Natuklasan ng Dalawang Tsismosa na may Ibang Babae ang Kanilang Kumpare; Sinampal Sila ng Katotohanan nang Komprontahin Nila Ito

“Mare, anong chika?”

Napangisi si Melanie sa bungad ng kaniyang kumare na si Gigi. Kadarating lamang kasi nito ay tsismis na kaagad ang hanap nito.

Iyon ang dahilan kaya magkasundong magkasundo sila.

“Halika dito!” Minuwestra niya na umupo ito sa kaniyang tapat.

Excited na umupo ang bagong dating na babae. “Anong bago?”

“Kilala mo ba ‘yung panganay na anak ni Annie? ‘Yung pinagmamalaki nila na nag-aaral sa Maynila? Ayun, kakauwi lang kahapon, buntis!” nanlalaki ang matang balita niya sa kumare.

Halos mapunit ang mukha ni Gigi sa laki ng ngiting rumehistro sa labi nito.

“O ‘di ba, tama ako? Alam ko na mahirap pabayaaan ang mga ganung bata! Aba, high school pa lang ‘yung batang ‘yun papalit palit na ng boyfriend! Kung nakinig ba naman si Mareng Annie eh ‘di sana hindi nabuntis ang panganay niya!” komento nito.

Advertisement

Natatawang minasdan niya si Gigi. Halatang nagdiriwang ito sa sinapit ng anak ng kumare nilang si Annie.

Sa kanilang patuloy na tsismisan ay nakita nila si Tessa, isa rin sa kanilang mga kumare.

Sa kanilang magkukumare ay ito ang hindi nila kasundo.

Hindi kasi mahilig sumali sa kanilang umpukan ang babae. Madalas marami itong dahilan para hindi makipag-bonding sa kanila.

Hindi marunong makisama, iyon ang tingin nila dito.

“Mareng Tessa!” tawag niya dito.

Gulat na napalingon ang babae, kapakuwa’y nginitian sila nang tipid bago lumapit.

“Sumali ka naman sa amin, hindi ka pa namin nakakasamang magkape,” paanyaya ni Gigi. May pekeng ngiting naka-plaster sa mukha nito.

Advertisement

“Naku, pasensiya na ha, pauwi kasi ang asawa ko sa susunod na Linggo, busy ako mag-organize ng welcome party para sa kaniya,” tanggi ng babae.

Tumaas ang kilay ni Melanie sa narinig. Hindi niya kasi nasagap ang tsismis na ‘yun.

Nagtatrabaho sa ibang bansa bilang engineer ang asawa nito.

“Sige, mga mare, enjoy kayo ha.” Hindi pa sila nakakasagot ay nagmamadali nang tumalikod ang babae.

“Ang kapal! Hindi man lang tayo inimbita sa party!” gigil na wika ni Gigi.

Nakasimangot si Melanie. Maging siya ay nainis kay Tessa sa ginawa nito. Hindi man lang sila nito inimbita, kahit pabalat bunga lang.

Wala naman magawa ang mag-kumareng tsismosa dahil wala silang maipipintas sa pamilya ni Tessa.

May maayos na trabaho ang asawa nito na kahit minsan ay hindi nagloko. Pawang nakatapos na ng pag-aaral ang dalawang anak nito, na pawang magagalang na mga bata. Maging si Tessa ay isang huwaran na maybahay.

Advertisement

“Kapag nakahanap talaga ako ng baho ng pamilya ni Tessa, humanda siya sa akin!” inis na bulong ni Melanie.

Umuwi ang tsismosang mag-kumare na pawang busangot ang mukha.

Nang sumunod na linggo ay muling nagkita ang mag-kumare upang muling mag-tsimisan.

Sa kanilang pagkukwentuhan ay nahagip ng mata ni Gigi ang isang pamilyar na lalaki.

Nanlaki ang mata nito.

“Mare, tingnan mo! Hindi ba’t si Pareng Buboy ‘yun, asawa ni Mareng Tessa?” namimilog ang matang turo ni Gigi sa isang lalaki ng may kausap na maganda at batang batang babae.

