
Isang Pares ng Sapatos ang Nagsalba sa Araw Niya; Nalungkot Siya nang Malaman ang Istorya ng Nagmamay-ari Nito
Isang malakas na busina ng sasakyan kung saan siya nakasakay ang siyang nagpagising sa walong taong gulang na si Julia. Naramdaman niya ang biglaang paghinto ng sasakyan nila.
Ang namumutlang mukha ng kaniyang Papa ang kaniyang namulatan.
“‘Pa, anong nangyari?” tanong niya ngunit hindi ito sumagot.
Bagkus ay mabilis nitong pinaandar ang sasakyan.
Nang lumingon siya sa likod ay nakita niyang tinangkang habulin ng ilang tao ang kanilang sasakyan. Gulong-gulo na pilit niyang sinilip ang bintana at doon ay nakita ang isang batang nakahiga at pinagkakaguluhan ng mga tao.
“‘Pa? Ano po ‘yun?” tanong niya na sa ikalawang pagkakataon.
Ngunit muli hindi ito sumagot. Patuloy lamang ito sa pagmamaneho habang tila may malalim na inisiip.
Sa mura niyang edad ay hindi niya agad naintindihan ang nangyari hanggang sa isang araw ay inaresto ng mga pulis ang kaniyang ama.
Umiiyak na hinabol niya ito upang tanungin kung ano ang nagawa nitong kasalanan.
Lumuluha rin ang kaniyang Papa nang magpaliwanag ito. “Anak, nakagawa si Papa ng matinding kasalanan, at kailangan ko iyong pagbayaran. Ibinilin na kita sa Tita Belen mo, doon ka na muna titira sa kanila.”
Kagaya ng sinabi nito ay kinuha siya ng kaniyang Tita Belen. Dahil sa Amerika ito nakatira ay kinailangan niya ring lisanin ang Pilipinas.
Kinupkop, pinag-aral at itinuring siya nitong tunay na anak. Sinuportahan siya nito sa kaniyang pangarap na maging mahusay na mananayaw.
Kaya naman nang kumatok sa kaniyang pintuan ang isang malaking oportunidad ay ‘di niya iyon pinalagpas pa.
“Sigurado ka ba? Uuwi ka na sa Pilipinas?” tanong nito sa ‘di niya na mabilang na pagkakataon.
“‘Wag ka mag-alala, Tita. Mataas po ang kumpiyansa ko na matatanggap ako. Isa pa, oras na rin para makita ko ulit si Papa,” paliwanag niya sa tiyahin.
Halos labinlimang taon na ang lumipas simula noong huli niya itong makita.
Aksidente itong nakasagasa ng isang batang tumatawid. Sa takot at gulat nito, imbes na bumaba ay tumakbo ito paalis.
Iyon ang pinagsisisihan ng ama niya. Hindi nito kasalanan na mabangga ang bata dahil tumawid ito bigla at huli na para pumreno ito.
Ang kasalanan nito ay ang hindi nito pagtulong. Imbes na tumulong ay tumakbo ito.
Labis ang pagsisisi nito kaya buong puso nitong tinanggap ang parusa kahit na kayang kaya nilang kumuha ng magaling na abogado at takasan ang responsibilidad.
Iyon ang dahilan kaya hindi siya nagalit dito kailanman. Malungkot nga lang dahil nagkahiwalay silang mag-ama.
“Ikaw na ba ‘yan, anak? Ang laki laki mo na, Julia!” Niyakap siya agad nito ng mahigpit na ginantihan niya rin ng mas mahigpit na yakap.
Nagkamustahan sila kita niya sa mukha nito na masayang masaya ito na makita siyang muli.
“Papa, kumusta na po kayo? Nakakatulog po kayo nang mahimbing? Baka naman po hindi niyo na naalalagaan ang kalusugan niyo, ha?” nag-aalalang puna niya sa ama.
Bumagsak ang balikat nito. Napuno ang lungkot ang mga mata.
Hindi man ito magkwento ay alam niyang patuloy pa rin nitong pinagdurusahan ang kasalanang nagawa nito noon.
Alam niya na nagdusa ito nang lubos sa kulungan.
