede?” Alanganing wika ni Samaira.
“Oo naman po. Dito tayo madam,” turo nito sa bakanteng upuan.
Maya maya pa’y inasikaso na nga siya ng babae. Tahimik lamang itong ginagawa ang trabaho.
“Bakit hindi ka nandiri sa’kin kanina, Vivian?” Maya maya’y tanong ni Samaira sa dalaga.
Umangat naman ang tingin nito at ngumiti. “Kasi hindi naman kayo mukhang nakakadiri, madam.”
“Hindi ka ba natatakot na baka may ketong ako kaya ganito katuyo ang balat ko?” Muli niyang wika sa sinabi kanina ng mga kasamahan nito.
Agad namang tumawa ang dalaga. “Hindi naman ganyan ang itsura ng ketong, madam,” sagot pa nito. “Hindi ko alam kung tama ba ang hinala ko pero alam kong hindi ganyan ang itsura ng ketong.”
“Paano mo naman nasabi?”
“Kasi ‘yong kapatid ko ganiyan din ang balat kagaya ninyo. Meron po siyang sakit na lupus. Nanunuyo rin ang balat niya at namumula, lalo na kapag naiinitan siya. Palaging may muscle pain. Nanlalagas rin ang buhok niya. Hindi naman ako nahawa sa kaniya, kahit lagi kaming magkatabi sa kama.
At saka kung ano man po ang sakit ninyo ay wala akong karapatan upang husgahan kayo, madam. Lumapit kayo dito sa salon namin upang magpaganda. Sino ba ako para tanggihan ka ‘di ba?” Nakangiting wika ni Vivian.
“Salamat Vivian ah,” mangiyak-ngiyak na wika ni Samaira. “Alam mo bang mula noong nagkaroon ako ng ganitong sakit ay hindi na ako tinantanan ng mga mapang-husgang tingin, na minsan parang gusto ko na lang na lamunin ako ng lupa.
Iyong iba hindi man nila deretsahang sinasabi’y nakikita ko naman sa mga mata nila ang pandidiri sa’kin, dahil sa itsura ko. Kaya nagpapasalamat ako kasi hindi ko iyon nakita sa mga mata mo kanina.” Hindi na napigilan ni Samaira ang hindi maiyak.
“Akala ko itataboy na naman ako ng napasukan kong salon, dahil sa nakakatakot kong itsura, pero nawala ang pag-aalala ko nang makita kita. Kaya salamat talaga Vivian,” ani Samaira habang panay ang punas ng luha.
“Naku madam, sorry po sa inasal ng mga kasamahan ko ah. Hindi ko rin naman sila masisi. Hindi naman lahat ng tao’y alam ang sakit na ganiyan. Para kasi sa kanila, kapag madumi o tuyo ang balat ay nakakatakot na. Hindi nila alam na may mga eksplanasyon ang bawat sakit.
Maaaring iyong iba ay malala at nakakatakot, pero hindi naman gano’n ang sa inyo. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo madam, dahil gan’yan din ang nararamdaman ng kapatid ko. Kaya lagi ko na lang sinasabi sa kaniya at ngayon rin ay nais kong sabihin na inyo. Na kung hindi kayo trip ng ibang tao, hayaan niyo sila.
Ang mahalaga’y alam niyo na wala kayong ginagawang masama sa kanila. Marami man ang taong makakasalubong ninyo na mandidiri at itataboy kayo. Lagi niyong tatandaan na may mga taong naiintindihan at minamahal kayo.
Iyon ay walang iba kung ‘di ang mga nakakakilala sa inyo. Huwag na po kayong malungkot,” mahabang wika ni Vivian, kay Samaira. Pinapagaan ng babae ang kaniyang loob. Ngunit sa kabilang banda’y tama ang lahat ng sinabi nito.
“Salamat Vivian,” nakangiti ng wika ni Samaira.
“Kapag trip mo ulit magpaganda madam. Basta nandito ako, wala kayong dapat ikabahala. Ako ang mag-aasikaso sa inyo,” ani Vivian na mas lalong ikinatuwa ni Samaira.
Kaunti nga lang ang nakakaalam sa sakit na mayro’n siya. Kaya nagpapasalamat siya’t isa sa kaunting iyon ay si Vivian. Na handa siyang hawakan at lapitan na walang pandidiri.
Hindi natin alam kung ano ang pinagdadaanan ng ibang tao. Kaya piliing maging mabuti palagi.