Nanlaki ang mata ni Melanie nang makita ang tinutukoy ni Gigi.

Tama ito! Asawa nga ni Tessa ang lalaki.

Advertisement

“Hindi ba’t sinabi ni Tessa na bukas pa ang uwi ng asawa niya?” Bumaling siya sa kay Gigi nang may mapagtanto.

“May babae si Pareng Buboy!” halos magkasabay pa nilang bigkas. Pawang nanlalaki ang mga mata sa natuklasan.

Dali dali niyang inilabas ang kaniyang cellphone upang kunan ng litrato ang dalawa.

“Mare, anong ginagawa mo?” takang tanong ni Gigi nang makita ang ginawa niya.

“Para may pruweba tayo,” nakangising wika niya sa kumare.

Mas lalo silang nagulat nang makitang sumakay sa isang pulang kotse si Buboy kasama ang babae nito.

Dali daling tumayo si Melanie.

“Gigi! Tumayo ka na riyan at susundan natin sila!” nagmamadali silang lumabas ng coffee shop at pumara ng taxi.

Advertisement

“Manong! Sundan niyo po ‘yung pulang kotse!” utos niya sa matandang driver.

Sa kanilang biyahe ay iba ibang eksena na ang naglalaro sa isipan ni Melanie. Sisiguraduhin niya na mapapahiya si Tessa sa mga kakilala nila!

Halos trenta minutos din ang itinakbo ng taxi bago sila nakarating sa isang magandang subdivision. Pamilyar si Melanie sa subdivision na iyon dahil ginusto nilang mag-asawa bumili ng bahay dun ngunit masyado itong mahal.

Namilog ang mata nila ni Gigi nang makita ang maganda at malaking bahay na hinintuan ng pulang sasakyan na lulan si Buboy at ang babae nito.

May mga tanong na naglalaro sa isip nila.

Binilhan ba ni Buboy ng bahay ang babae? O talagang mapera ang babae?

Nang papasok ang dalawa sa bahay ay siniguro ni Melanie na makukunan niya nang larawan ang eksena.

Higit isang oras din ang itinagal ng dalawa sa loob bago nila nakitang lumabas mag-isa sa Buboy at sumakay sa pulang sasakyan.

Advertisement

Doon nila nakumpirma na may namamagitan nga sa dalawa. Hindi makapaniwala sina Melanie at Gigi sa kanilang natuklasan. Hindi sila nag-aksaya ng oras at agad na tinawagan si Tessa.

“Hello, Mareng Melanie? Napatawag ka?” bungad ni Tessa. Bakas sa tinig nito ang pagtataka. Hindi niya naman kasi ito madalas tawagan.

“Mareng Tessa, pwede ka ba bukas? May mahalaga lang kaming ibabalita sa’yo,” wika niya.

“Naku, mare, pasensiya ka na ha. Bukas kasi ‘yung party ng asawa ko, eh. Pero kung mahalaga talaga ‘yan, welcome naman kayong pumunta sa bahay bukas. Mga bandang alas kwatro magsisimula ang party,” sa wakas ay pag-iimbita nito sa kanila.

Nagkatinginan sila ni Gigi. Bakas sa kanilang mga mukha ang tuwa dahil umaayon sa kanilang plano ang mga pangyayari.

“Sige, mare, asahan mo kami ni Gigi bukas,” pagtanggap niya sa paanyaya nito.

Kinabukasan ay dumalo sila sa surprise party para kay Buboy. Matagumpay naman iyon dahil halatang nasurpresa talaga ang lalaki. Tuwang tuwa nitong niyakap si Tessa.

Kung titingnan ay mukhang maganda ang relasyon ng dalawa. Subalit alam ni Melanie ang katotohanan. Napangisi siya.

Advertisement

Nagsimula na ang party. Hinanap ng mata niya si Tessa.

Ikinagulat nila nang makita sa mga bisita ang pamilyar na babae. Walang iba kundi ang kabit ni Buboy! Masaya itong nakikipagtawanan kay Tessa.

‘Di yata’t kaibigan pa ni Tessa ang kabit ng asawa nito?

