Isang Sakuna ang Naganap sa Kanilang Lugar; Gaano Ba Kahalaga ang Pagiging Handa?
“Hoy, Rod! Alam mo bang may bagong bagyo na papasok sa bansa? Naghahanda na lahat ng kapit-bahay natin dahil isa raw ang lugar natin ang dadaanan ng bagyo. May mga konsehal din akong nakita na nag-iikot kanina at pinapayuhang maghanda at mag-ingat daw tayo. Pinakamalakas na bagyo ngayong taon ang papasok at maaga pa lamang ay nananalangin na ang lahat na malusaw ito.” Napatango si Rod sa balitang sinabi ng matalilk na kaibigan. Sa katunayan ay nakapaghanda na sila at nailipat na sa matataas na lugar ang kanilang mga gamit para hindi mabasa at masira kung sakaling babaha sa kanilang lugar.
“Oo, kilala mo naman sina mama at papa. Kailangan maagap ang lahat. Hindi pa nga tapos ang balita ay inayos na namin ang lahat, namili na rin sila ng pagkain at naghanda ng maiinom.” Napakamot ng ulo ang kaibigan niyang si Drei.
“Huwag mong sabihing nandito ka para sabihin ‘yan pero hindi pa kayo naghahanda?” Natatawang napatango ang kausap kaya akmang uupakan niya ito. Nagtatakbo ito palayo sa kaniya kaya iiling-iling niyang tinanaw na lamang si Drei.
“Loko talaga ʼto,” naisatinig na lamang niya. “Maghanda na kayo! Inuna mo pang maki-tsismis diyan!” kunwariʼy pinagalitan niya ang kaibigan.
Pumasok na siya sa loob ng bahay matapos na hindi na maabot ng tingin ang kaibigan. Dalawang palapag ang kanilang bahay at mataas din ito. Ilang beses na silang hinagupit ng bagyo kaya naman nagpataas talaga sila ng bahay para may mapuntahan kung sakaling abutin ng baha ang babang palapag.
Ilang araw lang ang lumipas ay naramdaman na nila ang hagupit ng bagyo. Nawalan na rin ng suplay ng kuryente sa kanila at hindi inaasahang gabi pa tumama sa kanilang lugar ang bagyo.
Nang una ay nasa unang palapag lang sila ng bahay at doon hinihintay ang paghupa ng malalakas na ulan ngunit habang tumatagal ay unti-unti nang tumaas ang tubig at pumapasok na iyon sa kanilang bahay. Naririnig ni Drei ang kalampagan ng yero sa mga katabing bahay kaya nagpatuloy siya sa taimtim na pagdarasal.
Sa halip na matulog ay pinili niyang manatiling gising upang maging handa sa mga nangyayari. Maya-maya ay may nakita siyang ilaw sa labas ng kanilang bahay. Naroon ang kaibigang si Drei at ang pamilya nito.
“Papa, nasa baba ang pamilya ni Drei.”
Mabilis na bumaba ang padre de pamilya nila. Halos umabot na sa baywang nito ang tubig kaya naman hirap siyang makalabas agad. Nang mabuksan ang pinto ay agad nitong pinapasok ang pamilya Matibag at pinaakyat sa ikalawang palapag.
Binigyan ng tuwalya ni Rod ang kaibigan at bunso nitong kapatid na labing tatlong taong gulang.
“Pasensya na kayo at dito kami tumuloy. Halos maabot na kasi ng tubig ang bubong ng bahay namin sa sobrang baba ng kinatitirikan nito.” Bakas ang hiya sa mukha ng tatay ni Drei.
“Wala iyon, kumpadre.” Tinapik naman ito ng ama ni Rod at nginitian.
Nagluto ng mainit na gotto ang nanay ni Rod at ibinigay ito sa mga bisita. Wala pa ring tigil ang malalakas na hangin at ulan sa labas.
Nang tingnan ni Rod ang cellphone niya ay ala-una na pala ng madaling araw.
Pagsapit ng umaga ay tumambad sa kanila ang mga kabahayang lubog sa baha. Ang ibang pamilya ay nanatili na sa bubong ng kanilang bahay at pilit na humihingi ng saklolo. May iba namang walang tigil sa kaiiyak.
Humanap ng paraan ang magkaibigan upang makatulong sa mga nangangailangan. Sa tulong ng mga magulang ay ilang pamilya ang naabutan nila ng pagkain.
Ang iba’y basang-basa kaya naman pinahiram nila ito ng mga damit na tuyo upang hindi magkasakit.
Hindi makapaniwala si Rod at Drei sa sinapit ng kanilang lugar. Alam nilang buwan pa ang itatagal bago muling maayos ang lugar na winasak ng bagyo.
Gayunpaman, patuloy na gumawa ng paraan ang dalawang magkaibigan para makatulong. Malaki ang naging pasasalamat sa kanila ng kanilang mga natulungan. Bata, matanda, babae, lalaki o anumang kasarian ng mga itoʼy hindi sila nangiming magbigay ng tulong katulad ng pagtulong ng pamilya nina Rod sa pamilya ni Drei.
Maraming ahensya at mga pribadong institusyon ang din ang nagpaabot ng malasakit sa kanila. Nakita nilang dalawa ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa at ganoon din ang pagiging handa sa mga ganitong sakuna.
Isang taimtim na panalangin ang inihandog ng pamilya nina Rod at Drei sa panibagong araw na ligtas at sama-sama sila.
Isang dasal na siyang tanging pinakamabisang lunas sa lahat ng mga nangyayari ngayon.