Inday TrendingInday Trending
Matagal na Nagkahiwalay ang Magkapatid; Magiging Maayos pa ba ang Samahan Nila sa Muli Nilang Pagkikita?

Matagal na Nagkahiwalay ang Magkapatid; Magiging Maayos pa ba ang Samahan Nila sa Muli Nilang Pagkikita?

“Papa! Ngayon na nga lang tayo lalabas ulit e, itago muna ‘yang cellphone mo. Pina-cancel ko pa naman lahat ng meetings at appointments mo,” pagrereklamo ni Maris sa kaniyang ama dahil nasa cellphone ang atensiyon nito habang nakain sila.

Nang makita niya na nagsimula na ulit kumain ay ang kaniyang ama ay napangiti siya at napalingon sa napakagandang tanawin sa kaniyang gilid.

Ilang taon na ang lumipas simula ng magtayo ng sariling negosyo ang kaniyang Papa, kasabay ng pagkasira ng kaniyang pamilya.

Ayaw kasi ng Mama nila na itapon ng kanilang Papa ang magandang trabaho nito para sa negosyo na walang kasiguraduhan.

Naalala niya kung paano sila pinapili ng mga ito kung kanino sila sasama ng kaniyang kapatid.

Pinili niya ang ama, habang sumama naman ang kaniyang kapatid sa kanilang ina, na ngayon ay may bago nang pamilya.

Matagal na panahon siyang nagtaka kung bakit ang kanilang Mama ang pinili ng kaniyang kapatid gayong mas malapit sila sa kanilang Papa.

Sa kabutihang palad, sa kabila ng naging hirap ng kaniyang ama ay naging matagumpay ang kanilang negosyo.

“Ang galing, Papa, ano? Naalala ko dati noong nagsisimula pa lamang tayo, sa karinderya ni Aling Bebang lang tayo nakain, ngayon mamahalin na ang restaurant na kinakainan natin,” nangingiting pagbabalik-tanaw niya.

Natawa lang ito bago tila bata na ginulo nito ang kaniyang buhok. Pabirong inirapan niya ang ama habang inaayos ang kaniyang buhok.

Kinabukasan ay nadatnan ni Maris ang pagkarami-raming aplikante sa kanilang kompanya.

Sa kalagitnaan ng kanilang pagi-interview ay natigilan siya sa pagpasok ng isang babae na tuloy-tuloy at taas noong umupo sa bakanteng upuan.

“Ako po si Marga Trinidad,” pagpapakilala nito. Malawak ang ngiti ng babae hanggang sa magtama ang kanilang mga mata. Isang tipid na ngiti ang iginawad nito sa kaniya.

Siya naman ay natulala lamang hanggang sa may tumawag sa kaniya.

“Ms. Castro? May itatanong pa po ba kayo?” bigla ay nagbalik siya sa reyalidad nang tanungin siya ng kaniyang sekretarya.

“Wala na. Papasukin na ang next batch,” nakangiting utos niya. Sinubukang niyang alisin sa utak ang babaeng nakita at itinuon nang mabuti ang atensyon sa mga papel sa harap niya.

Iba na ang apelyido ng kaniyang Ate Marga. Ito marahil ang apelyido ng bagong asawa ng kaniyang ina.

Pagkatapos ng interview ay dumiretso siya sa opisina ng kaniyang ama para ipakita ang resume ng kapatid niya.

“Nandito sila sa Pilipinas?” wika ng kaniyang ama ng makita ang papel. Seryoso itong nakatingin lamang sa papel.

Napakaraming taon na ang lumipas at kahit minsan ay hindi nagtagpo ang kanilang landas.

“Congratulations! Galingan nating lahat!” masiglang pagbati ni Maris sa lahat ng aplikanteng natanggap. Isa sa mga iyon ang kaniyang Ate Marga.

“Ms. Trinidad? Pwede ba kitang makausap?” agad na nilapitan niya ang kaniyang kapatid.

Pumasok sila sa opisina at naupo sa magkatapat na sofa. Binigyan niya rin ito ng maiinom.

“Kamusta?” pagbasag niya sa katahimikan habang mataman lamang na nakatitig sa kapatid niya.

“Ayos lang naman. Ikaw? Kayo ni Papa?” nakangiting tugon nito habang inililibot ang tingin sa opisina niya.

“Maayos lang din kami. Nagtagumpay si Papa sa business niya, kaya ito,” wika niya saka iminuwestra ang paligid.

“Mabuti naman. Masaya ako para sa inyo,” sinserong sambit ng kaniyang kapatid.

Ikinuwento ni Marga kung paano naghiwalay ang kanilang ina at ang ikalawang asawa nito at kung paano nakabalik ang mga ito upang sa Pilipinas na lamang ulit manirahan.

“Kamusta kayo ni Mama?” nag-aalalang usisa niya sa kapatid.

“Mabuti ang lagay namin at hindi mo kailangang mag-alala,” mabilis na tugon ng ate niya, bagay na ipinagtaka niya.

Muli ring nagkita ang kaniyang Ate Marga at ang kanilang ama. Iniwan muna niya ang dalawa dahil mukhang marami rami ring pag-uusapan ang mga ito.

“Ate! Gusto mo hatid na kita?” alok niya sa kapatid nang matapos ang araw na iyon.

Hindi niya maikakaila na gusto niyang muling mapalapit sa kapatid at makarinig ng eksplanasyon tungkol sa desisyon na ginawa nito matagal na panahon na ang nakalipas.