Minabuti niyang magkuwento rito ng tungkol sa balak niya na pagsali sa isang malaking kompetisyon.
Excited siya dahil hindi lang malaki ang premyo kundi dahil na rin marami ang nanonood at posibleng makakilala sa kaniya.
“Ganoon ba? Excited ako para sa’yo, anak, at proud na proud rin! Sigurado ako na mananalo ka!” buo ang kumpiyansang wika ng kaniyang ama. Bumalik ang kislap sa mga mata nito.
Dahil sa sinabi nito ay dumoble ang kaniyang kaba sa dibidb. Mas marami na ngayon ang umaasa na mananalo siya at ayaw niya na biguin ang mga ito.
Araw ng audition kaya maaga siyang gumising para gumayak.
“Kaya mo ‘yan! Kaya mo ‘yan!” pangungumbinsi niya sa sarili nang makita ang malaking building kung saan siya pupunta.
Tatawid na sana siya nang muntik siyang madapa. Lumusot kasi ang takong ng kaniyang sapatos sa isang butas sa kalsada. Sinubukan niyang hilahin ang takong mula subalit tuluyan na itong nabali.
“Hala! Anong gagawin ko?” problemadong wika niya. Hindi kasi siya maaaring ma-late.
Sumilip siya sa relo at nakita sampung minuto na lang.
Hindi siya pwedeng mahuli at wala naman siyang nakikitang malapit na mall kaya naman halos maiyak na siya habang bitbit ang sira niyang sapatos.
Nawawalan na siya ng pag-asa habang nakaupo sa isang tabi nang may tumabi sa kaniyang isang matandang lalaki. Inilabas nito ang isang kahon mula sa plastik at doon ay nakita niya ang isang pares ng puting sapatos.
“Suotin mo ito, hija,” wika ng matanda.
Namilog ang mata ni Julia dito na para bang isa itong hulog ng langit. Gaano kadalas nga ba may isang estranghero na magdadala sa kaniya ng sapatos sa oras ng pangangailangan niya?
Ngunit nang makita na bagong bago ang sapatos ay lubos siyang nahiya sa matanda.
“‘Wag na po! Nakakahiya! Mukha pa naman pong mamahalin ang sapatos!” tanggi ni Julia.
“Sige na, sa iyo na ‘yan. Hindi naman magagamit ng anak ko na si Lea.” Nakangiti ito subalit may ibayong lungkot sa mga mata nito.
Hindi niya na magawa pang tumanggi lalo na’t kailangan niya talaga ng sapatos ng mga sandaling iyon.
“Talaga po? Salamat! Ibabalik ko na lang kung ganoon pagkatapos sa anak niyo!” maligaya niyang pangako sa matanda.
Dali dali niyang sinuot niya na ang sapatos at namangha siya nang makitang tamang tama ang sukat nito sa kaniyang mga paa.
“Ayos lang. Wala na rin naman ang anak ko. Matagal na siyang wala sa akin.” Yumuko ang matanda upang isintas ang kaniyang sapatos.
Nahihiyang nagpasalamat siya dito bago nagtanong. “Ano pong ibig niyong sabihin?”
Umupo ito sa kaniyang tabi at malungkot na ngumiti.
“Kaarawan niya ng araw na iyon. Gusto niyang bumili ng bagong sapatos kaya ginawa ko ang lahat para bilhan siya. Pumasok siya sa school, hinabol ko para ibigay ang regalo ko bago umalis pero huli na ang lahat dahil nahagip na siya ng sasakyan. Hindi niya man lang nakita ang sapatos na regalo ko,” pagkukuwento nito. Kitang kita sa mga mata nito ang pangungulila sa anak.
Natahimik siya. Hindi maiwasang sumagi sa kaniyang alaala ang nangyari noon.
Gaano kaya kasakit para dito ang nangyari? Hindi niya kayang arukin, hindi niya kayang sukatin.
“Kaya tuwing birthday niya, bumibili ako ng sapatos para sa kaniya. Gaya ngayong araw. Malaki na siya ngayon at tingin ko magkasing-edad kayo kung hindi siya kinuha agad sa akin. Tingnan mo at nagkasya sa’yo.” Muli ay nakita niya ang malungkot na ngiti ng lalaki.
