Ipinagpalit Niya ang Kasintahan sa Mayamang Amo; Pagsisisihan Pala niya Ito sa Huli
“Pupunta ako ng ibang bansa,” mahinahong pagsisiwalat ni Cara sa kausap na kasintahan.
Hayskul pa lamang ay pangarap na niya ang magandang buhay na ipinangakong ibibigay ni Arien. Ngunit nasa anim na taon na ang pagsasama nila ay wala pa ring pagbabago at lalo pa siyang naghihikahos sa buhay.
Inaamin niyang mahal na mahal niya si Arien kaya sumama siya rito at nakipagtanan, ngunit tila hindi na sapat ang pagmamahal lamang na iyon upang maging masaya sila—siya.
Hindi nakaimik ang kasintahan dahil sa kaniyang sinabi… nanatiling tahimik ng ilang minuto.
“Kung iyan ang gusto mo. ‘Wag kang mag-alala at susundan kita roon kapag nagka-pera na ako.” Napayakap si Cara kay Arien sa labis na tuwa.
Hindi niya inakala na papayag ito lalo’t ayaw nitong magkahiwalay sila.
Hindi nagtagal ay lumipad papuntang Japan si Cara. Malungkot ang kaniyang mukha lalo’t iilang oras pa lamang siyang nawawala kay Arien ay tila pinanghihinaan na siya ng loob.
“Tatandaan mong mahal kita, Cara. Mag-iingat ka roon at huwag pababayaan ang sarili mo. Tumawag ka sa akin kapag wala kang ginagawa.” Hinalikan siya ni Arien sa mga labi at hindi niya napigilan ang mapaluha.
“Mahal na mahal din kita,” aniya habang nakatitig sa lumuluha nitong mata.
Pagdating sa bahay ng amo ay namangha siya sa laki nito. Mayamang-mayaman ang kaniyang napasukan mga amo at mababait din ang mga ito.
Gaya ng napag-usapan ay tumatawag si Cara sa tuwing wala siyang ginagawa.
“Kumusta ka? Ayos ka lang ba diyan?”
“Oo, mahal. Ikaw ba?”
Halos ganoon ang palaging sitwasyon nilang magkasintahan. Kumustahan dito, kumustahan doon. Kaunting kwentuhan bago ibaba ang telepono.
Matapos ang dalawang buwang pamamalagi sa Japan ay umuwi ang anak ng kanilang amo. Gwapo ito at alam ni Cara na hindi nalalayo ang edad niya rito. Matagal itong nasa ibang bansa at ngayon lamang muling umuwi.
Maraming pagkakataon na naiiwan silang dalawa sa bahay. Minsan ay nagkukuwento sila at nakita niyang mabait na tao ang lalaki.
Naging madalang na lamang ang pagtawag niya kay Arien dahil sa halip ay ang binatang hapon ang lagi niyang kausap sa tuwing tapos na ang kaniyang trabaho.
Samantala ay nag-aalala na si Arien sa halos kalahating taong pagiging madalang ng pagpaparamdam ni Cara. Lalo siyang nagpursige na makasunod na rito.
Matapos ang isang taon ay lumipad na rin si Arien papuntang Japan, lingid sa kaalaman ng kaniyang kasintahan. Gusto niya kasi itong sorpresahin. Hinanap niya ang lugar na pinapasukan ni Cara at nakita niya ito sa malawak na hardin. May nakalatag na blanket doon, nakaupo ang mahal niya habang hinihimas ang buhok ng isang lalaking hapon. Masaya silang nakangiti sa isa’t isa.
Nalaglag ang mga luhang kaniyang pinipigilan.
Sinubukan niyang tawagan ang numero ng kaniyang nobya at himalang sumagot ito…
“Bakit ka tumawag? Nasa labas ako,” iritableng tanong ni Cara sa kaniya. Nginitian pa nito ang kaulayaw na binatang hapon na mukhang hindi naman ito naiintindihan.
“Narito ako sa harap mo, Cara, tumunghay ka,” pag-iimporma naman ni Arien na ikinagulat ng dalaga.
“A-Anong ginagawa mo rito?” may galit na tanong nito. Saglit itong nagpaalam sa hapon at pinuntahan siya.
“Sinudundan ka,” puno ng hinanakit na sagot naman ng binata.
“Umuwi na tayo sa Pilipinas. Sapat na siguro ang naipon mo at ipon ko para maging maayos ang buhay natin. Dodoblehin ko ang trabaho ko, pakiusap, umuwi na tayo.” Ngunit nagulat si Arien sa naging sagot nito.
“Hindi na ako babalik sa Pilipinas. Maayos na ang buhay ko rito. Hindi ako naghihirap at mayaman na ako. Ayokong bumalik kung saan kailangan ko pang itira ang maliit na tuyo para lang may ulamin ako kinabukasan o kaya ay mag-toyo para lang malamnan ang tiyan. Ayoko na, Arien. Masaya na ako kaya maaari ka nang umalis.” Tinalikuran siya ni Cara. Hindi niya alam ang gagawin ngayong iniwan na siya ng babaeng minamahal niya.
Gayunpaman ay ipinagpatuloy niya ang buhay sa Japan. Nagpursige siya at nagbakasakaling mabawi si Cara kapag may pera na siya.
Hindi niya inakalang may bagong babaeng darating sa buhay niya. Naging kasama niya ito sa trabaho at lagi itong nakaagapay sa kaniya. Dito niya inilalabas ang saloobin hanggang magkagustuhan sila at nagkapamilya.
Nang makaipon ay umuwi sila sa Pilipinas. Doon sila nagpakasal at nagtayo ng negosyo mula sa kanilang kita sa Japan. Naging matatag at matayog ang kanilang negosyo na unti-unting nakilala sa bansa.
Masayang-masaya si Arien sa kinahantungan ng buhay niya. Ngunit naging mapagbiro ang tadhana nang muling bumalik si Cara.
“Anoʼng ginagawa mo rito?” tanong niya habang ang mata ay nasa asawa ang tingin.
“M-mahal pa kita, Arien. Nagmamakaawa ako sa ‘yo, bumalik ka na sa akin.” Natawa nang malakas si Arien na para bang biro ang sinabi ni Cara.
“Hindi mo ba nakikita? Pamilyado na ako, Cara. Mahal ko ang asawa’t anak ko at hinding hindi ko sila ipagpapalit. Ngunit huwag kang mag-alala, pinatawad na kita sa ginawa mo noon. Sana makahanap ka ng lalaking magmamahal sa ‘yo.”
Tinalikuran niya ito habang naiwang nakaluhod si Cara at umiiyak. Nakatingin sa masayang mukha ng dating nobyo, kasama ang anak nitong babae.
Hindi kasi naging maayos ang pagsasama nila ng Hapon dahil sa una lamang pala ito magaling. Babaero at nananakit ito, kaya naman napilitan siyang umuwi sa ‘Pinas nang walang-wala ni piso. Nasa huli nga naman talaga ang pagsisisi.