
Mabango ang Pangalan ng Lalaking Ito sa Kanilang Probinsiya, Sa Huli’y Litrato pa pala Niya ang Magbubunyag ng Katotohanan sa Ina
“Anak, pwede bang tawagan ka nung kapitbahay nating si Ninang Dina mo? May itatanong daw siya sa’yo tungkol sa lupa,” wika sa telepono ni Aling Beng, nanay ng binata.
“Naku, ‘ma, marami akong ginagawa ngayon. Pasensiya na kamo, sa susunod na lang. Tsaka pwede ba ‘ma, tigilan niyo na ang kakatangap ng mga ganyang kunsulta sa akin,” iritableng sagot ni Kiko, anak ng ale na nag aabogasya sa Maynila.
“Ito namang si Kiko, alam mo naman na abogado na ang tingin sa’yo ng mga taga rito. Pero sige, sasabihin ko na lang na abala ka sa mga klase mo. Sige na, anak, ba-bye na,” sabi ng ale saka ibinaba ang telepono.
Simula nang mabalitaan sa kanilang lugar na pumapasok ng pag-aabogasya si Kiko ay naging sikat na rin ang binata at ang kaniyang pamilya. Bigla na lamang silang ginalang at hinangaan ng marami. Paano’y hamak na magkakaning baboy lamang ng hanap buhay ng kaniyang magulang at taga-alaga ng baboy ng mga mayayamang taga roon sa kanila.
“Ma, nandito na ako!” sigaw bigla ni Kiko na sinorpresa ang kaniyang ina.
“O, anak, kanina lang magkausap tayo sa telepono at ngayon ay nandito ka na! Mga kapitbahay, nandito na ang abogado komg anak!” maligayang sigaw ng ale sabay yakap sa kaniya.
“Ma, huwag na. Mas ayos na sa akin na makita kayo. Huwag na kayong magtawag ng mga kapitbahay,” pagpipigil ng lalaki sa kaniyang ina.
Hindi na nagsalita ang ale at niyakap-yakap lamang siya nito.
Makalipas ng ilang araw ay panay ang tanong ni Aling Beng sa kaniyang anak tungkol sa pag-aaral nito.
“Masaya naman pero mas nakakabaliw. Sobrang daming kaso ang kailangan basahin at kailangan kabisaduhin. Tignan niyo nga itong dala kong kaso na pina-photocopy ko pa ay wala pa ito sa kalingkingan ng mga inaaral ko,” pagyayabang ng binata sa kaniyang ina.
“Talaga, anak, nakayanan mo mag-aral ng ganiyan? Naiiyak ako dahil hindi ko alam saan ka nakamana ng talino, laking pasasalamat ko talaga sa Diyos,” sagot ng kaniyang ina at sabay punas ng luha nito.
“Pero, anak, maiba tayo, ‘yung suki ko ng gulay sa palengke ay nag-aabogasya rin ang anak niya sa Maynila! Gusto kang makilala at kakapasok pa lang nun,” sabi ng ale sa kaniya.
“Huh? E, babalik na ako sa Maynila, may klase na ako at hindi na tayo makakapunta pa sa bayan,” mabilis na sagot ni binata.
“Hindi ba sabi mo ay bakasyon kayo ngayon at may ilang araw ka pa na mananatili rito?” saad ni Aling Beng.
“Naku, ‘ma, pasensiya na talaga, nagtext na kasi si Attorney at kailangan na raw naming pumasok. Ganito talaga ang buhay ng pag-aabogado, mahirap, kaya sige, una na ho ako,” pagmamadali ni Kiko at mabilis na nilisan ang kanilang lugar.
Lumipas ang ilang mga araw ay nagtatakang ang binata at hindi siya kinakamusta ng kaniyang ina at hindi rin nito sinasagot ang kaniyang mga tawag.
“Ma, bakit hindi niyo sinasagot ang tawag ko?” inis na tanong ni Kiko sa ale nang sa wakas ay kausapin na siya nito makalipas ang isang buwan.
“Baka nahihirapan ka na kasi sa pagsisinungaling, anak, kaya ako na ang iiwas sa’yo,” umiiyak na sabi ni Aling Beng at doon na nanuyo ang mga lalamunan ni Kiko na para bang nanlamig ang kaniyang mga paa.
“Ano bang akala mo sa amin? Inutil? Ano bang akala mo sa mga tao rito sa atin? T@nga? Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo bakit ka nagsinungaling,” wika pang muli ng kaniyang ina at alam niyang umiiyak ito sa kabilang linya.
“Paano niyo nalaman, ‘ma?” naiiyak na tanong ng binata.
“Sinabi ko ang eskwelahan mo sa anak ng suki ko sa palengke at ilang beses niyang sinabi na wala raw ganun na pangalan at itsura sa eskwelahan nila. Akalain mo nagdala pa ako ng picture frame para ipagyabang sa lahat na magiging abogado ang anak ako. Pero ilang beses din niyang sinigurado na wala raw, doon na ako nagpa-awat at sinabi kong mali pala ang nabanggit ko, mali ako. Maling-mali, Kiko,” umiiyak na siwalat ng ale.
“Sabihin mo sa akin ang totoo, nag-aaral ka ba talaga o gumagawa ka lang ng kwento?” baling muli ng ale.
“Ma, hindi ako nag-aaral, boy lang ako ng isang abogado rito sa Maynila at kahit na pangarapin ko iyon ay hindi ko kakayanin dahil sa laki ng matrikula. Pero sa kagustuhan kong tumaas naman ang tingin nila sa inyo at sa pamilya natin ay nakapagsinungaling ako. Patawarin mo ako, ‘ma, patawad,” bunyag ni Kiko sa kaniyang ina at napaluha na rin ito.
“Anak, hindi ko kinahiya kailanman na nangungulekta lamang tayo ng kaning baboy at naglilinis ng mga kulungan para sa araw-araw dahil hindi ako nanloko ng tao, hindi ako nagsinungaling at higit sa lahat marangal ang hanapbuhay natin. Maliit ang kita, mababa sa estado ng lipunan, oo, pero sa mata ng Diyos, mabuti akong tao! Anak, pinalaki kitang mabuting tao pero bakit parang doon pa ako nagkulang? Bakit!?” iyak muli ni Aling Beng at natapos na ang kanilang usapan na lumong-lumo ang binata.
Sa tinatagal-tagal na pagsisinungaling ni Kiko sa kaniyang mga magulang ay ngayon lamang siya nagising sa tunay na estado ng kaniyang pamilya at tama ang kaniyang ina. Mabuti silang tao sa lipunan at kahit mahirap ay hindi ito nagnakaw o nangutang dahil tinuran siyang mabuhay ng payak at may takot sa Diyos.
“Kiko, aralin mo ito, kapag pumasa ka sa entrance exam, ako na ang bahalang magpaaral sa’yo,” wika ng kaniyang bossing na isang abogadong narinig pala ang kanilang usapan. Hindi pa rin makapaniwala si Kiko dahil kahit sa huli ay binigyan pa rin siya ng Diyos ng pagkakataon na maitama ang mali.
Inilihim ito ni Kiko at buong pusong nagsunog ng kilay para sa isang pagkakataong ibinigay sa kaniyang makapag-aral. Hindi nagtagal ay naging abogado ang lalaki. Ngayon ay payak at simpleng abogado pa rin si Kiko na tumutulong sa mga nangangailangan.