
Inakala ng Kaniyang mga Kapitbahay na Inaapi Niya ang Kaniyang Ina; Ito ang Katotohanan
Malakas na sigaw ni Aleng Karen ang maririnig sa buong kabahayaan at alam ni Veronica na naririnig iyon ng kaniyang mga kalapit bahay.
“Nagugutom ako, Veron! Kailan mo ba ako pakakainin? Ginugutom niyo ako rito!” Galit na sigaw ng kaniyang otsyenta’y sais anyos na ina.
“Pinakain na kita, ma. Ano pa bang kakainin niyo? Halos ubos na ang budget ko sa maya maya niyong paghingi ng pagkain,” sagot ni Veronica sa ina.
“Bakit nagugutom ako kung pinakain mo na ako? Ganiyan ka, Veron! Ngayong matanda na ako’y pinapabayaan niyo na ako. Samantalang noong mga bata pa kayo’y ako! Ako ang nag-aruga sa inyo! Mga wala kayong kwentang anak!” Muling sigaw ni Aleng Karen.
Imbes na sumagot pa si Veronica ay pinili na lamang niyang lumabas ng bahay, upang suminghap ng hangin. Pakiramdam niya’y mamamat@y siya sa inis sa bahay nila. Nakakaubos pasensiya ang mama niya. Minsan naiisip niyang dala ng katandaan nito kaya nag-uulyanin na. Pero sadyang nakaka-wala ng pasensiya ang ugali nito.
Hapon na ng magdesisyon si Veronica na umuwi sa bahay at nagulat na lang siya, kasi wala na doon ang nanay niya.
“Nakita niyo ba ang nanay ko?” Nag-aalalang tanong ni Veronica sa kapitbahay niyang si Gelline.
Umirap muna ito at mataray siyang kinausap. “Kinuha ng Barangay ang nanay mo. Kasi pabaya ka namang anak.”
“Ano? Bakit hindi man lang sinabi sa’kin?”
“Paanong sasabihin sa’yo? Iniwan mo nga lang ang nanay mo d’yan mag-isa.”
“Kasama niya ang dalawa kong anak,” sagot ni Veronica.
“Hindi mo na nga pinapakain ang nanay mo. Ipinagkakatiwala mo pa sa mga bata. Hay naku! Sana kapag tumanda ka’y hindi gawin ng mga anak mo ang ginagawa mo sa nanay mo,” mataray pa rin na wika ni Gelline.
Hindi na pinatulan ni Veronica ang mataray na kapitbahay. Bagkus ay tumakbo na siya sa Barangay upang kunin muli ang ina.
“Uwi na tayo ‘nay,” aya niya sa inang nakaupo sa wheelchair.
“Kanina pa kita hinihintay, Veron,” mangiyak-ngiyak na wika ni Aleng Karen, pagkakita sa anak.
Akmang itutulak na niya ang wheelchair nito ng agad siyang pinigilan ng mga trabahante sa Barangay.
“Veronica, ayon sa report na natanggap namin ay pinapabayaan mo lang ang nanay mo. Kaya nakapagdesisyon si chairman na kunin siya at ipaubaya na lang ang pag-aalaga sa DSWD,” paliwanag nito.
“Kaya ko siyang alagaan ma’am. Hindi niyo na po kailangang gawin iyon,” aniya at akmang aalis na. Ngunit pinigilan siya ng babae.
“Hindi mo na siya pwedeng iuwi, Veronica.”
“Bakit naman hindi? Nanay ko ang kinukuha ko na kinuha niyo na lang sa bahay na walang paalam,” aniya. Nagpipigil ng inis. Naramdaman niyang gumapang ang kamay ng kaniyang ina sa palad niya. Animo’y nagpapahiwatig na huwag siyang mainis. “Kahit ipakulong niyo pa ako. Iuuwi ko sa bahay ang nanay ko!” Matigas na wika ni Veronica.
Sa pagkakataong iyon ay mismong si Chairman Julieto na ang humarang sa kaniya. “Ganito kasi ‘yon, Veronica. Nakatanggap kami ng report na hindi mo pinapakain ang nanay mo. Pinapabayaan mo lang at iniiwan sa bahay na mag-isa. Mukhang nabibigatan ka na yatang alagaan ang nanay mo kaya kukunin namin siya sa poder mo at ipapaubaya sa DSWD. Mas maigi iyon ‘di ba? Hindi ka na mabibigatan.”
“Kung nabibigatan man ako chairman ay wala na kayong dapat ipag-alala pa roon. Ulyanin na ang nanay ko. Kahit kakapakain ko lang sa kaniya, maya maya ay sasabihin niya na hindi ko siya pinapakain.
May mga bagay na minsan nauubos na ang pasensiya ko sa nanay ko, pero hindi umabot sa isip kong ipamigay siya sa iba at ipaubaya ang pag-aalaga sa kaniya. Iniiwan ko ang nanay ko sa bahay, pero nand’yan ang dalawang anak ko o ‘di kaya’y ang asawa ko.
Umiiwas ako sa kaniya kasi tao lang ako chairman,” hindi na napigilan ni Veronica ang maiyak. “Aminado akong minsan naiinis ako at nagagalit sa kaniya. Napupuno ako sa mga sumbat niya. Pero kapag naging okay na ako’y maayos na ulit ang lahat.
Kahit kasuhan niyo pa ako o ipakulong ako. Kukunin ko ang nanay ko. Dahil walang ibang dapat mag-alaga sa kaniya kung ‘di ako lang. Kasi ako ang anak niya. Hangga’t nabubuhay ako at malakas pa’y hindi ko hahayaang mawalay sa’kin ang nanay ko.
Ipinangako ko sa sarili kong aalagaan ko siya sa abot ng makakaya ko. Hindi ako perpektong anak, pero handa akong gawin ang lahat kahit palagi pa kaming magkaaway. Walang sino man sa inyo ang makakaintindi sa’kin kasi hindi niyo pa naranasang mag-alaga ng matanda,” humihikbing wika ni Veronica.
Hilam na rin sa luha si Aleng Karen na nakikinig lamang sa usapan nilang tatlo. “Patawarin mo ako, Veron,” humihikbing wika nito.
Niyakap ni Veronica ang ina patalikod. “Uuwi na tayo mama,” aniya. Agad namang tumango ang ina. Kaya walang nagawa ang mga taga-Barangay kung ‘di hayaang makaalis ang dalawa.
Maraming tao ang nanghuhusga agad. Lalo na kapag nakikita nilang tila inaapi ng mga anak ang mga matatanda nilang magulang. Pero hindi lahat ng kwentong naririnig at nakikita natin ay totoo. Minsan subukan nating tingnan sa mas malalim pa na paraan, para malaman natin ang buong katotohanan.