“Hindi na! Salamat na lang pero kaya ko na ‘to,” agresibo itong umiling na para bang ayaw talaga nitong magpahatid pa sa kaniya.

Nalungkot siya dahil dito. Siguro nga ay marami na ang nagbago sa kanilang dalawa, ngunit hindi pa rin siya susuko at muling kakaibiganin ang kapatid.

Lumipas din ang ilang buwan at unti unti silang muling nagkalapit.

Ilang beses na rin silang lumabas kasama ang kanilang Papa upang kumain o pumunta kung saan man.

“Ate, pwede bang isama mo si Mama sa Sabado? Mas maganda kasi kung magkakasama tayo,” pagkukumbinsi niya sa kapatid isang araw habang kumakain sila.

“Oo nga, Marga. Hindi pa namin nakikita ang Mama niyo. Mas maganda siguro na kumpleto tayo kahit na isang beses lang,” paggatong pa ng kanilang Papa.

“Hindi po kasi siya mahilig lumabas. Kapag n-niyaya ko siya ay a-ayaw niya naman din,” nauutal na paliwanag ni Marga sa kanila. Sa kaniyang pagtataka ay mukha rin itong balisa.

Nang pauwi na ay pasikreto niyang sinundan ang taxi na sinakyan ni Marga sa kagustuhan na makita ang kanilang Mama.

Tumigil ito sa tapat ng isang apartment. Nagtago siya sa puno nang bumaba na ito sa taxi.

Paglakad niya ay may natapakan siyang lata na gumawa ng malakas na tunog kaya nakita siya ng kapatid.

“Maris? Anong ginagawa mo dito?” nanlalaki ang mga matang wika ng kapatid nang makita siya.

“Bibisitahin ko lang naman si Mama,” nakangusong sagot niya habang nagkakanda haba ang leeg sa pagtingin sa apartment.

“Umuwi ka na, Maris. Hindi ka pwede dito. Hindi ka niya pwedeng makita,” aburidong pagtataboy ni Marga sa nakababata.

“Ate! Papasukin mo na ako–“

“Umalis ka na sabi, eh!” biglang sigaw nito. Bagay na ikinagulat niya.

“Hindi ka niya pwedeng makita! Masasayang lahat ng paghihirap ko kapag nakita ka niya!” desperadong bulong nito habang mahinang siyang itinutulak palayo.

Hindi naiintindihan niya maunawaan ang sinasabi ng kapatid.

“Ilang taon ang kinailangan ko para makuha ko ang atensyon niya. Kapag nakita ka niya ay ikaw na ulit ang paborito niya!” halos pasigaw na paliwanag ni Marga.

Unti-unti ay naiintindihan niya ang ipinupunto ng kapatid.

“Kahit ako na ang kasama niya ay ikaw pa rin ang bukambibig niya, Maris! Ikaw lang at hindi ako! Gusto ko lang naman na makita niya ako,” umiiyak na ang kanyang Ate habang marahan pa rin siyang itinutulak palayo.

“Kaya ba sa kaniya ka sumama imbes na kay Papa?” kuryosong tanong niya.

“Tiniis ko na hindi makasama si Papa para lang sa atensyon ni Mama pero ikaw pa rin ang paborito niya. Bakit ikaw at hindi na lang ako? Bakit ikaw ang paborito ni Mama at Papa?” Patuloy ang pagluha nito.

Hindi niya napigilan ang sarili. Niyakap niya ang kapatid at hinayaan na umiyak ito sa balikat niya. Hindi niya alam na ganun pala ang iniisip nito noon pa.

“Mali ka, Ate. Mahal na mahal ka ni Papa. Kung nakita mo lang kung paano siya umiyak kapag akala niya ay tulog na ako. Pantay ang pagmamahal ni Papa at Mama sa atin, Ate,” bulong niya sa kapatid habang hinahaplos ang likod nito.

Maya maya ay isa pang bisig ang yumakap sa kanilang magkapatid.

“Hindi iyan totoo, Marga. Wala akong paborito sa inyo. Parehas kong mahal na mahal ang mga anak ko. Pasensya na kung iyon ang naiparamdam ko sa iyo.” Narinig niya ang malamyos na tinig ng ina.

Hinarap nito si Marga.

“Salamat sa lahat, anak. Salamat dahil nandiyan ka palagi para sa akin, mahal na mahal kita. Siguro ay hindi ko kakayanin ang lungkot kung ako lang mag-isa at wala ka.” Muling niyakap ng kanilang ina si Marga nang mahigpit.

“Sali naman ako diyan,” masiglang sambit ni Maris ay isiniksik ang sarili sa bisig ng mga importanteng babae sa kaniyang buhay.

“Na-miss kita, Maris. Ang laki mo na,” bulong ng kanilang ina sa tenga niya.

“Na-miss din po kita, Mama,” masayang masayang wika niya.

“Ikaw pa rin ang bestfriend ko, Ate,” baling niya naman sa kapatid.

Masaya silang nag-bonding nang gabing iyon. Makalipas ang mahabang panahon ay nawala rin ang mga alalahanin, katanungan, at hinampo sa pagitan nila.

Saksi si Maris sa kadakilaan ng pagmamahal ng kanilang mga magulang. Naghiwalay man ng landas ang kanilang mga magulang ay nagmamahalan pa rin ang kanilang pamilya sa paraang alam nila.

Advertisement