Inday TrendingInday Trending
Laging Tampulan ng Tukso ang Lalaking Maraming Tigidig; Paano Kapag Bigla Siyang Gumuwapo?

Laging Tampulan ng Tukso ang Lalaking Maraming Tigidig; Paano Kapag Bigla Siyang Gumuwapo?

Maraming taghiyawat sa mukha ang binatang si Nathaniel. Dahil doon, noon pa man ay tampulan na siya ng tuksoʼt pangungutya ng mga salbahe.

Lingid sa kaalaman ng karamihan ay may mas makabuluhang bagay tungkol sa pagkatao ni Nathaniel bukod sa kaniyang mukhang maraming taghiyawat. Iyon ay ang pagiging mabuti niyang kuya sa mga kapatid niya.

Halos siya na ang tumayong magulang sa mga ito buhat nang magsipag-asawa ng iba ang pareho nilang ama at ina. Tatlo silang magkakapatid at siya lang ang lalaki kaya naman ganoon na lamang niya kung protektahan ang kaniyang mga kapatid.

Nagtatrabaho sa gabi, nag-aaral sa umaga upang kaniyang matustusan ang pangangailangan ng dalawa niyang kapatid, kaya naman hindi na siya mawalan-walan mg taghiyawat sa mukha. Kapupuyat niya kasi ʼyon at kaiisip ng problema.

“Kuya, i-facial kaya kita? May natira pa naman akong gamit diyan mula sa pinag-training-an ko kanina,” nakangiting anang kaniyang kapatid na si Misty sa kaniya.

“Naku, marunong ka na ba? Baka naman pag-practice-an mo lang ang mukha koʼt lalong masira ʼyan?” biro naman niya sa kapatid.

Nag-aaral kasi ito ng beauty care sa kanilang eskuwelahan kaya naman marunong ito sa mga ganoon. Isa paʼy nagpa-part time ito sa spa ng kanilang tiyahin para makatulong sa kaniya, kahit papaano.

Sa huli ay pumayag naman si Nathaniel sa gusto ng kapatid. Nakaka-relax din naman kasi ang ganoon kahit minsan lang.

“Aba! Ang sarap ng pakiramdam ko, ah! Ang galing mo na riyan.” Pinuri ni Nathaniel ang kapatid nang madamang tila nabawasan ang kaniyang taghiyawat sa ginawa nitong facial treatment sa kaniya.

Binigyan pa siya nito ng ilang gamot at panghilamos na epektibo raw para sa mga taghiyawat.

Madalas pa rin kasing pagtawanan sa eskuwelahan si Nathaniel. Tampulan siya ng tukso ng mga kaesluwela at nagsasawa na siya sa ganoon kaya naman minabuti niyang sundin ang instructions ng kapatid.

“Tigidig! Tigidig!” Nasa entrance pa lamang siya ng eskuwelahan ay nadirinig na niya ang sigawan ng mga bully.

Inaasar na naman siya ng mga ito. Napabuntong-hininga na lang si Nathaniel. Palibhasa kasiʼy makikinis at mga guwapo ito kaya ganoon na lang kung siya ay kanilang alipustahin.

Ipinagpatuloy Nathaniel ang paggamit ng mga ibinibigay ng kapatid niya sa kaniya kaya naman unti-unti ring nabawasan ang kaniyang taghiyawat. Lalo na noong sila ay magkaroon ng sem break. Nabawasan kasi ang isipin niya dahil wala siyang pasok sa school nang mga panahong iyon. Ang trabaho naman niyaʼy iniuuwi na lang niya sa bahay kaya naman ganoon na lang ang kaniyang ginhawa.

Tuluyang nawala ang mga taghiyawat sa mukha ni Nathaniel at dahil doon ay lumabas na ang tunay niyang kakisigan! Ang guwapo pala niya kung titingnan!

“Grabe, kuya, ikaw ba ʼyan?!” Maging ang kapatid niya ay hindi makapaniwala, lalo na nang subukan niyang magpagupit at magbago ng estilo ng pananamit.

“Ang guwapo-guwapo na ng kuya namin!” si Mandy naman ang nagsalita.

“Aba, siyempre! Kanino pa ba kayo magmamana?” kunwariʼy pagyayabang naman ni Nathaniel ngunit kahit siyaʼy hindi makapaniwala.

Nakadagdag din kasi sa kaniyang kaguwapuhan ang tikas ng katawan niyang batak na noon pa sa trabaho. Kaya naman nang siya ay pumasok sa eskuwela ay halos maglaglagan ang panga ng mga nakakikilala sa kaniya nang siyaʼy makita!

Simula nang magbago ang kaniyang hitsura ay marami na ang naging oportunidad para sa kaniya. Nariyang may kumukuha sa kaniya upang maging modelo sa isang kompanya na agad naman niyang tinanggap, lalo na nang malamang maganda ang suweldo roon bukod pa sa matino at disente naman ang trabaho.

Napagtanto ni Nathaniel na sa panahong ito ay mas lamang talaga kapag maayos ang hitsura mo. Ganoon pa man ay pinanatili ni Nathaniel na nakaapak sa lupa ang kaniyang mga paa, kahit pa nga nakabili na siya ng isang condo unit, gamit ang kaniyang sariling pera mula sa pagmomodelo. Natustusan na rin niya nang maayos ang pag-aaral ng dalawa pa niyang kapatid.

Ngayon ay mas nakikita na ng tao ang pagiging mabuti niyang kuya dahil maganda rin ang hitsura niya at iyon ang ikinaiinis ni Nathaniel. Kung sana lang ay hindi nakabase sa hitsura ng tao ang oportunidad ngayon, e ‘di sana dati pa gumanda ang kanilang buhay.

Ganoon pa man ay masaya na rin si Nathaniel sa nangyari. Biyaya na kung maituturing ang naging pag-ayos ng kaniyang hitsura sa tulong ng kaniyang kapatid.

Advertisement