“Matagal na po iyon pero masakit pa rin sa inyo,” nakikisimpatyang sagot niya sa matanda.
Tumango ito. “Hindi kayang sukatin, o intindihin kung gaano kasakit, hija. Pero ganun talaga ang buhay, kapag oras mo na, oras mo na. Hindi mangyayari kung hindi loloobin ng Diyos. Isa pa, nakikita ko naman na nagsisisi talaga ang nakagawa nito kaya kahit paano ay maluwag na rin sa dibdib ko.”
Nalaman niyang ang pangalan nito ay Tatay Leonardo. Kung hindi lang siya male-late ay sasamahan niya pa ang matandang tumulong sa kaniya.
“‘Wag kayong mag-alala. Gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat sa sapatos ni Lea. Sisiguraduhin kong magtatagumpay ako ngayon,” wika niya rito, na sinuklian nito ng ngiti at tango.
Kaya naman talagang ginalingan niya para mapili at ganun na lang ang tuwa niya nang matanggap siya.
Wala na si Tatay Leonardo pagkalabas nang binalikan niya ito sa pwesto nito.
Inisip niya ang lahat ng pinagdaanan nito, kung gaano kasakit para dito ang nangyari sa anak nitong si Lea.
Naisip niya tuloy ang batang nasagasaan ng ama niya noon. Napatawad na kaya nito ang kaniyang tatay? Kumusta ang pamilya ng bata?
“Tita, saan nakalibing ang batang iyon?”
Nagulat ang kaniyang Tita nang magtanong siya sa unang pagkakataon ngunit sinabi rin nito ang detalye. Bitbit ang kandila at bulaklak ay nagtungo siya sa sementeryo.
Hinanap niya ang pangalang ibinigay sa kaniya ng kaniyang Tita Belen at namilog ang mata niya nang isang pamilyar na lalaki ang makita niyang nakatayo sa tapat ng puntod na kaniyang binibisita.
“Tatay Leonardo? Ano pong ginagawa niyo rito?”
Bago pa man ito makapagsalita ay nabasa niya ang nakasulat sa puntod na dinadalaw nito at noon niya napagtagpi tagpi mga ang detalye.
“Leanara Marie Alcaraz” ang nakapangalan sa puntod.
Si Lea, na anak ni Tatay Leonardo, ang batang nasagasaan ng kaniyang ama labinlimang taon na ang nakalilipas.
Nangilid ang kaniyang luha. Nanginginig man ay kaniyang kamay ang nagawa niya pa ring ipatong ang mga bulaklak at magtirik ng kandila sa puntod ni Lea.
Bumuhos ang kaniyang luha nang mag-alay siya ng dasal para sa namayapa.
“Patawarin niyo po kami ni Papa. Hindi namin sinasadya.” Walang patid ang pag-agos ng kaniyang luha.
Imbes na magsalita ay tinapik nito ang kaniyang balikat. “Wala kang kasalanan. Kagaya ng sinabi ko sa’yo, lahat ng nangyayari ay may dahilan. Hindi na tayo dapat na makulong sa nakaraan dahil hindi na ito maibabalik pa. Higit sa lahat, magaan sa puso ang magpatawad,” buo ang ang pang-unawang saad ni Tatay Leonardo.
Nakahinga nang maluwag si Julia at kahit paano ay nabawasan ang bigat na dinadala niya.
Alam niyang mauunawaan siya ni Lea dahil kung saan man ito naroroon, alam niya pareho nilang ninanais na mawala ang sakit at pagsisisi na nararamdaman ng kanilang mga ama na kapwa biktima lamang ng malupit na kapalaran. Tunay ngang suot niya ang sapatos nito.
Nanatili si Julia sa Pilipinas para na rin sa kaniyang ama. Sa tulong niya ay unti unting bumalik ang sigla ng kaniyang ama.
Patuloy niyang ipapanalangin na tuluyan nang maghilom ang puso nito mula sa malalim na sugat ng nakaraan.