Padabog na umupo si Hara sa kaniyang kama. Nakakunot ang kaniyang noo at masama ang tingin sa kasintahan.
“Ikaw pa ngayon ang galit?” hindi makapaniwalang tanong ng kasintahang si Nick sa kaniya. Tila naman lalong nag-init ang ulo ng dalaga.
“Alam mo, nakakasakal ka na, Nick. Ano baʼng masama sa suot ko? Hindi naman ako nakahubad. Bakit kailangan kong mahiya?” iritadong saad ni Hara at hindi nilubayan ng masamang tingin si Nick.
Napatawa si Nick ngunit sa loob-loob ay nagtitimpi siyang makapagsalita ng masasakit sa nobya.
“Sa suot mo, walang masama, pero, Hara, nakita mo ba kung gaano kalagkit ang tingin sa ʼyo noong mga manginginom na tambay nang mapadaan ka sa tapat nila? Isa pa, kung nakasisiguro lang akong ligtas ang pupuntahan moʼy papayagan kita sa kahit anong damit na gusto mong isuot dahil karapatan mo ʼyon. Pinag-iingatan lang kita.”
Hindi nakaimik si Hara. Tila nakukuha nito ang nais ipahiwatig ng nobyo ngunit sarado ang utak niya kaya ayaw niyang aminin iyon.
“Pʼwede bang bukas na tayo mag-usap? Pagod ako at gustong magpahinga.” Iniwan niya ang kasintahan sa sala at mabilis na pumasok sa kwarto.
Agad siyang nahiga sa kaniyang kama. Ang dalawang paa ay nakalapat sa sahig habang nakapikit ang kaniyang mga mata.
Pakiramdam ni Hara ay napapagod siya sa relasyon nila ni Nick. Ang dami-daming bawal at laging may nasasabi ang lalaki sa kaniyang suot. Nais lagi nito ay pantalon at mga damit na mahahaba ang manggas ang isuot niya. Para dito, iyon ang disenteng damit ng mga babae.
Tatlong katok galing sa pintuan ang kaniyang narinig.
“Bukas po iyan,” sigaw niya at maya-maya ay bumukas ang pinto. Nanatili siyang nakapikit habang papalapit ang presensya ng isang tao.
“Nag-away na naman kayo?” mahinahong tanong ng kaniyang ina kahit alam na naman nito ang sagot.
Nagmulat siya ng mata at saka umayos ng umupo. Humarap siya sa kaniyang ina bago dahan-dahang tumango.
“Mahal mo ba siya?” sunod nitong tanong na muli niyang tinanguan.
“Anong problema?” Doon tumulo ang luhang matagal na pinigilan ni Hara.
“M-mama, nasasakal na ako sa kaniya.” Pag-amin ni Hara sa ina. “Sa lahat na lang ng bagay, gusto niya siya ang masusunod. Gusto niya alam niya ang lahat ng ginagawa koʼt pati paraan ng pananamit ko ay pinakikialaman niya! Napapagod ako sa paulit-ulit naming pag-aaway dahil doon.” Laking pasalamat ni Hara na may ina siyang handang makinig kapag kailangan niya.
“Bakit hindi ka makipaghiwalay?” Parang nabingi si Hara sa tanong na iyon. Bakit nga ba? Kahit siya ay naitanong iyon sa sarili niya.
Alam niyang pagod na siya sa ugali at paulit-ulit na pagbabawal ni Nick sa kaniya pero hindi niya magawang hiwalayan ito dahil sa pagmamahal na mayroon siya para sa lalaki.
“M-mahal ko po siya,” pag-amin niyang muli sa ina.
“Masuwerte ka kay Nick, Hara. Kung tutuusin ay kaligtasan mo lamang ang gusto niya. Mabait, maalaga at mapagmahal si Nick. Ilang taon na nga kayong magkasintahan?”
“Tatlong taon po.”
“Bakit hindi ka pa sanay? Bakit paulit-ulit kayong nagtatalo sa bagay na dapat umpisa pa lang ay nilinaw n’yo na sa isa’t isa.” Napatitig si Hara sa kaniyang ina. May ngiti sa labi nito na nagsasabing magiging maayos din ang lahat.
“Alam mo, anak, para sa mas matagal na relasyon ay kailangan ninyong unawain ang isa’t isa. Kung gusto mong makasama sa habambuhay ang isa’t isa ay matuto kayong magbigayan upang hindi kayo humantong sa hiwalayan.” Napayakap si Hara sa ina. Hindi niya malaman ang gagawin kung wala ito sa tabi niya.
“Opo, Mama.”
Matapos ang usapan ay nahiga siya. Tinawagan na rin niya ang kasintahan at wala pang ilang segundo ay agad na itong sumagot.
“H-Hara, galit ka pa ba?” Napangiti si Hara nang kaunti. Alam niyang hindi madaling magtanim ng galit ang kasintahan at madali siya nitong napapatawad.
“Pasensiya na,” umpisa niya. “Alam kong naging matigas na naman ang ulo ko kaya nag-away tayo. Pasensiya ka na sa mga nasabi ko, hindi ko sinasadya.” Nanatiling tahimik ang binata sa kabilang linya.
“Mahal na mahal kita. Kahit minsan nasasakal na ako, mahal pa rin kita.” Natawa ang kausap sa kabilang linya.
“Mahal din kita. At hindi ako mapapagod pagsabihan ka kung para sa ikakabuti mo.”
Matapos niyon ay nagkaayos na uli sila. Nagkwentuhan pa sila nang ilang oras bago nagpaalam na matutulog na.
Sa huli, hindi mapigilang mapangiti ni Hara sa isiping, may kulang man sa relasyon nila ay hindi mababagong sobrang mahal nila ang isa’t isa. Unti-unti ay nauunawaan niyang para sa kaniyang kapakanan naman ang iniisip at pinag-iingatan nito.