
Dala ng Gutom ay Nanghingi ang Mamâ ng Makakain sa Dalaga; Ngunit Higit pa sa Kaniyang Hiningi ang Ibinigay Nito
“Ma’am, pwede po ba kaming makahingi ng makakain?” Nakikiusap na wika ng isang matandang lalaki, karga-karga ang batang babae na sa kaniyang tantiya’y anim na taong gulang pa lang.
Kukuha na sana si Bianca ng bente pesos nang magdalawang isip. Halatang nagugutom na si Manong at ang batang bitbit nito. Kung bibigyan niya ng bente pesos lamang ang dalawa’y malamang hindi pa makakain ang mga ‘to. Manghihingi pa ito ulit at maghihintay kung kailan kakasya ang perang pambili.
“May malapit po ba na kainan rito, tatay?” Tanong niya.
“Meron naman po. Doon,” turo nito sa may kanto. “Pagliko niyo po d’yan may kainan na po. Isang fastfood chain,” anito.
“Sige tatay sama tayo doon,” aniya.
Agad namang nagulat at nag-alinlangan ang lalaki. Kaya inulit ni Bianca ang sinabi.
“Halika tatay sama kayo sa’kin. Nahahalata kong nagugutom na kayong dalawa ng batang bitbit mo. Kaysa bigyan ko kayo ng pera’y mas maiging bigyan ko na lamang kayo ng makakain,” aniya.
Agad namang ngumiti ang matandang lalaki. “Salamat hija,” nagagalak na wika nito saka itinuro sa kanya ang malapit na kainan.
Nang marating ang kainan ay agad na pinaupo ni Bianca ang dalawa at binigyan muna ito ng maiinum saka siya pumila sa counter upang um-order ng makakain. Nang maka-order ay agad niya iyong dinala sa dalawa.
“Salamat hija ah. Walang paglagyan ng saya ang puso ko ngayon. Nagagalak ako’t ikaw ang isa sa nahingan ko ng makakain sa araw na ito,” masayang wika ng lalaki.
“Ayos lamang po iyon. Sige na po at kumain na tayo,” aniya.
Upang hindi mailang ang dalawa’y um-order na rin siya ng kaniyang makakain. Ang hirap kasing makisama kung nakatunganga lang siya. Baka mahiya pa ang dalawa.
Nagpakilala ang lalaki bilang si Mang Samuel at ang batang bitbit naman nito ay si Nikka. Napag-alaman niyang apo lamang ng lalaki ang bata. Pa*tay na ang asawa nito at may nag-iisang anak lamang ang dalawa.
“Nasaan na ang anak niyo ngayon, tatay?” Tanong niya.
“Kaya nga kami napadpad dito sa Manila ay upang hanapin ang nanay niya. Hindi ko na kasi kayang alagaan ang apo ko’t ako’y may nararamdaman ng sakit sa katawan at medyo nanghihina na ako paminsan-minsan. Kaso no’ng dumating na kami rito’y napag-alaman naming matagal na pa lang umalis ang anak ko sa dati niyang inuupahan.
Kaya heto ngayon at nagpalaboy-laboy na lamang kami at namamalimos ng makakain. Wala na rin kasi akong pera. Tanging pamasahe papunta rito lang ang dala ko. Akala ko kasi magkikita kami ng anak ko,” mahabang kwento ni Tatay Samuel.
“Baka makatulong ako tatay. Ano po ba ang pangalan ng anak niyo?”
“Sabrina, hija,” agad naman nitong sagot.
“Ilang araw na kayong nagpalaboy-laboy rito?”
“Matagal-tagal na rin. Halos mag-iisang buwan na, hija,” anito. Kaya mas lalong nakaramdam ng awa ang dalaga.
“Ganito na lang tatay, hangga’t hindi pa natin nahahanap ang anak niyo ay doon na muna kayo tumuloy sa bahay namin. Medyo marami nga lang po kami sa bahay, pero alam kong kakasya kayo roon ni Nikka,” alok ni Bianca.
“Talaga ba, hija? Hindi ka ba nagbibiro?” Mangiyak-ngiyak na wika ni Tatay Samuel.
“Seryoso po ako. Tutulungan ko kayong mahanap ang mama ni Nikka. Pansamantala habang hindi pa siya nahahanap ay doon na muna kayo sa bahay namin, para mas ligtas kayong dalawa ng apo mo,” wika ni Bianca.
Walang tigil na nagpasalamat si Tatay Samuel sa mabait na dalaga.
Gaya ng ipinangako ni Bianca ay dinala niya ang dalawa sa bahay nila. Walang pag-aalinlangan namang tinanggap ng kaniyang pamilya ang mag-lolo. Sa tulong ng kanilang Barangay Officials ay nahanap nila si Sabrina at naibigay na ni Tatay Samuel sa anak ang apo nito.
Ngunit hindi na sumama pa ang lalaki sa anak dahil ma gusto nitong bumalik na lang sa Mindanao kung saan talaga ito naninirahan.
“Sigurado ba kayo tatay sa desisyon niyo? Ayaw niyong sumama kay Sabrina, mas maaalagaan ka niya tatay kapag naroon ka sa poder niya. Doon sa Mindanao wala kayong kasama roon,” nag-aalalang wika ni Bianca.
“Mas gusto kong doon mamuhay hija,” nakangiting wika ni Samuel. “Mas nasanay kasi ako roon. Pumunta lang naman talaga ako rito para ihatid ang apo ko sa anak ko.
Ngayong nagawa ko na ang gusto ko’y nais ko ng umuwi pabalik. Kung babawian man ako ng buhay roon sa bahay namin mismo ay may mga kapitbahay naman akong mag-aasikaso sa ba*ngkay ko. Kaya sigurado pa rin akong maililibing ako ng maayos.
Nag-aalala lang kasi ako noon sa apo ko. Paano kapag bigla akong nam@tay ta’s nasa akin pa siya. Baka mapahamak ang mahal kong apo. Kaya nagdesisyon akong iuwi na siya sa nanay niya, bago pa man ako mamaalam sa mundo,” nakangiting wika ni Samuel.
Sapat na eksplanasyon upang maintindihan nilang lahat ang gusto ni Tatay Samuel. Hinatid ni Bianca ang matanda at siya na rin mismo ang nagbayad sa pamasahe nito. Bago tuluyang umalis ay iniwan niya rin ng malaking halagang pera si Tatay Samuel, pang-gastos nito.
“Mag-iingat ka roon, Tatay Samuel,” bilin ni Bianca sa lalaking hindi man niya kaano-ano’y napamahal na rin sa kaniya.
“Maraming salamat, Bianca. Napakalaki ng utang na loob ko sa’yo. Hindi ka nagdalawang isip na tulungan ako at lalong hindi ka nagdalawang isip na patuluyin ako sa bahay niyo. Hindi ko man lang naisip na baka niloloko lang kita,” nakangiting wika ni Tatay Samuel.
“Hindi naman kasi kayo mukhang manloloko tatay,” nakangiting wika ni Bianca.
“Hindi ko man masuklian ang kabaitan mo, Bianca. Ang Panginoong Diyos na sana ang bahalang magbalik nito sa’yo,” nakangiting wika ni Samuel, saka tuluyang nagpalaam.
May mga taong kahit hindi pa natin lubos na kilala’y magaan na ang loob natin sa kanila.