Nilapitan nila ni Gigi si Tessa at ang babae. Huminto ang dalawa sa pagtatawanan at binalingan sila ni Tessa.

“Mga mare! Buti nakarating kayo!” magiliw na bati ni Tessa.

“Ano nga pala ‘yung sasabihin niyo?” kunot noong tanong nito maya maya.

“Ate Tess, alis muna ako, ha? Mukhang may pag-uusapan kayong mahalaga,” mahinhing sabat ng babae.

“Hindi! ‘Wag kang aalis! Kasama ka sa usapang ito!” taas kilay na pigil ni Gigi sa babaeng papaalis.

Advertisement

“Teka, anong kinalaman ni Nicole dito?” naguguluhang tanong ni Tessa. Maging ang babaeng tinawag nitong si Nicole ay bakas sa mukha ang pagkabigla.

Inilabas naman ni Melanie ang kaniyang cellphone at ipinakita kay Tessa ang mga larawang nakuha niya noong nakaraang araw. Pinakita niya sa kumare na magkasama si Nicole at si Buboy.

“Isa kang kabit!” mataas ang boses na akusa ni Melanie kay Nicole bago pa siya mapigilan ni Tessa.

Maraming tao ang nakarinig sa sinabi niya kaya naman unti unting bumakas sa mukha ni Nicole ang pagkapahiya.

“Melanie! Anong ginagawa mo? ‘Wag ka naman mag-eskandalo dito!” mahina ngunit mariing saway ni Tessa sa kaniya.

“Talaga namang may kabit ang asawa mo! Malinaw sa mga litrato. Gumising ka nga sa katotohahan, Tessa! Tanggapin mo na hindi perpekto ang pamilya mo!” inis na sagot niya sa kumare.

Nang mga oras na iyon ay nakalapit na si Buboy dahil narinig nito ang komosyon.

“Anong pinagsasasabi niyo na may kabit ako?” galit na bumaling ito sa dalawang tsismosa.

Advertisement

“Nakita ka namin ni Melanie! Sumakay ka sa kotse kasama ni Nicole at pumasok kayo sa isang bahay!” matapang na saad ni Gigi.

Nagkatinginan si Nicole at Buboy. Tila nag-usap ang mata ng dalawa.

Nakita nilang tumango si Nicole sa lalaki.

“Kuya, sige na, sabihin mo na ang totoo. Tutal sira na rin naman ang surpresa mo dahil sa mga tsismosang ‘to!” Tiningnan nito nang matalim ang nagulat na sina Gigi at Melanie.

“Tessa. Ang totoo niyan ay nabili ko na ang dream house natin!” pagbabalita ni Buboy sa asawa.

“Talaga, hon? Maraming salamat sa Diyos!” naluluhang yumakap si Tessa sa asawa. Halata sa mukha nito ang ligaya.

“Hindi ako kabit. Una, ako ang ahente na tumulong kay Kuya Buboy mabili ang bahay. Ikalawa, pinsan ko si Kuya Buboy,” taas kilay na paliwanag naman ni Nicole sa dalawang tsismosa.

“Naku, tama ‘yan! Lumipat na kayo ng bahay para naman makaiwas na sa mga tsismosa na walang magawa sa buhay!” payo ng isa sa mga bisita ng mag-asawa.

Advertisement

Si Melanie at Gigi naman ay tila itinulos sa kanilang kinatatayuan.

“Umalis na nga kayo! Sinisira niyo ang magandang party!” sigaw pa ng isang lalaki.

Ang mag-asawa naman ay tahimik lang na nagmamasid.

Pahiyang pahiya ang dalawang tsismosa na halos ipagtabuyan ng mga bisita palabas ng bahay.

Kumalat sa buong baranggay ang ginawa ni Melanie at Gigi, na mariing kinondena ng karamihan. Maging ang kanilang mga pamilya ang hiyang hiya sa ginawa nila.

Isang matinding leksiyon ang isinampal sa kanila ng pangyayaring iyon: huwag maging tsismosa at humanap ng mali sa buhay ng iba!